“Ano, Roberto? Ipagpapalit mo ang pamilya mo at ang kahihiyan natin para sa babaeng ‘yan ha?” sigaw ng ginang habang hinihila papasok ang anak upang pigilang umalis.
“Ayoko nga pong pakasalan ang babaeng ipinagkasundo niyo sa akin. Hindi ko siya gusto at mas lalong hindi ko siya mahal,” tugon naman ng lalaki.
“Pagsisisihan niyo lahat ng ito!” muling sigaw ng ginang at saka ibinaling ang tingin sa babaeng hawak ni Roberto, “At ikaw, Grace! Hindi ako titigil hangga’t hindi nagiging impyerno ang buhay mo!”
Hindi na nagpatinag pa ang magkasintahan at tuluyan nang lumayo at namuhay nang magkasama. Pinili ni Roberto ang kaniyang nobya kaysa sa pamilya. Tinalikuran rin niya ang kasunduan na maipakasal sa anak ng business partner ng kaniyang mga magulang upang mas mapagtibay sana ang samahan at negosyong kanilang binuo.
Mula sa maliit na ipon, nagpakasal ang magkasintahan sa simbahan at sinimulan ang buhay bilang mag asawa. Hindi naging mahirap para kay Grace na mahalin si Roberto dahil bukod sa masipag, ang lalaki rin ay madiskarte, malambing at tunay na mapagmahal.
Buong akala nila’y panghabangbuhay na ang kanilang pagsasama, ngunit isang pangyayari ang babago sa takbo ng kanilang matamis na pagsasamahan. Taong 2008, binawian ng buhay si Roberto at naiwang ulila ang kaniyang pamilya.
Bukang liwayway pa lamang at maririnig na ang lumalagabog na katok sa pintuan ng gate nila Grace. Pagkabukas ay agad na bumungad ang galit na mukha ng ina at panganay na kapatid ni Roberto kasama ang ilan sa kanilang mga kapitbahay.
“Nandito kami upang bawiin ang anak ko. Hindi kami makapapayag na hindi sa amin iburol si Roberto,” galit na saad ng ginang.
Labis na ikinagulat ni Grace ang pahayag ng babae. Dahil sa pangyayaring ito nagkaroon ng sagutan sa pagitan ng dalawa na natunghayan ng mga kapitbahay at ibang tao.
“Ako po ang asawa, karapatan ko rin sigurong magdesisyon para sa asawa ko, hindi po ba?” malamig na tugon ni Grace.
“Anong karapatan ang sinasabi mo? Ipinagdamot mo sa amin ang kapatid ko. Hindi mo nga pinapayagang pumunta sa amin noong nabubuhay pa eh, kaya wala kang karapatan! Asawa ka lang, kami ay kadugo!” galit na sigaw ng babaeng kapatid ni Roberto.
“Ipinagdamot po? Eh ang mama ko pa nga ang nagsasabi kay papa na puntahan si lola kapag birthday niya eh. Pinipilit rin ni mama na pumunta si papa sa tuwing kaarawan ng isa sa mga kapatid niya, kaya paano niyo sasabihin na ipinagdamot sa inyo ang papa ko?” naluluhang sabi ng panganay na anak nila Grace at Roberto.
“Mas mainam siguro na pag-usapan niyo ito ng maayos, para na rin sa ikatatahimik ni Roberto,” sabat naman ng nanay ni Grace na nandoon din sa kanilang tahanan.
“Hoy tanda! Wag kang sumabat sa usapang ito. Hindi ka kasali rito ha?!” bastos na sagot ng kapatid ng lalaki.
Pati ina ni Grace ay binastos sa loob ng kanilang pamamahay. Pilit isinisigaw ng pamilya ni Roberto na mahal na mahal daw nila ang lalaki at ipinagkait daw ni Grace ang pagkakataong makasama nila ito noong nabubuhay pa. Dahil dito, hindi na napigilan ng panganay nila Grace na muling magsalita.
“Kung mahal talaga ninyo ang papa ko, bakit ilang kaarawan niya ang lumipas na hindi niyo siya pinuntahan? Kumustahin nga at alagaan tuwing may sakit siya ay hindi niyo rin nagawa, tapos sasabihin niyo na mahal niyo siya?” lumuluhang saad ng bata.
“‘Wag kang makasagot-sagot ng ganyan, pamangkin lang kita, kaya respetuhin mo ako!” galit na tugon ng babae.
Nakatayo lamang doon si Grace at gulong-gulo ang isipan. Hindi siya makapag-isip ng maayos dahil sa pagod at kakulangan sa tulog. Tanging ang pagkawala lamang ng asawa niya ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Sa madaling salita, umabot sila sa desisyon na hatiin ang araw ng burol. Ang huling burol na halos kalahating linggo ay napunta sa pamilya ng lalaki para wala na lamang gulo.
Pero lalo lamang naging magulo nang ilipat ang mga labi ni Roberto sa pamilya nito, dahil hindi na pinayagan ng mga ito na makita pa ni Grace ang asawa sa mga huling sandali.
“Parang awa na ninyo… payagan niyo nang makita ko ang asawa ko kahit saglit lang,” lumuluhang pagmamakaawa ni Grace sa labas ng nakakandadong gate ng bahay ng pamilya ni Roberto. “Kahit para sa mga anak ko na lang, baka pwede nilang makita ang papa nila kahit saglit… parang awa niyo na!”
