“Ano naman pakiramdam ng kasama niyo sa bahay ‘yung kapatid niya?” tanong ni Barbie, ang kaibigan ni Aimee.
“Ayon, nakakabadtrip. Pakiramdam ko ako ang nakikitira, ako ang nakikisama. Parang ang sama ko naman kung sabihin ko sa asawa ko na paalisin niya ‘yung kapatid niya,” hinaing ni Aimee sa kaibigan.
“Alam mo, isa ka sa mga malas na bagong kasal na kilala ko. Akala ko maswerte ka na kasi wala kang biyenan na dapat pakisamahan, ayun pala kargo niyo ang kapatid niya,” sagot ni Barbie sa kaniya.
“Bwisit talaga! Pahihirapan ko ang buhay niya! Dapat siya na mismo ang nakakakaramdam, dapat siya na ang magkusa na umalis na siya. Mag-asawa na kami ng kuya niya, may trabaho naman siya. Ano ba ‘yung bumukod na siya, buhayin na ang sarili niya? Nakakabwisit talaga!” daing pang muli ni Aimee tsaka ito pumadyak-padyak sa sobrang inis.
Kakakasal lamang ni Aimee at ang mister niyang si Cj. Sa dami ng kaibigan ng babae na may problema sa biyenan ay swerte na raw siyang maituturing dahil wala nang magulang ang lalaki nang sila ay mag-isang dibdib. Kakapanaw lamang ng nanay nitong noong sila’y nagkakilala at tanging kapatid na lamang ang mayroon si Cj.
“Bakit parang ang kaunti yata ng ulam natin ngayon, mahal ko, tapos dalawa lang ‘yung itlog? Baka hindi magkasya ito para sa ating tatlo,” wika ni Cj sa kaniyang misis habang sila’y naghahapunan.
“A, hindi, kasya ‘yan. Mahal na kasi mga bilihin ngayon,” sagot ni Aimee sa mister. Sinadya niyang bawasan ang luto nang hindi na magkasya pa para sa kapatid nitong si Bianca na kasama nila sa bahay.
“Ganun ba? Babawasan ko na lang ang kain ko,” nakangiting sagot ni Cj sa kaniya saka binawasan ang giniling na ulam sa kaniyang plato.
“Huwag, ikaw ang kumain ng marami. Nagtratrabaho ka kaya dapat lang na kumain ka ng marami,” pigil ng babae sa mister sabay balik ng sinandok nitong ulam.
Naisipan ni Aimee na pahirapan si Bianca sa bahay nang makaramdam ito at umalis. Ayaw na ayaw kasi ng babae na may kasamang ibang tao sa bahay. Pakiramdam niya’y hindi siya makakilos, hindi niya magawa ang mga gusto niyang gawin dahil kailangan niyang isipin ang kapatid nito.
“Ate, wala na po bang ulam?” bati ni Bianca na kakauwi lamang galing sa trabaho.
“Wala na, mukha bang mayroon pa?” mataray na sagot ni Aimee sa dalaga.
“Hindi niyo ako katulong,” mabilis na dagdag pa nito. Hindi naman sumagot pa si Bianca sa kaniyang narining at nilatag na lamang ang higaan niya saka tumalikod kay Aimee.
Hindi lamang sa ulam pinaghigpitan ni Aimee si Biance, maging sa mga maliit na bagay sa kanilang bahay. Hindi na niya sinasama sa pagluluto at paglalaba ang dalaga. Ang mga simpleng plato at baso ay sinisita na rin niya sa tuwing gagamitin ito ng hipag niya at palagi niyang pinaparinggan na “Pwede ka na umalis kung nahihirapan ka.” o ‘di kaya naman “Kami bumili n’yang mag-asawa, baka gusto mong bumili ng sa’yo.” at mas marami pang pagpapahirap na nagagawa lamang niya kapag wala ang mister.
“Mahal, bakit nga ba hindi pa bumubukod ‘yang kapatid mong si Bianca? Nasa tamang edad naman na ‘yan,” wika ni Aimee sa mister.
“Hayaan mo na, mahal. Siya na lang ang pamilya ko, tsaka hindi naman ‘yan habambuhay nandito sa atin. Mag-aasawa rin naman ‘yan, isa pa, makakatulong din si Bianca sa atin pagdating ng araw,” sagot ni Cj sa kaniya.
Napailing na lang si Aimee ng palihim sa kaniyang narinig. Gusto na talaga kasi niyang mapaalis si Bianca ngunit ayaw niyang mapasama sa kaniyang asawa. Hanggang sa isang araw, hindi inaasahan na tatamaan ng bulutong si Aimee sa edad niyang 27 anyos. Hindi siya nakakakilos o anupaman at tanging si Bianca lamang ang maasahan niya sa mga oras na ‘yun.
“Hoy, Bianca, paglutuan mo nga ako ng tanghalian,” nanghihinang saad ni Aimee sa dalaga.
“Tapos na po, ate. Hindi rin muna ako papasok ngayon sa trabaho para naman maalagaan ko po kayo,” mahinang sagot ng dalaga sa kaniya.
Napakunot naman kaagad ang noo ni Aimee sa kaniyang narinig. “Sus, ‘wag na. Pumasok ka na, alam ko naman na ayaw mo akong makasama rito sa bahay. Tsaka alam kong galit ka sa akin kasi pinahihirapan kita,” malamig na saad ni Aimee sa kaniya.
“Hindi po, ate. Ako nga po itong nahihiya sa inyo dahil nakikitira pa rin ako sa inyo ni kuya. Pasensya na po kayo, ha. Ayaw ko lang po talagang mag-isa, natatakot po kasi ako. Nalulungkot. Kahit na may asawa na si kuya at hindi na niya ako napapansin na katulad ng dati ay ayos lang. ‘Yung may kasama lang ako sa bahay at nakikita ko po kayo ay malaking bagay na sa akin. Ako na po ang bahala sa mga gawaing bahay lalo na kung kaya ko naman. Sana mapagtiisan niyo pa po ako,” malungkot na sagot nito sa kanya.
Napalunok naman si Aimee sa kaniyang narinig at pumasok na lamang siya sa kanilang kwarto. Ngayon niya napagtanto na hindi ibang tao ang kasama niya sa bahay, kun’di pamilya ito ng taong inasawa niya. Ngayon niya nakita ang pagmamaldita niya at pag-iinarte na wala sa lugar dahil napakabait pala ni Bianca. Napapikit na lamang siya at humingi ng tawad sa Panginoon.
“Lord, sorry po kung naging maldita ako. Salamat na rin dahil biniyayaan niyo ako ng hipag na mabait at masipag. Nawa’y mas makita ko pa po ang rason kung bakit namin siya kasama sa bahay at mas maging mabait pa ang puso ko sa kaniya,” dasal ni Aimee.
Simula noon ay naging mabait na si Aimee kay Bianca. Roon niya nakita na wala naman masama sa pagsasama nilang tatlo sa bahay. Kung tutuusin nga’y magaan pa para sa kaniya dahil masipag at mabait si Bianca.