Dalawampung taon. Ganiyan katagal inalagaan, inaruga, at itinuring na sariling anak ni Manang Daisy ang batang si Mateo.
Dahil abala sa sarili nilang lumalagong negosyo, buong pagkabata ng nag-iisang anak ng Pamilya Santiago na si Mateo ay sa ilalim ng pangangalaga ni Manang Daisy. Gayunpaman, naging maganda at makulay ang kaniyang kabataan dahil sa husay ng pangangalaga ng ginang.
“Mama Daisy! Good evening! Magbihis ka, kakain tayo sa labas!” masayang-masayang bati ng ngayong binata nang si Mateo. Mama na ang tawag niya sa kanilang kasambahay dahil itinuturing na nila itong tunay na parte ng kanilang tahanan.
“Aba! Mukhang masayang-masaya ang alaga ko ah? Anong nangyari sa interview mo?” todo ngiting tugon naman ni Manang Daisy.
“Ano sa tingin mo, mama?” nakangising sagot ng binata.
“E sa galing mo ba naman, sigurado akong pasadong-pasado!” sagot nito.
Pasado nga si Mateo sa in-apply-an niyang trabaho bilang Junior Producer sa isang sikat na TV network. Nagtapos sa isang tanyag na unibersidad itong si Mateo, at nag-aral pang muli sa ibang bansa. Idagdag mo pa ang todo-todong suporta ni Manang Daisy sa kaniya, hindi nakapagtataka na maabot niya nga ang kaniyang mga pangarap.
Dahil kasalukuyang nasa ibang bansa ang nanay at tatay ni Mateo, silang dalawa na lamang ang kumain sa labas at nag-celebrate ng pagkakatanggap ni Mateo sa pinapangarap niyang kompanya at trabaho.
Isang gabi, maagang umuwi ang binata mula sa trabaho. Nang mapansing wala si Manang Daisy sa kusina, kung saan karaniwan niya itong naaabutang nagluluto, ay dumiretso siya sa silid nito. Doon, natagpuan niya ang isang maliit na papel na mayroong sulat.
“Ang saya-saya ko dahil sa wakas ay unti-unti nang natutupad ng alaga ko ang mga pangarap niya sa buhay. Kahit hindi ko natupad ang mga sarili kong pangarap, masaya na akong makita na ang anak-anakan ko ay nagtatagumpay.”
Halos maluha si Mateo sa kaniyang nabasa. Naalala niya ang mga panahon na inaaruga at sinusuportahan siya ni Manang Daisy sa kaniyang paglalakbay tungo sa kaniyang mga pangarap.
Hindi pa nakakapag-asawa itong si Manang Daisy dahil bihira lamang siyang umuwi sa kanilang probinsya. Ngayong 43 taong gulang na si Manang Daisy, may naisip siyang paraan upang kahit papaano’y mapaligaya ang kaniyang Mama Daisy.
Kinabukasan, nagising si Manang Daisy sa pangungulit ni Mateo.
“Anak, bakit? Maghanda na ba ako ng almusal mo? Maagang-maaga pa, hijo, ah?” nagtatakang tanong ng ginang.
“Hindi, basta! Magbihis ka, at may pupuntahan tayo,” nakangising sagot ng binata.
“Ang aga naman, hijo! Saan ba tayo pupunta? At isa pa, may pasok ka ‘di ba?” tanong ni Manang Daisy habang nagkakamot pa ng mata.
“‘Wag ka nang madaming tanong, mama! Halika na! Gandahan mo ang suot mo ha, ‘yong pang artista!” natatawang sagot ni Mateo.
Matapos mag-ayos, sumakay na ng sasakyan ang dalawa. Takang-taka pa rin si Manang Daisy kung saan sila pupunta.
“O, nandito na tayo. Mahusay kang umarte ‘di ba? Simula pagkabata ako, alam kong pangarap mong maging aktres sa telebisyon. Kaya ngayon, mag-a-audition ka!” napakalaki ng ngiti sa bibig ni Mateo habang inaabot ang script sa kaniyang yaya.
Nanlaki ang mga mata ni Manang Daisy.
“Ha?! Audition? Ako?!” anito.
Bata pa lamang si Mateo, madalas na silang maglaro ni Manang Daisy. Palagi silang nagpapanggap na kunyari’y si Manang Daisy ang artista habang si Mateo naman ang direktor. Pansin ng binata na tunay ngang may angking galing sa pag-arte ang ginang at may malaking potensyal.
Makalipas ang ilang minuto, tinawag na ng kasamahan ni Mateo sa trabaho na isang sikat na direktor. Napaki-usapan kasi niya ito na bigyan ng pagkakataon, at agad namang pumayag nang marinig ang istory ng buhay ng kaniyang yaya.
Matapos masaksihan ng direktor ang angking husay ni Manang Daisy sa pag-arte, agad niya itong kinausap sa harap ni Mateo.
“Daisy, you have what it takes to be a superstar! Gosh! Bakit ngayon ka lang sumubok mag-audition? But nevermind! It’s never too late to be a star! Just wait for my call, I will set you up with projects!” todo-ngiting sabi ng direktor.
Halos mapatalon naman sa tuwa si Daisy sa kaniyang narinig. Agad namang yumakap si Mateo sa kaniyang yaya.
“Maraming salamat sa lahat ng suporta na ibinigay mo sa akin simula bata hanggang ngayon binata na ako. Siguro, kung hindi ikaw ang pinagkatiwalaan nila Mommy at Daddy na mag-alaga sa akin, hindi ko mararating ang kung anumang mayroon ako ngayon. Kaya ngayon, ikaw naman ang magniningning,” madamdaming pahayag ng binata.
Niyakap ng mahigpit ni Daisy ang kaniyang alaga. Hindi siya nagkamali sa pagpapalaki sa batang itinuring na niyang sariling anak.
At doon na nga nagsimulang mamayagpag si Daisy sa larangan ng pag-arte. Sa simula ay nakuha siya sa mga palabas sa telebisyon, hanggang napansin ang kaniyang talento, at nakuha bilang leading actress sa ilan pang mga pelikula.
Pinatigil na siya ng pamilya ni Mateo sa pagiging kasambahay, ngunit kahit anumang oras ay mainit siyang tatanggapin sa pagbisita niya sa kanilang bahay.
Doon na rin nakilala ni Daisy ang lalaking nagpatibok ng kaniyang puso. Isang beteranong direktor ang kaniyang napa-ibig at nakatuluyan!
Tunay ngang si yaya naman ang nagningning!