
May Hiwagang Hatid sa mga Ginang na Nais Magbuntis ang Isang Yungib sa Gitna ng Kagubatan ng Isang Baryo; Totoo Nga Kaya Ito?
“Gusto ko na talagang magkaanak, mahal. Magtutungo na ba tayo sa mahiwagang yungib ng Biglang-Awa?”
Napasulyap si Mang Domeng sa kaniyang misis na si Aling Inocencia. Halos pitong taon na silang kasal subalit hanggang ngayon ay wala pa rin silang supling. Hindi naman sila makapagpakonsulta sa mga espesyalista upang malaman ang kanilang kondisyon at kung sino sa kanila ang may diperensiya. Simple lamang ang kanilang pamumuhay sa bukid bilang mga magsasaka.
Isa pa, hindi nila naisip na magkaroon pa ng isang tiyan na pakakainin pa nila, gayong paminsan ay nagkukulang din sila sa pagkain. Hindi nila maaatim na may isang sikmura pang magugutuman dahil sa hirap ng kanilang sitwasyon. Sanay silang kumain ng saging na saba, o kamoteng kahoy sa maghapon.
“Bakit naman biglang-biglang nais mong magkasupling? Saka matanda na tayong pareho. Baka hindi mo na kakailanganin pang magbuntis,” sabi ni Mang Domeng.
Kung titingnan, mukha na ngang matanda ang mag-asawa, malayo sa tunay nilang edad na nasa 40 taong gulang pa lamang. Subalit kahit sunog ang balat sa araw, kung pakatititigang mabuti si Aling Inocencia. Mababanaag sa kaniya ang simpleng kagandahan Kagandahan ng isang tipikal na Pilipina.
“Wala namang masama kung susubukin natin ang kapalaran natin. Nabalitaan ko, sadyang milagroso ang mahiwagang yungib ng Biglang-Awa. Subukan natin. Walang mawawala. Isang kabang bigas ay uubra na raw sa albularyong si Ka Temyong,” saad ni Aling Inocencia.
Ang mahiwagang yungib ng Biglang-Awa ay ang kuwebang nasa gitna ng kagubatan ng kanilang baryo. Kilalang-kilala ito sa kanilang baryo dahil mapaghimala raw umano ito. May ilang mga mag-asawa sa kanilang baryo na hindi pa nagkaka-anak ang minsang lumapit kay Ka Temyong. Bibigyan niya ang babae o ginang ng isang mapaghimalang tubig. Kailangan niyang magtungong mag-isa sa yungib at inumin doon ang mapaghimalang tubig. Karamihan sa mga gumawa nito ay nagbuntis nga. Subalit kabilin-bilinan ni Ka Temyong na huwag ipagsasabi ito sa ibang baryo dahil magagalit daw ang elementong tagapagbantay kapag nabulabog ito.
Hindi pumayag si Mang Domeng sa hiling ni Aling Inocencia. Ayaw na niyang magkaanak. Sa isip-isip niya, palihim siyang nagpapasalamat dahil sa hindi sila biniyayaan ng supling. Ayaw niyang maranasan ng kaniyang mga magiging anak ang hirap ng buhay.
Subalit hindi nagpatinag si Aling Inocencia. Palihim siyang nagsadya kay Ka Temyong. Dala-dala niya ang ilang basket ng prutas at gulay, gayundin ang kaunting pera bilang pambayad sa matanda.
“Alam ba ng asawa mo ang gagawin mo?” usisa sa kaniya ni Ka Temyong.
“Hindi po. Ayaw niyang magkaanak pa kami. Pero ako, gustong-gusto ko,” sabi ni Aling Inocencia.
“Sige. Magtungo ka mamayang gabi sa yungib ng Biglang-Awa. Ikaw lamang mag-isa. Mga alas sais ng gabi. Pagkatapos, inumin mo itong mahiwagang tubig at magdasal,” sabi ni Ka Temyong. Iniabot nito ang maliit na botelya na naglalaman ng mahiwagang tubig.
