
Bagong Mukha ng Garahe ni Juan
Kalilipat lang ni Juan sa bahay na pinamana sa kaniya ng kaniyang lolo sa probinsiya. Mayroon itong malawak na hardin at garahe. Kung tutuusin ay malaki ang bahay para kay Juan na mag-isang naninirahan dito pero dahil sawa na ang lalaki sa polusyon, ingay, magarbo at mabilis na pamumuhay sa siyudad ay mas pinili nitong lumipat sa probinsiya kung saan mas magiging simple at tahimik ang kaniyang buhay.
Isang araw habang naninigarilyo ang lalaki sa labas ng gate ng kaniyang bahay ay may nakita siyang dalawang estudyante na nagtatalo sa ‘di kalayuan. Malakas ang boses ng mga ito kaya dinig na dinig niya ang kanilang pag-uusap.
“Mali naman ‘yung tinuro mo sa’kin kahapon, Dante. Mapapagalitan na naman tuloy ako ni tatay dahil bumagsak ako sa pagsusulit natin kanina,” reklamo ng isang bata. “Binalaan naman kita, Lando, na baka mali ang pagkakaintindi ko sa libro dahil kulang-kulang ang mga pahina, ‘di ba? Bakit ako ang sinisisi mo ngayon?” sagot ni Dante.
“Kaya nga ako nagpaturo sa’yo dahil ikaw ang pinakamatalino sa klase. Wala rin pa lang silbi iyang utak mo. Dinamay mo pa ko. Sana sinabi mo na lang na hindi mo naintindihan iyong nakasulat sa libro kaysa sa magsinungaling kang kulang ang mga pahina,” naiinis na wika ni Lando. “Hindi ako sinungaling! At lalo namang hindi ako bobo!” sigaw ni Dante.
Bago pa magkapikunan ang dalawa ay nilapitan na sila ni Juan para awatin at hindi mauwi sa sakitan ang hindi nila pagkakaunawaan.
“Hindi maganda ang nakikipag-away. Mas maganda kung idadaan niyo ang lahat sa mahinahon na usapan. Simple lang ang problema niyo hindi niyo na kailangan pang palakihin. Kung may mga kulang na pahina ang libro mo bakit hindi kayo nanghiram ng aklat sa silid-aklatan ng paaralan niyo? Dapat ay kumpleto ang mga pahina ng librong babasahin niyo lalo na kung nag-aaral kayo para sa pagsusulit niyo dahil kung kulang-kulang ito ay siguradong magiging mali ang intindi niyo sa inyong aralin,” pahayag ni Juan.
Pero napanganga ang lalaki sa sinabi sa kaniya ng dalawang bata.
“Wala pong silid-aklatan ang paaralan namin,” saad ni Lando. “Kung silid-aralan nga kulang na sa dami ng estudyante, silid-aklatan pa kaya. Hindi po mayaman ang eskuwelahan namin, kuya,” dagdag ni Dante.
Nakipagkuwentuhan pa si Juan sa dalawang bata ng ilang oras. Nalaman niya ang hirap na pinagdadaanan ng iba pang mga estudyante sa paaralang kanilang pinapasukan na salat sa mga kasangkapan at pasilidad. Bihira lang makatanggap ng tulong ang eskuwelahan mula sa gobyerno. Kung sakali mang mauulanan sila ng grasya ay kulang pa rin ito para sa mga pangangailangan ng mga guro at mag-aaral.
Sa katunayan ay pinagtiyatiyagaan nila ang mga mainit at masikip ng mga silid-aralan na naglalaman ng mga pinaglumaan at may sira na mga lamesa, upuan at bentildor, mga pinaglumaang mga aklat at iba pang mga kagamitan sa pag-aaral na donasyon ng mga taong may mabubuting kalooban.
Nahabag si Juan sa kaniyang mga nalaman. Alam niya kung gaano kahalaga ang edukasyon para magkaroon ng magandang kinabukasan. Bata pa lamang siya ay itinatak na ito ng kaniyang mga magulang sa kaniyang isipan. Gusto niyang tulungan ang mga kabataan na tulad nina Dante at Lando na malaki ang kagustuhang matuto pero salat sa mga kasangkapang pang-edukasyon pero ang problema ay wala siyang sapat na kakayahan. Simple tao lamang siya na may marangal na trabaho. Hindi siya mayaman.
