Inday TrendingInday Trending
Ma, Ito Na Po Ang Naipon Ko

Ma, Ito Na Po Ang Naipon Ko

“Marlon, ito na ang baon mo,” matining na wika ni Aleng Dadang sa bunsong anak na si Marlon. “Oh! Ito naman ang baon mo Jake,” tawag naman nito sa pangalawang anak.

“Ma pwede niyo po bang dagdagan ang baon ko? May ambagan kasi mamaya para sa project ng grupo namin. Kaya kung pwede lang sana dagdagan mo ang baon ko,” mahabang reklamo ni Jake.

“Anong idadagdag ko d’yan Jake? Wala nga akong pera, buti nga may naipabaon pa ako sa inyo,” wika ni Aleng Dadang.

Kaya walang nagawang kakamot-kamot ng ulong umalis si Jake sa harapan ng ina, habang tahimik na nagmamasid lamang si Marlon sa dalawa.

“Halika na Marlon, ano pa bang tinutunganga mo d’yan,” may halong inis na wika ni Jake.

Hindi lingid sa kaalaman ni Marlon na mahirap lamang ang pamilya niya. Nagtatrabaho bilang construction worker ang kaniyang ama, habang naglalabada lamang ang kaniyang ina. Tatlo silang magkakapatid. Nasa grade 3 siya habang nasa grade 5 naman ang kaniyang Kuya Jake at ang pinakapanganay nila ay nasa highschool na.

Sa edad na syete anyos ay nabulag ang kanang mata ni Marlon, dahil tinamaan ito ng bala sa pellet gun. Mula noon hanggang ngayon ay hindi man lang siya nagawang ipasuri ng mga magulang niya sa ospital. Ang laging rason ng mga ito’y wala silang perang pambayad sa check-up.

Matagal nang iniinda ni Marlon ang pagkirot ng kaniyang bulag na mata ngunit hindi lamang niya iyon sinasabi sa ina dahil baka pagalitan lamang siya nito. Kaya minaigi niyang itago na lamang dito ang nararamdamang pagkirot. Ngunit no’ng sinabi ng teacher niyang may libreng kunsulta sa Jose Reyes ay agad niya iyong sinabi sa ina.

“Ma, sabi ng teacher ko may libreng pagamutan daw po sa Jose Reyes Hospital. Baka po maaari niyo na akong samahang magpatingin sa doktor,” nakikiusap na wika ni Marlon sa ina.

“Marlon anak kahit sabihin pang libre iyon ay may mga dapat pa rin tayong bayaran. Katulad ng pagpapa-laboratoryo at kung ano-ano pa. Saka na lang anak ah,” mahinahong paliwanag ni Aleng Dadang sa batang si Marlon.

Ngunit nanatiling tikom ang bibig ni Marlon kaya muling nagsalita si Aleng Dadang. “Pasalamat na nga tayo dahil kahit papaano nakakain tayo tatlong beses sa isang araw, anak. Mas kailangan namibgnunahin ang paghahanap ng makakain kaysa pagpapa-opera. Mapapa-opera rin natin ang bulag mong mata, pero hindi pa sa ngayon Marlon,” malungkot na wika ni Aleng Dadang.

Naglakad si Marlon papasok ng kwarto at mayamaya rin ay lumabas bitbit ang isang garapon.

“Mama ito po oh,” wika ni Marlon habang dahan-dahang inaabot sa ina ang garapon. “Iyan na po lahat ang naipon ko mula no’ng grade one ako,” dugtong ni Marlon.

Sa pagkabigla ay walang mahagilap na salita upang isagot si Aleng Dadang sa anak.

“Sa bawat baon na binibigay niyo po sa’kin, mama, hindi ko po iyon ginagastos dahil gustong-gusto ko na pong mapatingnan ang kanang mata ko. Kumikirot-kirot na po kasi ito,” muling wika ni Marlon habang titig na titig sa mukha ng ina. “Hindi ko pa po nabibilang kung magkano ang laman ng garapon, mama. Pero baka makatulong na po ang halagang iyan sa sinabi mong gagastusin natin kung sakali,” wika ni Marlon.

Walang sabi-sabi ay nayakap ni Aleng Dadang ang anak na si Marlon. Hindi niya lubos akalain na sa murang edad ng kaniyang anak ay maiisapan nitong mag-ipon para sa pagpapa-opera sa bulag nitong mata.

“Patawarin mo kami ng papa mo anak kung sa tingin mo hindi ka namin kayang ipagamot,” tumatangis na wika ni Aleng Dadang. “Gagawa ng paraan si mama. Pangako iyon, anak ko,” pangakong bitaw ni Dadang.

Matapos ang araw na iyon ay tinupad ni Aleng Dadang ang binitawang pangako kay Marlon. Dinala niya ang anak sa isang libreng pagamutan at salamat sa Diyos dahil nasuri na rin sa wakas ang kanang mata ni Marlon. Hindi man agad na operahan ang mga mata ni Marlon dahil sa iba’t-ibang proseso’y kahit papaano may iniinom na itong gamot upang hindi na lumala pa ang sakit.

Minsan sa hirap ng buhay ay nababalewala na natin ang nararamdaman ng ating mga anak dahil madalas ay inuuna nating isipin ang makakain nila sa araw-araw. Isang pinakamahirap na misyon ng tao ang maging magulang. Sino man ay hindi kayang maging perpektong magulang. Pero kaya nating maging mabuting magulang para sa kapakanan ng ating mga anak.

Advertisement