Inday TrendingInday Trending
Mas May Kakayahan Pang Makakita Ang Bulag

Mas May Kakayahan Pang Makakita Ang Bulag

Anim na taong gulang pa lang nang tuluyang mawalan ng paningin si Aiza. Nagkaroon siya ng matinding karamdaman noon na naging sanhi ng kaniyang pagkabulag.

Labing pitong taong gulang na si Aiza sa ngayon at sanay na siya sa pagiging bulag. Sa katototohan, kaya niya na ang kaniyang sarili kung iiwan siyang mag-isa sa bahay. Pamilyar na pamilyar na siya sa bawat sulok ng kanilang tahanan.

“Aiza, anak, sigurado ka ba na ayaw mong sumama na lang sa akin? Saglit lang naman tayo doon.” Sa huling pagkakataon ay pilit siyang kinukumbinsi ng ina na sumama na lang sa pupuntahan nito.

“’Nay, ‘wag na po. Alam ko naman na hirap na hirap po kayong kasama ako. At least pag naiwan ako mas mabilis niyo pong matatapos ang gagawin niyo at saglit lang ako mag-iisa sa bahay,” tanggi ni Aiza.

“Sige, ‘nak, bibilisan ko lang. ‘Yung mga bilin ko, ha? Lalo na ‘yung cellphone mo, hawakan mo lang ‘yan, ‘wag mong bibitawan. Tumawag ka agad kapag may problema,” nag-aalala pa ring bilin ng kaniyang ina bago ito tuluyang umalis.

Natawa na lamang si Aiza nang makaalis ang ina. Masyado itong mapag-alala. Sanay na sanay na siya mamuhay sa bahay nila nang hindi naaaksidente, kaya naman sigurado siya na walang dapat ipag-alala ang kaniyang ina.

Lumipas ang mga oras nang hindi niya namamalayan dahil abala siya sa pakikinig sa radyo – isa sa mga bagay na nakahiligan niya simula pagkabata.

Ngunit nang matapos na ang programa na kaniyang sinusubaybayan at puro tugtog na lamang ang kaniyang naririnig ay nagsimula na siya makadama ng pagkainip.

Nakadama siya ng kahungkagan nang isarado niya ang radyo at balutin ng katahimikan ang kanilang bahay. Wala siyang ibang naririnig kundi ang marahan niyang paghinga at ang mahinang ugong ng nakabukas na electric fan.

Gusto ko naman makarinig ng ibang ingay, mahina niyang himutok. Ngunit mahigpit ang unang unang bilin ng kanyang ina – ‘wag na ‘wag niyang bubuksan ang kanilang pinto o mga bintana.

Kahit hindi sinabi ng nanay niya ay alam niya kung bakit. Maaari nga namang may pumasok na masamang loob nang hindi niya namamalayan. Wala siyang kalaban-laban na magagawan ng masama kung sakali.

Kaya naman pilit niyang pinaglabanan ang kagustuhan na buksan ang kanilang bintana o pinto para lumanghap ng sariwang hangin man lamang.

Nang lumipas ang isang oras at hindi pa din dumating ang kaniyang ina ay tumayo na siya at nagdesisyon. Isang bintana lang naman, sa isip-isip niya.

Dahan-dahan siyang naglakad tungo sa parte ng kanilang bahay na may bintana. Mas lalo pa siyang nakampante nang makapa na may grills naman pala ang kanilang bintana.

Si nanay talaga, napaka-OA! May grills naman pala ang mga bintana! Naisip niya habang dinadama ang hangin na pumapasok mula sa bukas na bintana.

Magiliw niyang pinakinggan ang mga tunog na naririnig. Ang masayang paglalaro ng mga bata, na maya’t maya ay nag-aaway. Ang malakas na tsismisan nang iilang mga nanay, at ang malutong na halakhakan ng isang grupo na sa tingin niya ay mga lasenggero.

