Si Binibining Mondragon
“Hayan na siya! Go back to your proper seats!”
Nagpulasan ang mga mag-aaral na nagdadaldalan, nagkukuwentuhan at naglalaro sa saglit na transition period ng mga klase. Padating na ang “dragon”, ang kanilang guro sa asignaturang Filipino na si Bb. Mondragon. Bagay na bagay sa apelyido nito sa kaniyang karakter.
Kung maghuhulog ang sinuman ng barya sa sahig, agad itong maririnig dahil sa labis na katahimikan. Nagpormal ang mga mag-aaral. Inayos ang kanilang uniporme. Tiniyak na nakasukbit sa kanilang leeg ang ID. Ipinusod ng mga babae ang kanilang mga buhok.
Sabay-sabay na nagsitayo ang lahat pagpasok ng kanilang guro. Hindi siya ang tipikal na “Miss Tapia” o gurong may makapal na salamin sa mga mata at nakapusod ang buhok; sa katunayan, maganda si Bb. Mondragon, balingkinitan ang pangangatawan, at may posturang pang-modelo. Subalit seryoso ang kaniyang magandang mukha, malalim ang tinig, at malalim din ang mga salitang binibitiwan. Sa tantiya nila ay nasa edad 45 taong gulang ang kanilang guro sa Filipino. Halos kinatatakutan siya ng lahat dahil “ginigisa niya sa sariling mantika” ang mga mag-aaral pagdating sa resitasyon at pag-uulat. Isa na riyan si Elmer, ang isa sa mga pinakamatatalino sa klase.
Tumingin muna mula kaliwa pakanan at pabalik ang guro bago ito bumati.
“Magandang umaga sa inyong lahat.”
“Magandang umaga po, Bb. Mondragon. Ikinagagalak po namin kayong makita,” pagbati ng buong klase.
“Magsiupo,” malamig na tugon ni Bb. Mondragon. Tahimik na naupo ang lahat. Kinuha nila ang kanilang mga aklat at kuwaderno para sa asignatura. Kabadong-kabado si Elmer sapagkat siya ang nakatoka ngayong araw para sa pagbabahagi ng trivia sa harap ng klase. Bago kasi ang aktwal na talakayan, may nakatalagang mag-aaral na kailangang magbahagi ng trivia bilang panimulang gawain, bukod pa sa pagbabalik-aral o rebyu.
Tumayo ang sekretarya ng klase at nagtungo sa harapan. “Magandang umaga po, Bb. Mondragon. Ikinagagalak ko pong sabihin na wala pong liban sa araw na ito,” pag-uulat nito sa guro.
“Magaling. Sana laging ganiyan. Bigyan ang bawat isa ng tatlong bagsak,” pagpuri ng guro. Pumalakpak ng tatlong beses ang klase bilang pagkilala sa kawalan ng liban sa araw na iyon.
Matapos ang pagbabalik-aral sa aralin ng isang nakatalagang mag-aaral, nagtungo na si Elmer sa harapan ng klase upang ibahagi ang kaniyang trivia, subalit nauumid siya dahil sa totoo lamang, hindi siya nakapaghanda. Tungkol sa tamang gamit ng “nang” at “ng” ang nakatoka sa kaniya. Aminado siyang hindi niya napag-aralan ito kagabi dahil magkasama sila ni Shane, ang kaniyang kasintahan. Nilibre niya kasi itong manood ng sine sa mall. Si Shane ay nasa kabilang section. Pareho silang Grade 10.
“Tila yata hindi ka nakapaghanda, G. Domagsang?” at nagsimula na ang interogasyon ni Bb. Mondragon.
Lahat ng mga mata ng kaniyang kaklase ay nakatuon sa kaniya. Hindi makapagsalita si Elmer. Nauumid ang kaniyang dila.
“P-pasensya na po Bb. Mondragon. H-hindi ko po naaral maigi ang trivia ko para sa araw na ito”, nauutal na pag-amin ni Elmer. Napatungo ang ulo ng kaniyang mga kaklase. Gusto niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan.