Kabado man, nagtungo na nga siya sa yungib dala-dala lamang ang isang lampara bilang tanglaw. Nakatatakot ang yungib ng Biglang-Awa. Tila malaking bibig ng isang halimaw ang bunganga nito. Pusikit na dilim ang mababanaagan sa loob. Nilakasan na lamang ni Aling Inocencia ang kaniyang dibdib. Kailangan daw niyang pumasok sa loob nito at humiga sa sahig nito. Pagkatapos, kailangan niyang inumin ang mahiwagang likidong nasa maliit na botelya. Ginawa nga niya ito.
Maya-maya, nakaramdam ng pagkahilo si Aling Inocencia. Hindi niya maigalaw ang katawan. Hindi niya maidilat ang kaniyang mga mata. Para siyang hinihila sa kung saan. Hanggang sa naramdaman niyang may dumagan sa kaniyang katawan. Tila siya hinubaran… subalit wala siyang lakas upang manlaban. Hanggang sa hindi na mapaglabanan ni Aling Inocencia ang antok at tuluyan na siyang nilamon ng pagkakahimbing.
Nang magising si Aling Inocencia, tila walang nangyari. Nakasuot pa rin sa kaniya ang kaniyang mga saplot, subalit naramdaman niyang masakit ang kaniyang pagkababae. Umuwi siya sa kanila, mabuti na lamang at nasa bukid pa rin si Mang Domeng.
Pagkauwi ni Mang Domeng, lasing na lasing ito. Nakipag-inuman pala ito ng tuba sa mga kasamang magsasaka. Sinamantala ito ni Aling Inocencia. Kung magbubuntis man siya, kailangang magpagalaw siya ka Mang Domeng upang hindi ito maghinala kung sakaling magdalantao siya dahil sa hiwaga ng yungib.
Makalipas ang apat na buwan, nakompirma ni Aling Inocencia na siya ay nagdadalantao na. Kaya pala naging bugnutin at mabigat ang pakiramdam niya dahil naglilihi na siya. Nakompirma lamang niya ang pagdadalantao nang lumobo na ang kaniyang sinapupunan. Kahit na halos mapalundag siya sa kasiyahan, hindi pa rin niya sasabihin kay Mang Domeng ang ginawa niyang paghingi ng himala sa yungib ng Biglang-Awa. Nakompirma niyang totoo ang milagrong dulot nito.
Habang nagwawalis sa labas ng bakuran, binati siya ng naglalakad na kababaryo na si Aling Magda. Napansin nito ang kaniyang malaking tiyan.
“Naku, Inocencia! Nakatutuwa naman at nakabuo na rin kayo ni Domeng! Biyaya ng Langit iyan!” nagagalak na pagbati sa kaniya ni Aling Magda, subalit nagbago rin ang ekspresyon ng mukha nito. Tila may naalala.
“Teka, huwag mong sabihin sa aking lumapit ka kay Temyong na albularyo at nagtungo ka sa pekeng yungib na naghihimala umano?”
“Hindi ah. Ano ka ba? Sa katunayan ay ayaw talaga ni Domeng na magka-anak kami. Teka, ano bang mayroon sa sinasabi mong pekeng yungib? Peke ba ‘ika mo?” p@tay-malisyang tanong ni Aling Inocencia. Nangako siya sa kaniyang sarili na hindi niya ipagsasabi kahit na kanino ang kaniyang ginawa.
“Oo. Aba, noong isang araw ay hinuli ng kapulisan mula sa bayan. Inireklamo siya ng isang ginang na lumapit sa kaniya. Aba’y nahuli ng mister dahil sinundan. Ang mahiwagang tubig pala na ibinibigay niya sa mga babaeng lumalapit sa kaniya ay pampatulog. Ngayon, kapag nakatulog na ang babae, papatungan na mismo ng hayop na Temyong. Walang himala, si Temyong mismo ang nambubuntis! Hayun, kalaboso ang hayop…”
Nang marinig ni Aling Inocencia ang naturang balita, napahawak siya sa kaniyang tiyan. Tila nangangapos ang kaniyang hininga. Saka bumalik sa kaniyang alaala ang mga naganap sa yungib: hindi niya napaglabanan ang antok, halos hindi niya magalaw ang buong katawan, naramdaman niyang may dumagan sa kaniya, at masakit ang kaniyang pagkababae nang siya ay magising.
Unti-unting tinakasan ng ulirat si Aling Inocencia. Maririnig na lamang ang pagsigaw ni Aling Marda, humihingi ng tulong sa mga kapitbahay…