“Nakakainis kamo ang tatay ko, Kervie! Pinaiyak na naman ang nanay ko nang dahil sa isang babaeng kasing edad ko lang! Hindi man lang siya nahiya! Eh, halos anak niya na rin ‘yon!” galit na galit na kwento ni Korine sa kaniyang kaibigan habang naglalakad sila papunta sa sakayan ng jeep, isang umaga bago magpunta sa kanilang trabaho.
“Ano ba ginawa ng tatay mo doon sa babae? Kabit niya ba ‘yon?” pang-uusisa ng kaniyang kaibigan.
“Hindi ko alam! Basta nakasalubong ko na lang sila noong babae niya sa eskinita namin tapos pagdating ko sa bahay, humahagulgol na ang nanay ko!” kwento niya pa, bakas na bakas sa kaniyang mukha ang galit at panggigil.
“Baka naman nakasabay niya lang ‘yon sa daan?” ‘ika ng kaniyang kaibigan na labis niyang ikinagalit.
“Nakasabay? Eh, akbay niya tapos todo iwas siya ng tingin sa akin? Teka, bakit parang pinagtatanggol mo pa siya? Napakawalang kwentang ama niya!” tugon niya saka naglakad ng mabilis at iniwan ang kaibigan dahil sa pagkainis.
Solong anak ang dalagang si Korine. Bata pa lamang siya, malayo na talaga ang loob niya sa kaniyang ama sa kadahilanang palagi niyang naririnig ang mga tsismisan ng kaniyang mga tiyahin na babaero raw ito at palaging pinapaiyak ang kaniyang ina.
May pagkakataon pa ngang binuhusan niya ito ng kape habang nag-aalmusal ito dahil ‘ika ng kaniyang tiya, “Ang tatay mo nakikipag-inuman na naman sa mga babae, iiyak na naman ang nanay mo!” na labis niyang ikinagulat.
Hindi niya naman diretsahang matanong ang kaniyang ama dahil nga labis ang kaniyang galit ito. Ni ayaw niyang makausap ito o makasabay man lang sa hapag-kainan.
Lalo pang umigting ang galit niya dito nang makitang may kasama nga itong babaeng kasing edad niya lamang at katulad dati, umiiyak na naman ang kaniyang ina.
Sinubukan niyang tanungin ang kaniyang ina, ngunit iyak lamang ito nang iyak at tila labis na nasasaktan dahil upang lumalim lalo ang galit niya sa ama. ‘Ika niya, “Talaga bang wala kaming halaga ni mama para sa kaniya? Hindi niya ba ako tinuturing na anak para magkaroon siya ng relasyon sa babaeng kasing edad ko? Hindi niya ba talaga kami nirerespeto?” hikbi niya habang nasa jeep siya’t papunta ng trabaho.
Kinagabihan noong araw na ‘yon, gabi na nakauwi ang dalaga dahil sa traffic. Inaasahan niyang makakapagpahinga na siya pag-uwi niya ngunit mali ang inaakala niya.
Nadatnan niyang nagtatalo ang kaniyang mga magulang. Kitang-kita niya ang galit na mukha ng kaniyang ina. Napatingin siya sa kamay nito at tila duguan na.
“Anong ginawa mo kay mama?” sigaw niya sa kaniyang ama, “Talaga bang kahit katiting na pagmamahal wala kang maibibigay sa amin at kailangan mo pang saktan si mama? Pwes, dapat siguro pati ako masaktan na rin! Wala ka namang pakialam sa amin, hindi ba?” sambit niya saka siya tumakbo palabas ng kanilang bahay.
Hinabol siya ng kaniyang ama upang pigilan ngunit bigla na lamang niyang napansing may paparating na isang truck dahilan upang mapatigil siya sa gitna ng kalsada. Sasalpukin siya nito ngunit imbis na umiwas, hinintay niyang sagasaan siya nito, ‘ika niya, “Magsisisi kang pinabayaan mo kami!” Nagising na lamang siyang kumikirot ang kaniyang mata. Pagdilat niya, agad na sumalubong sa kaniya ang nanay niyang mangiyakngiyak sa tuwa.
“Buti naman at sa wakas nagising ka na, anak! Halos isang buwan kang walang malay!” sambit nito saka mahigpit siyang niyakap.
“I-isang buwan?” patawa-tawa niyang sambit, “Edi maraming babae na ang dumaan sa kamay ni papa?” birong tugon niya ngunit biglang lumungkot ang kaniyang ina.
“Korine, hindi maganda na ginaganyan mo ang tatay mo,” saway ng kaniyang ina.
“Bakit hindi, mama? Eh, hindi niya nga tayo maalagaan ng wasto tapos may gana pa siyang mambabae!” tugon niya dito.
“Hindi siya nambababae. Lahat ng kwento ng mga tiyahin mo, wala yung katotohan. Bukod pa doon, yung babaeng kasama niya nito lang, pamangkin niya na nabuntis ng tito mo. Umiiyak ako dahil panibagong gastos na naman ‘yon. Gusto niya kasing kupkupin ‘yung babae. Kung tatanungin mo kung bakit ako umiiyak palagi, hindi ‘yon dahil sa tatay mo. Dahil ‘yon sa’yo dahil pakiramdam ko hindi kita nagabayan nang ayos dahilan upang magkaganyan ang ugali mo,” kwento pa ng kaniyang ina dahilan upang maiyak siya.
Kinuwento pa nito ang tunay na nangyari dahilan upang doon na siya humagulgol.
“Binuwis ng tatay mo ang buhay niya para sa’yo. Siya na yung nasagasaan, binigay niya pa sa’yo ang kanang mata niya dahil nalagyan ng mga bugbog ang mata mo matapos ka niyang tulakin upang hindi gaanong masagasaan. Huli na noong dumating siya dahilan upang pareho kayong masaktan. Ayun ang tatay mo, o, hindi pa rin gumising simula noong ipatanggal niya ang kaniyang mata para sa’yo,” hindi mawari ng dalaga ang kaniyang gagawin. Tila ba nais niyang biglang yakapin ang kaniyang ama dahil sa mabuting puso nito.
Simula noon, nagdesisyon siyang bumawi sa ama. Dahil nga ayos na ang kaniyang pakiramdam, siya ang nagkusang alagaan ito at nang magising na ito, labis siyang humingi ng tawad dito dahil sa kaniyang masamang pag-uugaling pinakita.
Doon na nagsimulang mapalapit ang kaniyang loob sa ama. Dito niya mas napatunayang bukod sa isa itong butihing ama, isa rin itong mapagkawang-gawang nilalang.
Ganoon na lamang ang saya ng kaniyang ina dahil sa wakas, bukod sa maayos na ang kaniyang pag-uugali, malapit na siya sa taong nagbigay ng pangalawang buhay sa kaniya.
Ni minsan, hindi naging magandang magtanim ng galit dahil maaari itong makadulot ng masama sa kapwa’t sarili mo.