Ngunit maya-maya ay napakunot ang kanyang noo sa isang tunog na sadyang nangingibabaw – isang tunog ng batang lalaki na umiiyak at nagmamakaawa.

“’Tay, tama na po! Masakit po!” Pakiusap ng batang sa tingin niya ay nasa mga walong taong gulang.

“Napakatigas ng ulo mo! Sinabi ko na sa’yo na maghahanda ka ng pagkain! Gusto ko may kakainin ako pag-uwi!” Nakakatakot ang tila kulog sa lakas na boses ng isang lalaki na sa tingin niya ay ang tatay ng bata.

Napapikit siya nang mas mariin nang marinig ang isang lagapak ng malakas na palo na sinundan ng palahaw nung bata.

“’Tay, wala naman po kayong pera na naiwan! Kaya po hindi ako nakapagluto!” Tila pangangatwiran ng pobreng bata.

Tila mas lalong nagpuyos ang kalooban ng tatay. “Aba’t! Ang kapal ng mukha mo at talagang sumasagot ka pa!” Muli niyang narinig ang mga lagapak. Mas malakas. Ang palahaw ng bata ay naging mas malakas.

Ngunit, sa pagtataka ni Aiza, tila walang nakakarinig ng nangyayari sa bata? Patuloy ang tsimisan, patuloy ang hagalpakan. Tila walang may pakialam sa pobreng bata?

Nanginiginig na na-type ng numero sa kanyang cellphone si Aiza. Naalala niya ang kanyang nanay nang una siyang turuan nito na gumamit ng cellphone.

Anak, sa mga pagkakataong nangangailangan ka ng agarang tulong, pindutin mo lang ang number 1 nang hindi hihigit sa limang segundo. Sabihin mo ang nangyayari, at kung nasaan ka. May tutulong sa’yo.

“Hello?” Sagot ng nasa kabilang linya.

Sa garalgal na boses, nagsalita siya. “Hello, may bata pong sinasaktan ng kanyang tatay. Tulungan niyo po siya!” Tuluyan nang napaiyak si Aiza.

Tila naging alerto ang lalaki. “Sino ka, at nasaan ka?”

Sinabi niya ang kaniyang pagkakakilanlan, lokasyon at ang sitwasyon.

Saktong pagkatapos niyang makausap ang lalaki ay dumating ang kanyang ina.

“Anak! Bakit ka umiiyak?” Hintakot na bungad ng kanyang ina.

Umiiyak na isinumbong niya sa kaniyang ina ang nasaksihan.

“Tama ang ginawa mo, anak, at proud na proud ako sa’yo.” Sabi ng kanyang ina habang hinahaplos ang kanyang buhok, tila pinapakalma siya.

Maya-maya ay napapitlag sila nang makarinig ng katok.

“Dito ho ba nakatira si Aiza Ramesis?” Narinig niyang tanong ng isang lalaki.

“Bakit ho?” Tanong ng kanyang ina.

“May ilang katanungan lang ho kami sa kanya tungkol sa pangyayaring na ine-report niya sa amin kanina lang.” Pulis pala ang tinawagan ko kanina, sa isip-isip ni Aiza.

Napag-alaman nila ng ina na matagal na palang inaab*uso ng ama ang anak nito. Wala lang daw talaga nagrereklamo kaya naman walang magawa ang kapulisan. Mabuti na lamang at nahuli ito sa akto sa tulong ni Aiza.

“Nailigtas mo ang isang kawawang bata mula sa tiyak na kapahamakan. Maraming salamat.” Sabi ng lalaki na sa palagay niya ay lider ng grupo.

“Salamat, dahil hindi ka nagbingi-bingihan at nagbulag-bulagan sa mga mali sa iyong paligid. Dinaig mo pa yung mga may paningin.” Pumapalatak na dagdag pa nito.

Masayang-masaya naman si Aiza at ang kaniyang nanay. Bulag man siya ay hindi iyon naging dahilan para hindi siya makatulong sa abot ng kaniyang makakaya.

Advertisement