Inday TrendingInday Trending
Ang Pabugso-bugsong Desisyon

Ang Pabugso-bugsong Desisyon

Lubusan ang saya ni Annika nang ayain siya ng kaniyang matagal nang kasintahang si Jomar na magpakasal ng lihim. Kahit na sa sampung taon ng kanilang relasyon ay halos ilang beses din siyang niloko nito. Dahil mahal niya ang kasintahan ay nagagawa niya itong patawarin ng paulit-ulit.

“Sigurado ka na ba sa gagawin mo, Annika? Baka nabibigla ka lang. Sa tingin ko kasi ay dapat malaman ng mga magulang mo ang desisyon mong ito,” sambit ng matalik niyang kaibigang si Lalaine.

“Matagal ko nang kasintahan si Jomar. Nasa tamang edad naman na kami at sa tingin ko ay panahon na rin para mauwi ito sa kasalan. Lalo pa ngayon na parehas kaming mangingibang bansa. Gusto kong makasigurado na sa akin lang siya,” pahayag ni Annika.

“Ayun nga ang dapat mong mas pag-isipan. Gaano ka kasigurado na hindi magloloko ‘yang kasintahan mo ngayong lalo pa at nasa malayo kayong dalawa. Huwag kang magdesisyon ng pabigla-bigla, Annika. Sa tingin ko ay dapat mo muna itong pag-isipan. Bigyan nyo muna ang mga sarili niyo ng pagkakataong malayo sa isat’isa. Pagbalik niyo at napatunayan niyong kayo talaga ang nakalaan para sa isat-isa ay saka niyo ituloy ang balak ninyong pagpapakasal,” saad ng dalaga. Ngunit kahit ano pang sabihin ni Lalaine ay tila buo na ang pasya ni Annika.

May kaya ang pamilya ni Annika. Ngayon ay lilipad siya patungong London upang magtrabaho bilang head nurse doon. Samantalang ang kaniyang kasintahan namang si Jomar na miyembro ng banda ay patungong Japan.

Napag-usapan ng dalawa na magkita tatlong araw bago sila umalis upang matuloy ang lihim nilang pagpapakasal. Sa totoo lamang ay hindi naman binabawalan ang dalaga na makipagnobyo. Tulad ng lahat ng magulang ay walang hiniling ang kanyang mga magulang kundi maghintay siya ng tamang panahon para sa mga bagay na tulad ng pagpapakasal. Ngunit mas nangingibabaw ang kagalakan sa puso ni Annika kaysa sa kaba sa pagsuway niya sa payo ng kaniyang mga magulang.

Dumating ang araw ng kasal ng dalawa at tanging si Lalaine lamang ang saksi sa pag-iisang dibdib ng magkasintahan. Tutol man ay wala na siyang nagawa kundi suportahan ang kahibangan na ito ng kaibigan.

“Sana ay hindi mo pagsisihan ang bagay na ito, Annika. Sana nga ay tama ka. Ngayong kasal na kayo ay hindi na mambabae pa ‘yang si Jomar,” pabulong na wika ni Lalaine sa kaibigan.

“Ano ka ba naman, Lalaine? Ako na ata ang pinakamasayang babae sa balat ng lupa ngayon. Lalo pa at naangkin ko na ang apelyido ni Jomar. Kay tagal kong hinintay ito. Sa dami ng babaeng nagdaan sa buhay niya ay ako pa rin ang kanyang pinili,” tugon ni Annika.

Pagkalipas ng ilang araw ay kani-kaniya ng alis ang dalawa. Tangan nila ang mga singsing sa kanilang kamay at ang lihim ng kanilang pagsasama. Umaasa si Annika na sa kanilang pagbabalik ay tuluyan na nilang maisakatuparan ang pangarap na magpakasal kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Walang araw na hindi nagtawagan sina Annika at Jomar habang malayo sa isa’t-isa. Lalong naging malambing ang pakikitungo kay Annika ng kaniyang mister na labis naman niyang ikinatutuwa. Sa lagay na ito ay alam niyang hindi siya nagkakamali ng desisyon. Nakatali na sila sa isa’t-isa at walang sino man at anuman ang makapaghihiwalay sa kanila.

Ngunit hindi napanatag ang kalooban ni Lalaine sa sitwasyon ng kaniyang kaibigan. Nakuwento kasi nito sa kanya na ilang beses ng nagpapadala si Annika kay Jomar sapagkat kailangan daw nito ng pera upang ipadala sa Pilipinas sapagkat palagi siyang kinakapos. Dahil mas malaki ang sahod ni Annika at kung ano ang kanya ay kay Jomar na rin ay hindi naman ito nag-aatubili na pagbigyan ang mister.

