Bata pa lamang ay pangarap na ni Luisa ang makapunta sa Amerika at magtrabaho doon. Isa kasing OFW ang kaniyang ina noong ito ay nabubuhay pa, kaya naman bilang isang anak na labis humahanga sa ina ay ipinangako niya na balang araw ay mararating niya rin ang bansang matagal nang pinapangarap.
“Sa wakas! Nandito na ako, Amerika!” pabulong niyang sigaw habang nakatingin sa bintana ng eroplanong sinasakyan. Sobrang bilis ng pintig ng kaniyang puso dahil sa labis na kasabikan. Kaytagal niyang inasam ang pangyayari itong sa buhay niya. Sa wakas, natupad na ang pangarap at pangako niya sa ina.
“O sige pinsan, dito ka lang muna pansamantala sa condo ko tumira habang naririto ka sa Amerika, ako na muna ang bahala sa’yo,” nakangiting pahayag ng pinsan ng dalaga sa kaniya. Nakahinga naman ng maluwag si Luisa sa narinig. Medyo kinakabahan din kasi siya dahil ito ang unang beses na napalayo siya sa sariling bansa at sa kaniyang pamilya.
“Maraming salamat pinsan! Sobrang bait mo talaga kahit kailan!” masayang tugon ni Luisa sa kaniyang pinsan at masayang niyakap ito ng mahigpit.
Kinabukasan, nagsimula na agad si Luisa na maghanap ng trabaho. Isa siyang fresh graduate ng isang business course kaya tiyak na marami naman sigurong tatanggap sa kaniya.
“I’m sorry, but we cannot hire you. You’re just not qualified for the job,” pormal na pahayag ng amerikanong manager na in-apply-an ni Luisa.
Ilang kompanya pa ang pinuntahan ng dalaga at sinubukang mag-apply pero sa kasamaang palad ay hindi siya natatanggap. Mag-iisang buwan na siya sa Amerika pero wala pa rin siyang nahahanap na trabaho. Malapit na rin ma-expire ang kaniyang visa.
“Ano ba ‘to? Ang akala ko sa oras na makapagtapos ako at makapunta ng Amerika ay tuloy-tuloy nang matutupad ang mga pangarap ko,” malungkot na pahayag ni Luisa.
“Ganyan din ako noong bago lang ako rito. Gaya mo, puno rin ako ng pangarap na pumunta dito. Inakalang sa oras na makaapak ako sa bansang ito ay matutupad na ang aking mga pangarap para sa aking sarili at para sa aking pamilya,” nagulat si Luisa ng bigla na lamang nagsalita ang kaniyang pinsan. Tahimik na tao lang kasi ito at sobrang madalang lang kung magsalita. Hindi rin naman kasi sila ganun kalapit sa isa’t isa.
“Pero pinsan, hanggang ngayon ay naririto ka pa rin sa bansang ito at nagtratrabaho. Maunlad ang buhay mo at nabubuhay ka sa iyong pangarap,” naguguluhang sagot ni Luisa sa pinsan. Ngumiti naman ito.
“Oo, at proud ako dun. Pero sobrang hirap ng pinagdaanan ko bago marating ang kinalalagyan ko ngayon. Hindi naging madali sa akin ang mabuhay rito sa Amerika, lalo na at nag-iisa lang ako rito ng mga panahong iyon,” nakaramdam naman ng awa si Luisa sa pinsan niya dahil sa kwento nito.
“Alam mong nakapagtapos ako ng nursing sa Pilipinas, kaya nang pumunta ako dito ay akala ko magiging nurse din ako rito. May lisensya na din naman kasi ako. Pero hindi, hindi iyon nangyari. Napilitan akong kumuha ng mga trabahong hindi naman konektado sa natapos ko. Nagtrabaho ako sa mga restaurant bilang waitress, naglinis ako ng mga bahay at opisina ng iba, at kung anu-ano pang trabahong ni isang beses ay naisip kong papasukin ko noong nag-aaral pa lamang ako.”
“Iyak ako nang iyak dahil naaawa ako sa sarili ko, pero hindi ko magawang sumuko. Nagpatuloy ako. Nagtiyaga, at patuloy na nagsikap. Lumaban ako para sa pamilya ko. Para sa mga pangarap ko,” patuloy na kwento ng pinsan ni Luisa. Maiging nakikinig naman ang dalaga. Hindi niya inakalang ganun pala ang nangyari sa pinsang matagal niya nang hinahangaan.
“Pero alam mo, totoo ang kasabihang, ‘kapag may tiyaga, may nilaga’, dahil pagkatapos lamang ng mahigit kumulang isang taon, ay nabigyan ako ng pagkakataong gawin ang trabahong para talaga sa akin. Nagsipag lang ako at ginalingan ko talaga, binigay ko ang lahat ng makakaya ko. Kaya heto ako ngayon, isang ganap na nurse na sa Amerika,” napangiti na lang din si Luisa sa kaniyang pinsan. Sobrang proud at talaga namang masaya siya para sa pinsan niya.
“Sana ako rin, pinsan. Sana ako rin, matupad ko lang ang mga pangarap ko,” puno ng pag-asang sagot niya sa kwento ng pinsan niya. Binigyan naman siya nito ng isang matamis na ngiti.
“Kung ako nakaya ko, bakit ikaw hindi? Nasa sa’yo ‘yan pinsan. Hawak ng tao ang kanilang kinabukasan. Hindi natin kontrol kung sino tayo sa pagsilang sa atin sa mundo, pero kaya nating makontrol kung magiging sino tayo sa hinaharap. Kung gusto mo talaga ang isang bagay ay gagawin mo ang lahat para makuha ito. Matututo kang magsakrispisyo, magtiyaga, at siyempre magtiwala sa plano ng Diyos sa’yo. Dahil Siya lang ang may alam ko ano talaga ang nakakabuti para sa’yo.”
“Opo, pinsan. Kaya ko ‘to. Lalaban ako hindi agad susuko. Para sa pangarap!” itinaas ni Luisa ang kamay at ginawa ang isang ‘laban’ pose na ginaya din naman ng pinsan niya.
“Para sa pangarap!” sigaw din ng pinsan ni Luisa at niyakap ang dalaga.
Gaya ng napag-usapan ay lumaban si Luisa at hindi basta sumuko. Ilang beses din siyang nabigo, nasaktan at umiyak. Pero, kailanman, hindi siya nawalan ng pag-asa. Patuloy lang siyang lumaban hanggang sa nabigyan siya ng isang pagkakataon.
“Well, if you ask me, you really deserve this position. You’ve been working really hard ever since you got here. I’m looking forward to your upcoming successful projects Miss Luisa, keep up the good job,” halos tumalon sa tuwa si Luisa ng marinig sa boss niya na na-promote siya bilang isang project manager sa kompanyang kaniyang pinagtratrabahuan sa ngayon.
Nagsimula siya sa pinakamababang position, at ngayon ay isang ganap na manager na siya. Konting sikap at tiyaga pa at alam niyang makakamit niya rin lahat ng pangarap niya.