“Tapatin mo na nga ko Gilbert, sino ba ‘yong pinupuntahan mo tuwing madaling-araw ha?! Ano? Niloloko mo na naman ako? Sagot!” galit na sigaw ni Marita sa kaniyang kinakasamang si Gilbert nang umuwi ito kinaumagahan.
“Napapraning ka lang Marita! Sabi na sa’yong hindi ako nambababae eh!” ganting sigaw din ng lalaki at saka dumiretso sa kanilang kwarto at doon humilata.
“Talagang wala ha! Mahuli-huli ko lang iyong malanding kinakalantari mo ay pagbubuhulin ko kayong dalawa!” huling banta ni Marita at saka masama ang loob na iniwan ang lalaki sa kwarto. Kailangan niya pang asikasuhin ang ititinda niya ng araw na iyon ngunit kay sama ng kaniyang umaga nang magising na wala na naman si Gilbert sa tabi niya kanina.
May nakarating na balita sa kaniya na may bahay daw itong madalas na pinupuntahan ngunit ipinagwalang-bahala niya iyon noong una. Dahil mas bata sa kaniya ng pitong taon ay likas itong pala-tropa kaya naisip niya na baka basketball o inuman lang ang pinagkakaabalahan nito. Ngunit ngayon, may namumuo na siyang hinala na may iba itong babae
Buong araw balisa si Marita kaya nagpasya siyang sundan si Gilbert isang gabing nagpaalam itong may pupuntahang birthday ng tropa. Ito na lang ang natitira sa mahahalagang tao sa buhay niya kaya hindi niya hahayaang maagaw ito ng iba.
Nakita niyang tumigil ang motor ng kinakasama sa tapat ng isang eskinita, at saka ito bumaba at pumasok doon. Hindi siya nito napansin dahil madilim ang eskinitang iyon. Luminga-linga pa ito sa paligid bago pumasok sa isang lumang apartment. Hindi pa man ito nakapapasok ay may isang dalaga nang tumakbo at yumakap dito. Kitang-kita ng dalawa niyang mata ang paglalampungan ng dalawa, dulot ng matinding selos kaya agad siyang lumapit sa mga ito at hinila ang buhok ang babae.
“Walanghiya kang hitad ka! Nanunulot ka ng hindi iyo, ano ha?!” nanggagalaiting sabunot niya rito. Agad namang lumaban ang dalaga at sinabunutan din siya. Pilit silang inaawat ni Gilbert ngunit hindi sila nito kayang paghiwalayin. Sa tindi ng emosyon ay hinaklit ni Marita ang suot na damit ng dalaga kaya napunit iyon. Nagulat siya nang tumambad sa kaniya ang malaking balat na hugis bulaklak sa balikat nito. Nanlaki ang kaniyang ulo nang mapatingin sa dalaga.
Hindi niya maipagkakamali ang mukha nito. Ito nga ang anak na pinaampon niya labingwalong taon na ang nakalilipas! Kahawig na kahawig ito ng ama nitong matapos siyang mabuntis ay basta na lamang siya nilayasan.
Dahil napatigil siya ay nagkaroon ng pagkakataon si Gilbert na hilahin siya palayo sa dalaga na noon ay galit na galit ang tingin sa kaniya.
“Halika ditong matanda ka! Ano ha?! At ikaw Gilbert, huwag mo ‘kong hawakan! Manloloko ka pala eh!” histerikal na sigaw nito habang patuloy na pumapalag sa pag-awat ng lalaki.
“A-anak?” sambit niya at saka napatakip ng bibig.
Pati si Gilbert ay napatigil dahil sa sinabi ni Marita. Tumigil naman ang dalaga sa pagpalag sa pang-aawat nito nang marinig ang sinabi niya.
“N-nakita ko ang balat mo sa balikat, hindi ako pwedeng magkamali.. Ikaw ang anak ko! ” sabi niya at saka humagulgol ng iyak. Tinangka niyang lumapit ngunit tinulak siya ng dalaga palayo.
“Sabog ka ba, ha? Kanina lang kabit ako, ngayon ako na ang anak mo? Matagal nang wala ang nanay ko!” matapang na sagot nito.
“Hindi.. tandang-tanda ko ang balat na iyan. May ganiyang balat din ang batang pinaampon ko dati. Ikaw ang anak ko…” sabi niya na biglang napahagulgol na ng iyak.
Pinaampon niya ang anak sa pagkadalaga dahil natakot siya noon sa responsibilidad. Matapos maglayas sa probinsya at mabuntis, alam niyang wala siyang ipapakain dito at pareho lang silang masasawi sa gutom at hirap. Hindi niya akalaing sa ganitong mapait na biro pa pala ng kapalaran sila magkakatagpo.
“Ano bang pinagsasabi mo Marita, ha? Nababaliw ka na ba?” sabi ni Gilbert. Matalim ang mata na bumaling siya dito at kamao niya ang sumalubong sa nagtataka nitong mukha.
Matapos muramurahin dahil sa panloloko nito sa kaniya ay patakbong tumakbo si Marita pabalik sa kaniyang bahay. Kailangan niyang mahanap ang ebidensya na magpapatunay na siya ang ina ng dalagang iyon. Sa kabutihang palad ay naitabi niya pa sa isang kahon ang litrato nito. Hirap man sila ay talagang pinilit niyang makapagpalitrato dito bago niya ito iwan sa ampunan
Kinabukasan ay bumalik siya sa apartment ng dalaga at halos magwala sa galit ang kaniyang dibdib nang maabutan si Gilbert na nagmamakaawa sa dalaga. Ngunit sa pagkakataong iyon, ang galit niya ay para sa panloloko ni Gilbert sa kanilang mag-ina at hindi dahil sa kabit nito.
Lumapit siya sa mga ito at inundayan ng sapak sa mukha ang lalaki.
“Lumayo ka sa anak ko! Manloloko! Dalawa pa kaming tutuhugin mong hayop ka! Layas!” ilang suntok at mura pa ang ipinatikim niya dito kaya napilitan itong umalis. Nang makapagsarili sila ng anak ay ipinagtulakan din siya nito palayo.
“Huwag ka na ring bumalik dito! Hindi kita nanay dahil matagal na siyang nawala!” galit na sabi ng dalaga. Saglit namang natigilan si Marita dahil sa matinding hinanakit na nakikita niya sa mga mata nito.
“Anak, patawarin mo ko. Nagkasakitan pa tayo ng dahil sa isang lalaki na pareho tayong niloko. Ngunit may mabuti pa ring idinulot ang karanasang iyon dahil natagpuan kitang muli. Sana ay mapatawad mo ako.”
Simula noon ay ginawa ni Marita ang lahat upang suyuin ang nagmamatigas na anak. Noong una ay matindi ang disgusto nito ngunit makalipas ang ilang buwan na pagmamalasakit ng ina ay unti-unti niya ring nahuli ang puso nito.
“Hindi pa rin kita lubusang napapatawad dahil sa hirap na naranasan ko dulot ng pang-aabandona mo. Ngunit handa akong bigyan ka ng isa pang pagkakataon, mama.”
Hindi mapigilang maluha ni Marita nang marinig na tawaging siya nitong “mama”. Lahat ng atensyon ay ibinuhos niya sa anak, pinuspos niya ito ng pagmamahal upang sa gayon ay hindi na nito piliing makiamot pa ng init sa relasyon ng iba katulad noong minsang naging karibal niya pa ito sa pag-ibig.