“Annika, kahit mag-asawa kayo ay magtira ka naman para sa iyong sarili. Saka may trabaho rin naman doon si Jomar. Hayaan mo na siyang gumawa ng paraan para sa pamilya niya,” payo ni Lalaine.

“Hayaan mo na. Sino pa ba ang tutulong sa asawa ko kung hindi ako, ‘di ba?” tugon ni Annika.

“Para kasing may mali, Annika, eh. Basta, kinukutuban ako diyan kay Jomar. Parang may ginagawa siyang mali,” wika ng dalaga.

“Ayan ka na naman, Lalaine. Bakit ba hanggang ngayon ay hindi mo pa rin matanggap na nagbago na si Jomar? Huwag kang magsalita ng ganyan sa asawa ko, puwede ba? Palagi kaming magkausap kaya imposible na nambababae siya,” dipensa ni Annika. Sa inis nito ay pinagbabaan niya ng telepono ang kaibigan.

Ngunit buo ang loob ni Lalaine na patunayan kay Annika ang kutob nito. Hindi nga siya nagkamali. Isang araw ay laking gulat ng dalaga na makita niya ang asawa ng kaibigan sa isang mall sa Pilipinas.

“Nakabalik na pala si Jomar,” wika ni Lalaine sa kaniyang sarili. Lalapitan sana niya ito ng biglang mag isang babae ang biglang mahigpit na lumingis sa lalaki. Lalo pa niyang ikinagulat na tawagin si Jomar ng babae ng mahal.

Hindi nag-atubili si Lalaine na sundan ang mga ito at nakita niya kung paano halikan ni Jomar ang kasamang babae. Malambing sila sa isat-isa at sa kasusunod ni Lalaine ay natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili sa isang subdivision.

Nang makapasok ang dalawa sa bahay ay nagtanung-tanong si Lalaine sa mga kapitbahay. Doon napag-alaman niyang ang alam ng mga ito ay mag-asawa ang dalawa at matagal nang nagsasama. Hindi ngayon alam ni Lalaine kung paano sasabihin sa kawawang kaibigan ang kaniyang natuklasan.

Kaya upang maniwala ang kaibigan ay kumuha siya ng mga litrato upang maging ebidensya at saka ipinadala sa kaibigan. Nang matanggap ito ni Annika ay laking gulat niya na sa hindi na mabilang na pagkakataon ay muli na naman siyang nagawang lokohin ng ngayon ay kaniyang asawang si Jomar. Walang mapaglagyan ang galit at pagsisisi na nadarama ni Annika.

“Nalaman ko pa na hindi talaga trabaho ang pinunta ni Jomar sa Japan kung hindi isang bakasyon nilang dalawa ng kaniyang babae. At ang pera na pinapadala mo ay hindi talaga nakakarating sa mga magulang ni Jomar kung hindi ginagamit niya upang kanilang panggastos ng babae niya,” dagdag pa ni Lalaine.

Gumuho ang mundo ni Annika. Napilitan siyang pansamantalang umuwi sa Pilipinas upang sa gayon ay ipamukha kay Jomar ang mga kasalanan nito. Inamin na rin niya sa kanyang mga magulang ang kaniyang naging desisyon na pagpapakal ng lihim sa lalaki. Hindi man madali para sa mga magulang na tanggapin ang nagawa ng anak ay sa bandang huli ay nanaig pa din ang pagpapatawad.

Tinulungan nila si Annika na magsampa ng reklamo laban kay Jomar at tuluyan ng mapawalangbisa ang kanilang kasal. Walang patid ang pasasalamat ni Annika sa kanyang kaibigan sa pagsasabi nito sa kanya ng tunay na siutwasyon.

“Patawarin mo ako, Lalaine. Kung sana ay nakinig ako sa’yo ay hindi sana hahantong sa ganito ang lahat. Maraming salamat kasi kahit na nagagalit ako sa iyo ay hindi ka nawala sa tabi ko. Nariyan ka pa rin upang umagapay sa akin. Salamat sa Diyos at binigyan niya ako ng kaibigang tulad mo!” naiiyak na sambit ni Annika sabay yakap sa kaibigan.

Naging matagal ang proseso ng pagpapawalangbisa ng kasal nila Jomar at Annika. Laking pagsisisi ng dalaga na ang pabigla niyang desisyon ay nahantong sa isang pangmatagalan na kirot sa kanyang puso. Naging isang malaking leksyon rin ito kay Annika na ngayon ay pinili na lamang ang pagtuunan ang kaniyang sarili at ang pagtatrabaho upang maging handa siya sa pagdating ng tamang panahon para sa tamang taong nakalaan sa kanya.

Advertisement