Halos pitong taon din ang tiniis ni Riza bago dumating ang araw na ‘to. Sa wakas kasi ay makakabukod na rin silang mag-asawa sa poder ng pamilya ni Jasper.
“Bakit ba kasi kailangan niyo pang umalis? Hindi ba’t mas maganda ‘yung sama-sama tayo rito?” saad ni Aling Emily, ang nanay ni Jasper.
“Malapit lang naman kami, ma,” maiksing sagot ng lalaki sa kaniyang nanay.
“Hindi ba’t ganito naman talaga kapag nagkakapamilya? Dapat bumubukod,” mabilis na dagdag ni Emily sa usapan ng dalawa habang nagliligpit ito ng mga damit nilang mag-anak.
“E, ang laki-laki naman ng bahay. May sarili kayong kwarto rito, wala naman akong nakikitang problema kung magkakasama tayo,” sagot ni Aling Emily.
“Mukhang ‘yang asawa mo lang naman ang may gusto na umalis kayo rito. Imbes na makakaipon kayo kasi hindi kayo nagbabayad ng bahay ay mas lalaki pa ang gastos niyo,” dagdag pa ng ale.
Napalunok ng laway si Riza sa kaniyang narinig, ngunit pilit niyang kinalma ang sarili at hinintay na sumagot ang mister sa mga sinabi nito.
“Mamimiss niyo lang ho yata ang paborito niyong anak kaya kayo nagkakaganyan, e?” sagot naman ni Jasper sa ale tsaka nya ito niyakap at nagtawanan na lamang ang dalawa.
Lihim na lamang na napabuntong hininga si Riza sa eksenang iyon.
Panganay si Jasper sa kaniyang pamilya, mayroon itong dalawang kapatid na may mga asawa na rin ngunit magkakasama pa rin sila sa iisang bahay. Matagal na tiniis ito ni Riza at mahaba-mahabang pakikipagtalastasan din ang naganap bago niya napapayag ang mister na sa wakas ay bumukod ng bahay. Dito na kasi sila nagsama simula noong makasintahan pa, hanggang sa napagdesisyunan na nga nila ang maging mag-asawa. Wala pa mang basbas ng simbahan ay ayos na sa kanila muna ang ganitong sistema.
“Panalo na naman ‘yang nanay mo sa’yo,” buntong ni Riza kay Jasper nang makabalik ito sa kanilang kwarto.
“Hayaan mo na, paalis naman na tayo, ‘di ba? At saka nasunod naman na ‘yung gusto mo kaya okay lang ‘yan,” malamig na sagot ng lalaki.
“Ako lang ba ang may gusto nito?” baling ng babae.
“Medyo,” maiksing sagot ni Jasper sa kaniya.
“Wow, Jasper! Wow!” baling muli ni Riza tsaka siya napatigil sa kaniyang pagtutupi.
“Hindi mo ba talaga nakikita ‘yung rason ko ba’t gusto kong bumukod tayo?” naiinis na tanong nito sa kaniya.
“Na ano na naman ba? Gusto mong bumukod tayo kasi ‘yun ang tama? Kasi ayaw mo sa pamilya ko? Nahihirapan ka ng makisama? Ano pa ba? Sinunod na nga kita, ikaw pa ‘tong galit ngayon,”sagot naman ni Jasper sa kaniya na tila umiint na rin ang ulo.
“Hindi ako makapaniwala, aalis tayo at bubukod bilang isang pamilya pero hindi mo naiintindihan kung bakit? Para bang ako pa ngayon ‘yung masama sa inyong buong mag-anak,” wika ni misis.
“E, ‘di ba totoo naman? Na mas lalaki gastos natin kasi uupa pa tayo ng bahay? E kung ‘yung ipang-uupa natin ay idagdag na lang sa ipon? E ‘di mas malaki,” paliwanag ng lalaki.
