Matapos ang halos tatlong taong pagpiga sa kaniyang utak ay natapos din ni Maila ang sinusulat niyang nobela. Hindi matutukan ng babae ang kaniyang pagsusulat dahil nagtatrabaho rin siya bilang isang guro sa hayskul kaya natagalan siyang tapusin ito. Pero ngayong natapos na niya ang kaniyang akda ang tanging natitirang gawin ay ang makahanap ng magandang publishing company na makakatulong sa kaniya para maisapubliko ang kaniyang akda.
Nagtungo si Maila sa pinakamalaking publishing company sa Maynila. Ang akala niya ay mabibigyan siya ng pagkakataon ng kompaniya na mailathala ang kaniyang nobela pero wala man lang matinong tao ang kumausap sa kaniya ng maayos. Ang masakit pa rito ay ang mga salitang narinig niya mula sa kabilang panig ng pinto.
“Sinong nagsulat nito? Ang bobo naman ng nagsulat nito! Joy, itapon mo nga ang basurang ito! Sa susunod ay huwag kang tatanggap ng dagdag kalat dito sa opisina ko! Bw*s*t!”
Mangiyak-ngiyak na pinulot ni Maila ang nobelang pinaglaanan niya ng dugo at pawis sa basurahan. Nabasa ang ilang pahina nito. Buti na lamang ay may kopya pa siya sa kaniyang laptop. Magpiprint na lang siya ulit para mapalitan ang nabasang kopya.
Buti naman sa sumunod na publishing company ay maayos siyang kinausap ng mga empleyado doon pero umuwi pa rin siyang biguan.
“Okay naman ‘yung sinulat mong nobela kaya lang kung ilalathala namin ito malaki ang posibilidad na hindi kumita ang kompaniya. Pangkaraniwan lang ang kuwentong sinulat mo. Marami kang mababasa na ganito ngayon. Kung kilalang manunulat ka baka mabenta pa ito kaso walang nakakakilala sa’yo kaya siguradong walang bibili ng nobela mo.”
Ilang publishing house pa ang pinuntahan ni Maila pero pare-pareho lang ang mga sinasabi ng mga ito. Pangit ang sinulat niyang nobela, pangkaraniwan lang ang kuwento at hindi mabebenta. Gayunpaman ay nagpursige pa rin ang dalaga hanggang makahanap siya ng kompaniya na handang maglabas ng pera para mailathala ang kaniyang akda.
Nagbunga ang lahat ng hirap at pagod ng dalaga. Makalipas ang ilang buwan ay nakahanap din siya ng publishing company na maglalathala ng kaniyang nobela. Sa umpisa ay maganda ang takbo ng usapan ngunit sa paglipas ng mga araw ay nagsisimula nang madismaya ang dalaga lalo na kapag nakakausap niya ang editor ng kaniyang nobela.
“May mga ilang bagay ka na kailangang palitan sa nobela mo. Ilang kabanata ang matatanggal dahil wala naman silang silbi sa takbo ng kuwento. Pangpahaba lang sila. Kailangan mo ring palitan ‘yung ibang eksena. ‘Yung pumayag si Alessandra na patirahin ‘yung kabit ng asawa niya sa bahay nila dahil buntis ito ibahin mo. Hindi siya realistic. Mas maganda kung ginawa ni Alessandra ang lahat ng paraan para maging impiyerno ang buhay ng asawa niya at ng kabit nito.”
Sa sobrang dami ng gustong tanggalin at palitan ng editor ay indirektang binasura nito ang nobelang sinulat ni Maila. Mawawala ang halos lahat ng ideya ng dalaga sa isinulat nitong kuwento. Inireklamo ni Maila ang kaniyang editor sa boss nito pero hindi siya kinampihan nito sa halip ay tinakot pa siya nito na kung hindi niya susundin ang lahat ng sinabi ng kaniyang editor ay hindi nila ilalathala ang sinulat niyang nobela.
Kahit magandang pagkakataon na ito para matupad ang pangarap ni Maila na maging isang ganap na manunulat ay pinutol ng dalaga ang koneksyon niya sa nasabing publishing company.