“Iyan ay isang halimbawa ng pagiging iresponsable, G. Domagsang. Hindi ba sinabi ko sa inyo na step 1 pa lamang, dapat nakalatag na ang step 10? Alam mo palang magbibigay ka ng trivia, sana inaral mo na ito kaagad. Hindi excuse sa akin iyan. Matagal nang sinabi sa inyo ang paksa at iskedyul ng inyong pagbabahagi,” dahan-dahang sabi sa kaniya ni Bb. Mondragon. Parang sinasadyang iparamdam kay Elmer ang bigat ng kaniyang ginawa.
“Patawad po, Binibini.” nahihiyang paghingi ng paumanhin ni Elmer sa kaniyang guro.
Mabigat ang mga paang bumalik si Elmer sa kaniyang upuan. Nawala sa pokus si Elmer dahil sa mga pangyayari. Nang matapos ang kanilang klase, nilapitan siya ng kaniyang mga kamag-aral at tinanong kung ano ang nangyari sa kaniya, at kung ayos lamang siya.
Magmula noon, lalong nakaramdam ng bigat sa kaniyang kalooban si Elmer sa tuwing magkaklase si Bb. Mondragon. Kung may pagpipilian lamang siya, ayaw na niyang pumasok sa klase nito. Naiisip niyang gumawa ng petisyon at papirmahan sa kaniyang mga kaklase upang mapalitan ang kanilang guro, subalit natatakot naman siya. Habang dumaraan ang mga araw, isang “sumpa” ang tingin ni Elmer sa presensya ng gurong si Bb. Mondragon.
Isang gabing masama ang panahon, nakalimutan ni Elmer na magdala ng payong para sa uwian. Hindi siya makauwi. Nauna nang umuwi si Shane dahil lalabas daw silang magpamilya. Hinintay ni Elmer na tumila ang ulan kaya’t naghintay siya sa waiting shed. Maya-maya, nakita niyang papalabas ng paaralan ang papauwing si Bb. Mondragon.
“G. Domagsang, bakit narito ka pa? Gabi na. Umuwi ka na,” sita sa kaniya ng guro.
“M-ma’am, kasi po… wala po akong payong,” sagot ni Elmer. Kinabahan siya. Biglang sumikdo ang kaniyang dibdib.
May kinuha si Bb. Mondragon sa kaniyang bag. Isang ekstrang payong.
“Heto, gamitin mo at umuwi ka na. Masyado nang gabi. Isauli mo na lamang bukas,” seryosong sabi ni Bb. Mondragon. Nangingimi man, kinuha ito ni Elmer.
“Maraming salamat po, binibini. Isasauli ko po ito bukas,” nakangiting pasasalamat ni Elmer. Sa kauna-unahang pagkakataon, nasilayan niya ang matamis na ngiti ng gurong “dragon”. Bagama’t dragon sa paningin ng kaniyang mga mag-aaral, may pusong tila sa isang maamong tupa. Dahil sa payong ni Bb. Mondragon, nakauwi si Elmer sa kanilang bahay.
Kinabukasan, masaya at nasasabik na si Elmer na makita ang kanilang gurong matapang, subalit gurong may mabuting pusong si Bb. Mondragon. Napagtanto niyang ginagawa lamang ni Bb. Mondragon ang kaniyang trabaho bilang isang guro kaya ito mahigpit sa kanila. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na magiging mahusay na sa klase nito.
Lagi na ngang handa si Elmer sa kanilang mga aralin sa Filipino, at nagkukusang sumagot at makiisa sa talakayan. Napansin ito ni Bb. Mondragon.
“Gayahin ninyo si G. Domagsang. Laging handa sa klase. Mahusay. Ipagpatuloy!” seryosong turan ni Bb. Mondragon.
“Salamat po sa payong, Bb. Mondragon. Salamat po sa pagdidisiplina at mga aral sa buhay na hindi ninyo po alam na naituturo ninyo sa amin,” sa loob-loob ni Elmer.
Simula noon, si Elmer na mismo ang nagtatanggol kay Bb. Mondragon kapag may mga kaklase siyang nasusungitan sa kanilang gurong “dragon” subalit may pusong mamon.