Inday TrendingInday Trending
Napilitang Mag-TNT ang Dalaga Upang Masuportahan ang Pamilya; Nagpakasal Siya Upang Magkaroon ng Visa Ngunit Pag-Ibig ang Kaniyang Natagpuan

Napilitang Mag-TNT ang Dalaga Upang Masuportahan ang Pamilya; Nagpakasal Siya Upang Magkaroon ng Visa Ngunit Pag-Ibig ang Kaniyang Natagpuan

“Tin, kailan mo balak ayusin ang mga papeles mo? Mapapaso na ito ‘di ba? Baka mamaya ay mahuli ka ng immigration!” saad ni Carla sa kaniyang kaibigan na parehas niyang nagtatrabaho sa ibang bansa.

“Hindi ko nga alam. Kasi parang hindi na rin ako ire-renew ng amo ko. Naguguluhan talaga ako pero hindi pa kasi ako puwedeng umuwi ng Pilipinas. Wala pa akong sapat na ipon at alam mo namang ako lang inaasahan nila,” nalulumbay na tugon ni Tin sa kaibigan.

“H’wag mo sabihin sa akin na mag-TNT ka, Tin? Alam mong delikado ‘yon. Hindi ka na makakabalik pang muli dito kapag nahuli ka. Saka baka kung anong masama pa ang mangyari sa iyo,” saad pa ni Carla.

“Hindi ko talaga nga alam, Carla. Wala pa akong plano. Basta nananalangin ako na sana ay i-renew ng boss ko ang kontrata kung hindi ay mapipilitan nga akong magtago,” wika ni Tin.

Limang taon na sa ibang bansa si Tin ngunit wala pa rin siyang sapat na ipon para makauwi sa Pilipinas at manatili na doon kasama ng pamilya. Bilang panganay kasi sa magkakapatid ay inako na niya ang responsibilidad na buhayin ang pamilya nang mawala na ang kaniyang ama.

Matanda na rin naman ang kaniyang ina at hindi na nito kaya pang maghanapbuhay. At dahil ayaw na din niyang bigyan ng sama ng loob ang inang may karamdaman ay pilit niyang ikinukubli ang katotohanang hindi ayos ang kaniyang lagay sa ibang bansa.

Makalipas ang ilang linggo ay tama nga ang hinala ng dalaga. Hindi na nga ipinagpatuloy pang muli ng amo ang kaniyang kontrata dahil kailangan na itong magbawas ng tauhan dahil sa pagkalugi ng kumpanya.

Walang nagawa pa si Tin kung hindi magtago sa tinutuluyan ng kaibigan niyang si Carla.

“Salamat at pinatuloy mo ako dito. Alam kong malalagay ka rin sa alanganin kapag dito nila ako natagpuan sa’yo. Pangako, pipilitin kong makahanap ng trabaho na makapagbibigay sakin ng paraan para magkaroon ng tamang mga papeles,” pahayag ni Tin sa kaibigan.

“Ano ka ba, parang hindi naman tayo magkaibigan niyan. Ako ang bahala sa iyo. Dumito ka na muna,” wika naman ni Carla.

Kinabukasan ay tila may magandang balita ang kaibigan kay Tin.

“May solusyon na ako sa problema mo, Tin!” masaya nitong sambit sa dalaga.

“Talaga? Nahanap mo na ba ako ng trabaho?” saad nito.

“Hindi. Pero parang oo na parang hindi. Basta, makinig ka na muna. ‘Yung amo ko kasi may anak na binata at naghahap siya ng mapapangasawa nito. P’wede kitang ireto. Kailangan niyo ng isa’t isa. Siya na naghahanap ng mapapangasawa at ikaw na kailangan ng tamang papeles. Magandang ideya, hindi ba?” wika ni Carla.

“Ayokong gumamit ng ibang tao para lang sa kapakanan ko, Carla. Hindi ko kaya ‘yun. Isa pa, ayokong magpakasal sa isang taong hindi ko naman mahal,” pagtutol ni Tin.