Medyo nakakaramdam na ng kawalan ng pag-asa si Maila na mailalathala pa ang sinulat niyang nobela kaya imbes na magmukmok ay itinuon na lang niya ang kaniyang panahon sa pagtuturo.
Nabuhayan ng loob ang dalaga nang mahagip ng kaniya mga mata ang kuwentong binabasa ng katabing niyang pasahero sa MRT.
“Miss, maganda ‘yang binabasa mo, ah. Siguro isang sikat na manunulat ang may akda niyan. Anong pangalan ng manunulat?” Tanong ni Maila. “Hindi ko alam, eh. Basta naghanap lang ako sa Internet ng kuwentong puwedeng mabasa. Nakatiyempo naman ako ng magandang istorya. Mahilig ka rin bang magbasa? Marami ka nang mahahanap ngayon sa Internet. Iyong iba mga kilalang manunulat. Pero mayroon ding mga baguhan pero magagaling magsulat ng kuwento. Pino-post nila iyong mga sinulat nilang kuwento sa Internet,” saad ng pasahero.
Nagkaroon si Maila ng panibagong pag-asa na matupad ang kaniyang pangarap na maging isang manunulat. Pagkauwi niya sa kaniyang bahay ay agad niyang pinag-aralan kung paano niya maipo-post sa Internet ang sinulat niyang kuwento. Okay lang kahit hindi siya mabayaran. Ituturing na lang niya itong isang pagsasanay para mahasa siya sa pagsusulat.
Kada linggo ay nagpo-post si Maila ng isang kabanata ng kaniyang nobela. Napapangiti ang dalaga tuwing nababasa niya ang mga komento ng mga mambabasa. Minsan ay hindi niya mapigilang mag-reply sa mga komento nila. Ang iba pa nga ay nagpapadala ng mga ginawa nilang larawan para may magamit siya sa kaniyang nobela.
Ang nobelang sinulat ni Maila ay naging sikat sa Internet kaya nakuha nito ang atensiyon ng ilang mga publishing company. Kung dati ay siya ang nagkakandarapa sa paghahanap ng mga kompaniyang maglalathala sana ng kaniyang akda ngayon ay sila naman ang nagpapataasan ng alok na bayad para ang publishing company nila ang maglabas sa publiko ng pocketbook version ng kaniyang nobela.
“Sa kada librong mabebenta sixty percent ng kita ang mapupunta sa’yo at forty percent ang mapupunta sa kompaniya. May bonus ka pang matatanggap sa kada sandaang libong kopya na mabebenta sa merkado,” alok ng isang kinatawan ng publishing company. “Marami din pong ibang kompaniya ang nag-alok sa’kin na ilalathala nila ang nobela ko. Sasabihan ko na lang po kayo pag nakapagdesisyon na ako,” magalang na pahayag ni Maila.
Nakakatawang isipin na ang mga kompaniyang nagsabing basura ang sinulat niya, pangkaraniwan lang ang kuwento at hindi ito mabebenta ang may mga magagandang proposisyon sa dalaga. Sa bandang huli ang tinanggap na alok ni Maila ay ‘yung sa bagong tayong publishing company na may pinakamababang alok na bayad.
Hindi mahalaga kay Maila kung malaki ang kikitain niya mula sa sinulat niyang nobela dahil ang tanging pangarap lang ng babae ay maging ganap na manunulat at mailathala ang kaniyang akda. Pinanghinaan man siya ng loob dahil sa mga natanggap niyang mga negatibong komento mula sa mga publishing company, dahil sa hindi siya sumuko para maabot ang kaniyang pangarap ay doble pa ang naging bunga ng kaniyang paghihirap. Nailathala ang pinaghirapan niyang nobela, nagkaroon siya ng maraming tagahanga, nakilala siya bilang isang mahusay na manunulat at higit sa lahat ay nakatanggap ng maraming parangal ang sinulat niyang nobela na binasura noon ng mga bibigating publishing company.