Inday TrendingInday Trending
Dinala ng Lalaking Ito ang Kabit sa Kanilang Bahay bilang Kasambahay, Hindi Niya Akalain ang Ginawa ng Kaniyang Asawa

Dinala ng Lalaking Ito ang Kabit sa Kanilang Bahay bilang Kasambahay, Hindi Niya Akalain ang Ginawa ng Kaniyang Asawa

“Mahal, alam mo, ayokong napapagod ka, eh. Nasasaktan ako kapag nakikita kang pagod na pagod sa gabi. Pagkauwi mo galing trabaho, kukunin mo ang mga bata kay mama tapos magluluto ka ng hapunan, aalagaan ang mga bata at gagawin ang mga takdang-aralin nila. Kaya naisip ko, bakit hindi kaya tayo kumuha ng kasambahay?” tanong ni Gido sa kaniyang asawa, isang gabi habang sila’y nakahiga na sa kanilang kama.

“Pupwede naman, mahal, may nahanap ka na ba?” tanong ng asawa niya, dahilan upang umayos siya ng pagkakahiga upang mas maikwento rito nang maayos.

“Mayroon na akong kilalang maaari nating kuhaning kasambahay, isa sa mga estudyante ko. Mahirap lang kasi ‘yong batang ‘yon at kailangan niya talaga ng pera para makapagtapos ng kolehiyo. Siya na lang kasi ang bumubuhay sa sarili niya,” kwento niya, kitang-kita niya sa mukha ng kaniyang asawa ang pagkakumbinsi.

“Ganoon ba? O, sige, papasukin mo na siya rito sa atin bukas, saktong-sakto at gabi ang flight ko bukas at may pagdiriwang kang pupuntahan, hindi ba? Walang magbabantay sa mga bata kaya sige, pagsimulain mo na siya agad bukas,” nakangiting sagot nito dahilan upang labis siyang matuwa.

“Oo nga, eh, sige, sasabihan ko na siya,” nagmamadali niyang tugon saka kinuha ang kaniyanh selpon at sandaling lumabas ng kanilang silid upang kausapin ang naturang dalaga.

Kilala sa pagiging babaero ang propesor na si Gido sa unibersidad na kaniyang pinagtatrababuhan. Halos lahat kasi ng hinahawakan niyang klase, hindi maaaring walang naiisyu sa kaniyang estudyante na labis niyang tinatanggi upang huwag matanggalan ng trabaho at lalo’t higit para huwag siyang hiwalayan at pandirihan ng kaniyang asawa.

Kahit pa siya’y babaero at hayok na hayok sa kung sinu-sinong babaeng makakasalamuha niya, mapakapwa guro man o estudyante, takot pa rin siyang maiwan ng kaniyang mag-iina dahilan upang itago niya maigi ang kaniyang mga kalokohan sa tulong ng kaniyang mga kaibigan na kapwa propesor na nagtatakip sa kaniya sa mga isyung kumakalat sa naturang unibersidad.

Masaya na siyang may nakakalandiang ibang babae sa kaniyang trabaho dahil halos kaunting oras lang ang nagugugol ng kaniyang asawa sa kaniya na isang flight attendant.

Naiintindihan niya naman ang trabaho nito kaya ang ginagawa niya, imbes na magreklamo, sa iba niya na lamang hinahanap ang romansang nais niyang makuha sa asawa.

Ngunit, tila napukaw ng isang estudyante ang kaniyang atensyon at pagmamahal dahilan upang ipursigi niya itong gawing kasambahay para makasama niya ito sa kanilang bahay. ‘Ika niya, “Magiging masaya ‘to, lalo na’t kapag may flight ang asawa ko at wala ang mga anak ko!” kaya ganoon na lamang ang saya niya nang pumayag ang kaniyang asawa.

Kinabukasan, sinama niya na pauwi sa kanilang bahay ang naturang dalaga. Nadatnan niyang nasa sala ang kaniyang mag-iina habang kumakain ng meryenda dahilan upang agad niyang ipakilala ang kasama niyang dalaga.

“Ah, siya na ba ‘yong magiging kasambahay natin?” tanong ng kaniyang asawa dahilan upang siya’y mapatango, “Batang-bata, ha? Siguro ngayong nakita mong may mga batang anak ang asawa ko, bibitaw ka na sa pagkakalingkis sa kaniya?” mataray na sambit nito dahilan upang agad niyang alisin ang kamay ng naturang dalaga sa kaniyang braso, “Hindi mo naman agad sinabi, Gido, na gagawin mo ang lahat para makasama sa bahay ang kabit mo. Handa naman kaming umalis mag-iina, eh, pagdating niyo na lang ang hinihintay namin,” dagdag pa nito saka nilabas ang male-maletang gamit nilang mag-iina dahilan upang siya’y agad na magpaliwanag at pigilan ang pag-alis ng mga ito.

“Tama na, daddy, ayoko na sa bad guy na katulad mo,” wika ng kaniyang panganay na anak na labis na tumagos sa kaniyang puso.

Wala siyang nagawa kung hindi ang tignan na lang ang kaniyang mag-iina na sumakay sa kanilang kotse at umalis nang hindi siya iniintindi.

Doon niya napagtantong wala siyang kwentang asawa at ama. Sa sobrang inis niya sa kaniyang sarili, bahagya niyang inuuntog-untog ang sarili sa pintuan ng kanilang bahay dahilan upang pigilan siya ng dala-dala niyang babae na kanina pa umiiyak.

“Alam mo, marami ka pang makikilalang lalaki. Mas mayaman sa akin at walang pamilya. Pasensiya ka na kung dinamay pa kita. Ito, o, allowance mo, makakaalis ka na,” sambit niya habang inaabot sa dalaga ang isang sobreng may lamang pera saka agad na nagkulong sa kaniyang bahay.

Gawin man niya ang lahat upang matunton ang kaniyang mag-iina, hindi niya pa rin magawang makita kung saan nagkubli ang mga ito kaya naman labis siyang nagsisisi sa kaniyang mga ginawa.

Advertisement