“Ipon? Ano ‘yun? Ano ‘yang sinasabi mo, Jasper? Hindi ba’t wala tayong ganon kasi tayo lahat ang sumasagot dito sa bahay? Ni ultimo pagkain natin, hindi pwede na sa atin lang. Kailangan ‘yung budget ko kasama ang buong pamilya mo,” bulalas ni Riza sa asawa.
“E, kaya nga pamilya, kasi tulong-tulong,” singit ni Jasper sa galit ng misis niya.
“Tulong-tulong? Hindi ba’t parang tayo na ang bumuhay sa pamilya ng kapatid mo? Sa nanay mo, sa mga pamangkin mo,” saad ni Riza. Hindi na niya napigilan pa ang sarili na magkwenta sa harap ng mister niya.
“Kahit kailan, hindi ako nagreklamo sa’yo tungkol dito sa bahay kasi alam kong gusto mong makasama ang pamilya mo. Alam kong dito ka komportable pero nahihirapan na ako, Jasper. ‘Yung pagkain, halos sahod ko lahat ang sumasagot, nakakahiya naman kasing kumain ako riyan tapos sasabihin ko na pang sa atin lang. ‘Yung kuryente at tubig, ako rin ang sumasagot kahit nga mas marami pa sila rito sa bahay kaysa sa atin. Alam kong wala pa silang magandang kita, walang naiipon dahil maraming anak, pero paano naman tayo, Jasper? Paano ako?” daing muli ni Riza sa lalaki.
Napayuko naman si Jasper sa kaniyang narinig, totoo naman kasi ang lahat ng sinabi ng babae.
“Wala akong ibang intensyon sa pagbukod natin kung ‘di ang maka-ipon, ang makapagsimula bilang isang pamilya. Lalo na ngayon na magkaka-anak na tayo. Alam kong pamilya mo sila, pero pamilya mo na kami ngayon, kami naman, Jasper. Hindi ibig sabihin na bubukod tayo ng bahay ay hindi ka na nila pamilya, bubukod tayo kasi pamilya na tayo. Kailangan nating tumayo sa sarili nating mga paa,” dagdag pa nito sabay patak ng mga luha sa kaniyang mata.
Hindi na nagsalita pa si Jasper at niyakap na lamang niya ang kaniyang asawa. Halo-halo na ang nararamdaman niya sa pagkakataong iyon. Nariyang nasasabik siya sa darating nilang anak at nandoon din ang takot sa pagiging bagong ama at ang mga naka-ambang na responsibilidad nito. Malaki ang pasasalamat niya kay Riza dahil kahit nga napakaraming ginagastos nito para sa pamilya niya ay wala siyang narinig na kahit anong reklamo kaya nga pinagbigyan niya itong bumukod na sila. Mas masakit lang para sa kaniya na ganito na pala ang nararamdaman ni Riza sa pagsasama nila.
“Patawad kung pinasan mo ‘yung buong pamilya ko,” bulong ni Jasper sa asawa.
“Hindi mo kailangan humingi ng tawad kasi pamilya ko na rin naman sila. Pero ang akin lang, tayo naman. Kailangan natin mag-umpisa bilang pamilya, mas makakapag-ipon tayo para sa anak natin at mas matutong tumayo sa sarili nilang mga paa ang kapatid mo. Sana maintindihan mo rin ako,” malungkot na sagot ni Riza sa kaniya.
“Naiintindihan kita at mahal kita kaya maraming salamat sa pamilyang ibibigay mo sa akin,” malambing na pahayag ng lalaki at saka hinalikan sa ulo ang babae.
Ngayon ay nakabukod na ng bahay sina Jasper at Riza. Unti-unti ring napaliwanagan ng lalaki ang kaniyang pamilya na walang mali sa desisyon nilang mag-asawa. Nakakatakot man daw para sa kaniya ngunit ito na ngayon ang buhay niya at haharapin nila ito ng magkasama ni Riza at ang paparating na anghel sa kanilang buhay.