“Mabait ang anak ng boss ko na iyon at siguro ay p’wede kayong pumasok sa isang kasunduan. Kung ayaw mong may mangyari sa inyo o hindi kaya ay may panahon lamang ang lahat ng kasal ninyo. Basta sa ngayon ay naghahanap siya ng mapapangasawa nito,” paliwanag ng kaibigan.

Ngunit mariing tumutol si Tin sa iminungkahi ni Carla. Kahit kinukulit siya nito na ipakilala sa anak ng amo ay ayaw niya.

Lumipas ang mga araw at lubusan na ang pagsisiyasat sa mga taong walang kaukulang dokumento. Dahil sa takot at pagkadesperada na makahanap muli ng trabaho ay tinanggap na ni Tin ang alok ni Carla sa kaniya.

Agad siyang nakipagkilala sa anak ng amo ng kaibigan. Ang kaisa-isang anak nitong si Steven. Nang masulyapan ni Tin ang binata ay hindi niya maitanggi na naakit siya dito. Makisig ang katawan nito at napakagwapo.

“I am just doing this to please my father. After six months, we can call the marriage off,” wika ni Steven.

Pumayag naman si Tin sapagkat kaakibat ng pagpapakasal niya kay Steven at sa pakikipaghiwalay sa loob ng anim na buwan ay ang petisyon na maging citizen na siya ng nasabing bansa. Hindi na niya iniisip pa ang makukuha niyang suporta dito matapos ang kontrata.

Natuloy ang kanilang kasal at nagsama sila sa iisang bubong kahit na ang tanging alam lamang nila sa isa’t isa ay ang kanilang mga pangalan. Alam ni Tin na imposibleng mabighani sa kaniya itong si Steven dahil magkaiba sila ng mundong ginagalawan.

Ngunit sa paglipas ng panahon at sa patuloy na pagkakilala ni Steven sa dalaga ay hindi niya inaasahan na mahuhulog siya dito. Napaka-amo kasi ng mukha ni Tin at napakamaalaga kahit na sabihin niyang kasunduan lamang ang lahat.

Lalo pa nang makita niyang luhaan ang dalaga dahil masama ang loob nito sa sarili sa pagsisinungaling sa ina para lamang masuportahan ang pamilya.

Lubos na humanga dito si Steven dahil gagawin pala ni Tin para lamang sa pagmamahal sa ina at mga kapatid.

Nang dumating na ang ika-anim na buwan ay pigil ang dalawa sa kanilang tunay na nararamdaman.

Ayaw man ni Tin na matapos ang kanilang kasal dahil nahulog na rin siya kay Steven ay wala siyang magagawa. Ayaw naman niyang ipilit ang sarili niya rito. Ngunit sa kabilang banda ay hindi rin maipaliwanag ng binata kung bakit ganoon na lamang ang lungkot na nararamdaman niya nang maisip na mawawala na si Tin sa kaniyang buhay.

“No, I can’t do this — not now,” sambit ni Steven sa dalaga.

Sa puntong iyon ay pinakawalan na ni Steven ang lahat ng kaniyang tinatagong nararamdaman para kay Tin. Hindi naman maipaliwanag ni Tin ang kaniyang kasiyahan sapagkat mula nung umpisa ay nabihag na niya ang puso nito.

Sa puntong iyon ay tinuloy na ng dalawa ang kanilang nasabing pag-iisang dibdib ngunit sa pagkakataon na ito ay tunay na ang nararamdaman nila para sa isa’t isa.

Hindi akalain ni Tin na sa ganitong paraan pa niya makakamit ang tunay na pag-ibig na kaniyang inaasam. Tinulungan ni Steven ang asawa upang matulungan din nito ang pamilya na nasa Pilipinas. Dahil alam niya na magiging maligaya ang kabiyak kapag alam nitong nasa mabuting kalagayan ang kaniyang mga mahal sa buhay.

Kung sabagay, ito din naman ang katangian ni Tin na lubusan niyang hinahangaan.

Advertisement