Hindi pinatahimik si Juan ng mga kuwento ng dalawang bata kaya umisip siya ng paraan para matulungan sila. Isang ideya ang nabuo sa kaniyang isipan nung nagtungo siya sa garahe para maghanap ng mga kasangkapan na maaari niyang magamit sa pag-aayos ng nasira niyang motorsiklo. Bago pa matapos ang araw ay sinimulan na ng lalaki ang pagsasakatuparan ng kaniyang plano.
“Maraming salamat talaga sa inyo. Malaking tulong ito para sa aking proyekto,” saad ni Juan sa mga kaibigang hiningian niya ng tulong. “Ayos lang iyon, pare. Mas mabuting mapakinabangan ang mga aklat na iyan kaysa hayaan na lang mabulok sa bodega namin. Iyong iba diyan galing sa mga kamag-anak at kaibigan na tinawagan ko,” saad ni Rogelio.
“Juan, saan ko ilalagay itong mga lamesa at upuan?” tanong ni Joseph. “Idiretso mo na lang sa garahe,” sagot ng lalaki.
“Pare, mas maganda siguro kung pipinturahan natin ng mas maaliwalas na kulay ang garahe mo at palitan din natin ang bumbilya. Masyadong madilim sa loob. Dagdagan na rin natin ng mga estante,” suhestiyon ni Mark, kaklase ni Juan sa kolehiyo. “Huwag mo nang problemahin ang bayad sa labor at mga materyales. Sagot na ng hardware store ko,” dagdag pa ng lalaki.
“Oo, nga pala, pare. Sabi nga pala ni Timothy hiningi na lang daw niya iyong limang lumang kompyuter na balak ibasura ng kompaniya nila. Gumagana pa naman daw iyon. Dadalhin niya rito bukas,” wika ni Rogelio.
Ilang araw ang lumipas bago natapos ni Juan at ng mga kaibigan niya ang pag-aayos sa garahe.
“Sana magustuhan ng mga bata ang bagong mukha ng garahe,” bulong ni Juan sa kaniyang sarili. Inimbita niya sina Dante at Lando kahapon na pumunta sa kaniyang bahay nung nagkita sila sa palengke dahil may sorpresa siya para sa kanila. Sinabihan din niya ang mga ito na isama ang kanilang mga kaklase at kaibigan.
Abot tenga ang ngiti ng mga bata nung dumating sila sa bahay ni Juan.
Ang dating madilim at maduming garahe ay isa na ngayong magandang silid-aklatan. Maayos na nakasalansan ang mga libro sa estante. Sa isang gilid ay nakahilera ang mga kompyuter. May mga lamesa at mga komportableng upuan din.
“Talaga po bang puwede naming gamitin ang mga aklat dito?” hindi makapaniwalang tanong ni Lando. “Pati po bang ang mga kompyuter puwede ring gamitin?” pahabol na tanong ni Dante.
“Lahat ng mga aklat na nakikita niyo ay puwede niyong gamitin para hindi na kayo mahirapan sa pag-aaral niyo tuwing may pagsusulit kayo o takdang-aralin. Pati ang mga kompyuter ay puwede niyo ring gamitin. May Internet na rin iyan. Hindi niyo kailangang magbayad. Bukas ang Silid-Aklatan ni Juan araw-araw para sa mga batang katulad niyo na masipag mag-aral ngunit salat sa mga kagamitang pang-edukasyon. Iyon nga lang ay hindi niyo puwedeng iuwi ang mga libro dito. At dapat ay ingatan niyo rin ang lahat ng gamit na nakikita niyo dito,” masayang pahayag ni Juan.
“Maraming salamat po, kuya. Hindi na kami mahihirapan sa aming pag-aaral,” taos-pusong pasasalamat ni Dante. “Siguradong hindi na ako papaluin ng sinturon ni tatay dahil matataas na marka na ang makukuha ko sa mga pagsusulit natin,” dagdag ni Lando.
Bagama’t hindi mayaman si Juan dahil sa kaniyang silid-aklatan ay maraming mga estudyante siyang natulungan. Hindi mapapantayan ang saya na kaniyang nararamdaman tuwing ipinagmamalaki sa kaniya ng mga bata ang mga nakukuha nilang marka. Ang pagbubukas niya ng bahagi ng kaniyang tirahan para sa mga estudyanteng tulad nina Lando at Dante ay katumbas ng malalaking hakbang tungo sa kanilang magandang kinabukasan.