Sampid kung ituring ng mag-iinang sina Aling Azon, Carla at Dominic ang nakatatandang kapatid sa ama na si Leo. Simula kasi ng bawian ng buhay ang haligi ng tahanan na si Mang Romeo ay ginawa na nila itong utusan at katulong. Bilang laki sa probinsya rin ang binata, palagi rin siyang naiiwan o hindi kaya naman ay pinagmumukhang alalay ng mag-iina dahil sa baduy na porma nito.
Pero dahil nangako si Leo sa kaniyang ama na siya ang titingin at tatayong padre de pamilya sa bagong pamilya ng kaniyang ama ay hindi na lamang niya iniinda ang lahat ng pang-aalipusta ng mga ito.
“Leo, kailangan mo nang itigil ang pag-aaral mo! Sino ang mamamahala ng taniman ng ama mo? Hindi naman pwedeng ako ang mamahala doon at laging makita sa taniman, hindi bagay sa kagandahan ko ‘yan!” sambit ni Aling Azon.
“Lalo naman kami! Baka masira pa ang mga mamahaling sapatos at damit namin! Mahal pa naman ang pagpapalinis ko ng aking mga kuko!” segunda ni Carla.
“Pero Tiya Azon, isang taon na lamang ay makakatapos na ako sa aking kurso. Pinangako ko kay tatay na magiging isang inhinyero ako. Kung hihinto ako ngayon ay mauudlot ang mga –” pagtutol ni Leo.
Hindi pa man tapos sa sinasabi ni Leo ay agad ng sumabat si Azon. “Ano? Pangarap? Tigilan mo na ang pangarap pangarap na ‘yan, Leo! Hindi ka rin makakapag-aral kapag hindi kumita ang taniman ng ama mo. Saka maaatim mo ba na magutom tayo, akala ko pa naman ay ikaw ang titingin sa amin ngayong wala na ang tatay Romeo mo.”
Hindi na lang sumagot pa si Leo. Pero sa loob niya ay hindi siya titigil para lamang pagbigyan ang kapritso ng kaniyang Tiya Azon at mga anak nito. Lalo pa na alam niyang ipinapatalo lamang ng kaniyang madrasta ang perang sana ay inilaan ng kaniyang ama para sa kanilang pamumuhay.
Nagtungo ng taniman sandali si Leo. Doon ay nakita siya ng matalik na kaibigan ng kanyang ama at taga-tanim din na si Mang Cesar.
“Bakit parang lutang ‘yang isip mo, Leo?” sambit ng ginoo habang papalapit sa binata. “Malamang ko iniisip mo na naman ang madrasta mo!”
“Kasi Tiyo Cesar, gusto niya akong tumigil sa pag-aaral para bantayan ko ang taniman. Paano naman po ang pangako ko sa tatay ko. Saka gusto ko rin pong makatapos at maging inhinyero para makaalis na rin ako sa poder nila. Itong lupa lang naman ng tatay ko ang iniisip ko. Pati kayong mga nagtatanim. Ayoko namang isuko na lang din ito basta sa walang pusong mag-iina na ‘yon. Dugo at pawis ang ipinundar ng ama ko rito,” hindi na napigilan ni Leo ang maglabas ng sama ng loob.
“Hindi naman na kailangan ng mangangasiwa dito sapagkat kabisado na namin ang kailangang gawin. Nahihirapan lang kami sa tiyahin mo lalo na kung nariyan na ang oras ng anihan at ang mga kumukuha sa atin. Hindi maganda ang pasahod sa amin. Ang iba nga ay naghahanap na ng ibang trabaho,” wika ni Mang Cesar.
“Isa pa ‘yan! Kung sana ay nasa akin ang titulo ng lupa nito, maibabalik sa dating pamamalakad iton taniman. Pero alam ko namang ni silip ay hindi ito gagawin ng madrasta ko!” inis ni Leo.
Kailangan kasi ay mapatunayan ni Leo na sa kanya ipinamana at ipinangalan ng kaniyang ama ang lupain nito upang sa gayon ay wala nang panghawakan ang mag-iina.
Pinilit ni Leo na pagsabayin ang pagtingin sa taniman at ang pag-aaral nang hindi nalalaman ng kaniyang madrasta at mga anak nito. Tinulungan din siya ng mga tauhan ng taniman na itago siya. Makikita mo lang naman si Azon sa taniman kapag anihan na at babayaran na ang mga naani nila.
Isang araw ay nais sanang kausapin ni Leo at nang ilang nagtatanim ang kanyang tiya tungkol sa nirereklamong patubig sa taniman nang bigla niyang narinig ang pag-uusap ng mag-iina at ng isang lalaki.
“Malinaw naman atorni na sa bastardong anak niya pinangalan ang kaniyang mga lupain. Ako na ang asawa niya, pero kahit itong bahay ay wala siyang iniwan sa akin!” nagngangalit na wika ni Azon.
“Malaki na ang pagkakautang ko sa sugalan, kailangan kong bayaran kundi baka ipadukot ako ng mga namamahala doon at kung ano ang gawin sa akin. Atorni, parang awa niyo na, tulungan nyo naman akong maisalin sa pangalan ko ito para mabenta ko!” giit pa ng ginang.
Laking gulat ni Leo sa kaniyang narinig at agad siyang sumingit sa usapan.
“Sabi ko na nga ba! Hindi lilisan ang aking ama nang walang iniiwan sa akin. Lupang pinaghirapan ng tatay at nanay ko ‘yan! Tapos ay ibebenta mo lang dahil sa pagsusugal mo! Ibigay mo sa akin ang titulo! Hindi ‘yan nararapat sa’yo!” galit na galit na sigaw ni Leo.
“Atorni, kapag pumayag kayo sa gusto ng madrasta ko ay pati kayo ay ipapakulong ko! Marami ang nakarinig sa inyong usapan!” dagdag pa ng binata.
“W-wala na tayong magagawa, ginang. Kailangan n’yong ibigay ang titulo na iyan kay Leo. Tutal nasa hustong edad na rin siya ay maaari na siyang magdesisyon sa kung ano man ang naisin niyang gawin sa ipinamana sa kaniya ng kaniyang ama,” wika ng abogado.
Wala nang nagawa pa si Azon kundi ibigay ang titulo sapagkat alam niyang maaari siyang kuyugin ng mga tao na may naipong galit na rin sa kanya.
Tila nabunutan naman ng tinik sa dibdib si Leo at ang mga tauhan nila sa taniman sapagkat sa wakas ay maibabalik na sa tamang pamamahala ang lahat.
Lubusan ang pagmamakaawa ng mag-iina kay Leo. Sa lahat ng pang-aalipusta at pagpapahirap sa kanya ng kanyang madrasta ay hindi niya pa rin pinabayaan ang mga ito. Binigyan niya ng pera panimula ang mga ito kapalit ng hindi na muli sila magpapakita kahit kailanman sa kanilang lupain.
Nakatapos ng pag-aaral si Leo at naging isang ganap na inhinyero. Siya na ngayon ang namamahala sa taniman. Dahil alam niya kung paano ang kanyang ama makitungo sa mga tauhan niya ay ipinagpatuloy niya ang mga nasimulan nito. Hindi naglaon ay naging mas masensado na ang taniman. Unti-unti na rin nilang nabili ang mga katabing lupa.
Namuhay siya ng mapayapa sa lupaing pinayabong at minahal ng kaniyang mga magulang.