Mula sa ‘di kalayuan ay maririnig ang sigaw ng nanay ni Robeto, “Kahit na anong mangyari ay huwag na huwag ninyong papapasukin ang mga bastos na mag-anak na iyan sa pamamahay ko ha?” mataray na pahayag ng matanda.
Halos buong araw naghintay sina Grace at ang kaniyang mga anak sa pagkakataong masulyapan sa huling sandali ang kanilang mahal na si Roberto. Tama nga ang sabi ni Roberto noong ito’y nabubuhay pa, na kapag nawala siya, tiyak na manggugulo ang pamilya niya.
Maging sa libing ay hindi na nakapunta ang mag-anak nila Grace. Napakasakit para sa kanila na hindi maihatid sa huling hantungan ang pinakamamahal na asawa at ama. Tanging mga pumapatak na luha na lamang ang nagsalita ng mga sakit na hindi kayang ipahayag ng mga labi ni Grace.
Buong akala ni Grace na matatapos na ang gulo pag nailibing na ang asawa, ngunit mali siya. Hindi pa nakuntento ang pamilya ni Roberto at nagpakalat sila ng maling kwento tungkol sa kanya. Humingi ito ng simpatya sa mga tao at siniraan si Grace sa mga kakilala at kaibigan.
“Pinikot lamang niyan si Roberto at pilit na inilayo sa amin. Dating pokp*k kasi sa club ang babaeng iyan!” tsismis pa ng pamilya ng lalaki.
Pati mga benepisyo na para sa mga anak at asawa ni Roberto ay nagawan ng pamilya nito na makuha. Wala silang itinira para kay Grace o sa mga bata. Lahat ng pwede nilang makuha, kinuha nila.
Si Grace na ang pumalit sa trabaho ni Roberto sa isang hotel. Nag training siya at pilit na inaral ang mga gawain sa lalong madaling panahon. Subalit dahil sa maling tsismis ay naging mababa ang tingin ng mga tao sa kanya. Kulang na lang ay ibug*w siya ng mga kalalakihan sa sobrang pambabastos na natanggap niya.
“Hoy Grace, kung gusto mo mag-asawa ulit o magpakamot kapag nangangati ka, sabihin mo lang sa’kin ha? May ibu-booking ako sa’yo,” pambabastos ng isa niyang katrabaho.
“Baka naman pwede na kitang ligawan, Grace? Lagi kong dadalhan ng pagkain ang mga anak mo, pagkatapos kumain, sasabihin ko, mama niyo naman ang kakainin ko,” hagalpakan na tawa pa ng mga kalalakihan.
Walang magawa si Grace kundi ang magtiis at umiyak na lamang ng patago. Maging ang boss niya ay sobrang pagpapahirap din ang ginawa sa kanya. Ang sana’y pagtulong lamang sa paglulutong trabaho niya ay naging paghuhugas ng mga nangingitim ng kaldero at masesebong pinggan. Pati na paglilinis ng buong kusina ay sa kanya pinagawa. Naging busabos ang naging tingin ng mga tao sa kanya. Pero lahat ay kailangan niyang tiisin para sa ikabubuhay ng kanyang mga anak.
Sa kabila ng lahat ng iyon, nagsumikap pa rin si Grace sa kaniyang trabaho. Ayaw niyang masira sa bisor na kaibigan ng kanyang asawa na siyang nagpasok sa kanya doon. Nagkaroon din siya ng sideline na pagbe-bake ng cupcakes at paghulma ng mga tsokolate na kanyang ibinebenta upang may pandagdag na kita para sa gastusin nilang mag-anak.
Pagkalipas ng dawala’t kalahating taon ay nakamit ni Grace ang promotion at award na Employee of the year sa trabaho. Isang malaking sampal sa mukha sa lahat ng nambastos at nanglait sa kanya ang karangalang iyon.
Ilang taon pa ang lumipas, napagtapos ni Grace ang dalawang anak. Mayroon na siyang accountant at engineer ngayon. Nag-resign siya sa trabaho at nagbukas ng sariling negosyo. Naging matagumpay iyon kaya’t nakapagbukas siya ng iba pang branches ng kaniyang patok na patok na bakeshop.
Lahat ng paghihirap niya noon ay tila ba sinuklian ng Diyos ng doble-doble biyaya.
Hindi pa doon nagtatapos ang lahat.
Napabalita na na-stroke daw ang kanyang biyenan kaya’t di na ito nakakapagsalita at paralisado ang kalahati ng katawan. Ang panganay na kapatid naman ni Roberto ay nakulong dahil sa kasong estafa at pagtangay ng pera sa isang pyramid scam.
Kahit na masama ang ginawa sa pamilya niya noon, ginantihan pa rin ni Grace ng kabutihan ang pamilya ni Roberto. Siya ang sumasagot sa mga gamot at pagpapatingin ng ina ng yumaong asawa. Para kasi kay Grace, ang pinakamagandang ganti sa kasamaang ginawa ng iba sa kaniya ay ang pagiging mabuti pa rin sa mga ito. Dahil hindi maapula ang apoy gamit ang isa pang apoy. Para kay Grace, ito ang pinakamagandang magagawa niya sa lahat ng nakasakit sa kanya — ang pagkakaroon ng mabuting puso.
Sobrang ligaya niya sa inaaning tagumpay at pagpapala. Sa wakas, nakalaya rin siya sa mga taong umalipusta sa kanya noon.