“O, mga anak, isang linggong mawawala si Tita Tere ninyo kasi kailangan niya umuwi sa probinsiya para alagaan ang nanay na may sakit. Bukas na ang alis niya,” paalala ng kanilang ina habang naghahapunan sila.
“So, ‘ma, isang linggo lang na tayo tayo lang sa bahay?” Pinilit ni Julian maging kaswal ang boses kahit ang totoo ay gusto niya magtatalon sa tuwa.
Masyado kasing istrikta ang kanilang Tita Tere. Pakiramdam tuloy ni Julian ay wala siyang laya gawin ang bagay na kasalukuyan niyang kinaaadikan – ang paglalaro ng video games.
Malaki ang respeto nila kay Tita Tere dahil bukod sa ito ang panganay na kapatid ng kanilang tatay, talaga namang wala silang masasabi dito dahil lagi itong nasa katwiran.
Nalulungkot lang talaga minsan si Julian dahil hindi siya pinapapayagan ng kanyang ina at tita na maglaro nang maglaro.
Pero dahil nga wala ang kanyang tita ng isang linggo, sasamantalahin niya ang pagkakataon. May nakapaskil na ngiti sa labi ni Julian hanggang sa matapos silang kumain.
Kinabukasan, Sabado. Walang pasok sa eskwelahan kaya naman alas nuwebe na nang nagising si Julian.
Naabutan niya ang kanyang pitong taong gulang na kapatid na si Mikael na nag-aalmusal kasabay ng kanilang nanay.
“’Nak, may special task ka ngayong araw,” bungad nito sa kanya pagkaupo niya sa hapag kainan.
“Ano ‘yun, ‘ma?” Nakakakunot noong usisa niya.
“Wala kasi akong pasok ngayon. Dapat. Kaso tumawag ‘yung boss ko, at may kailangan kami tapusin sa opisina ngayon. Ihahatid ko sa learning center si Mikael, tapos ikaw ang susundo sa kanya mamayang alas dose kasi baka mga alas singko pa ako makauwi. Okay?” Dire-diretsong pagbibigay ng kaniyang ina ng instruksyon.
Tumango siya sa ina habang umiinom ng gatas. “Sige po, ‘ma.”
“Sa labas na lang kayo kumain. Pagkatapos mong sunduin ang kapatid mo, maghanap na lang kayo ng makakainan bago kayo umuwi.” Bilin pa ng kanyang ina bago ito umalis upang ihatid ang kanyang kapatid at pumasok sa opisina.
“’Nak, baka puro video games na naman ang atupagin mo at makalimutan mo ang kapatid mo ha!” Huling paalala ng kanyang ina.
Alas diyes na nang maiwang mag-isa si Julian sa bahay. Agad niyang sinet-up ang kanyang xbox at excited na namili ng lalaruin.
Mga isang oras na siyang nalilibang sa paglalaro nang gambalain siya ng tunog ng kanilang doorbell. Iritable niyang inihinto ang laro pansamantala at tiningnan kung sino ang nasa labas ng kanilang bahay.
Ang kaniyang kunot na kunot na noo ay napalitan ng malawak na ngisi nang makita ang kaniyang matalik na kaibigan na si JP.
“Bro, nag-text ako sa’yo, ‘di mo ba nabasa? Sabi ko laro tayo sa bahay,” bungad nito.
“’Di ko nakita, naglalaro rin kasi ako,” nagkatinginan sila at agad na nagkatawanan.
“Dito na lang tayo sa bahay maglaro, nandito ka na rin lang,” paanyaya niya sa kaibigan. Pumayag naman ito.
Ilang sandali pa ay tanging tunog na lamang ng nilalaro nila ang maririnig. Ang dalawa ay pokus na pokus na naglalaro, na tila ba nakasalalay ang kanilang mga buhay sa pagkapanalo sa laro.
Natigil lamang sila nang makaramdam ng gutom. Napasulyap siya sa orasang pambisig. Alas tres na ng hapon.
“Bro, apat na oras din tayo naglaro, halos ‘di ko namalayan.” Nagkatawanan silang magkaibigan.
“Tara, punta tayo sa bahay, dun tayo kumain. Sama mo si Mikael,” yaya ni JP.
Nanlaki ang mata ni Julian. Si Mikael! Pinapasundo pala ito ng kanyang ina!
Napamura siya. “JP, nakalimutan kong sunduin sa learning center si Mikael! Kaninang alas dose pa dapat ‘yun!” Natatarantang sabi niya sa kaibigan.
Nanlaki din ang mata nito sa narinig. “Ano? Tara puntahan na natin, kanina pa naghihintay ‘yun!”
“Ano ka ba naman bro, paano mo nakalimutan ang kapatid mo?” Paninisi pa ng kanyang kaibigan habang papunta sila upang sunduin ang kapatid.
Napapalatak siya. Kawawa naman ang kapatid niya. Baka umiiyak na ito doon. At malamang gutom na gutom na ito. Lagot ako kay mama, himutok niya.
Pagbaba ng sasakyan ay dali dali niyang tinakbo ang ikalawang palapag ng learning center upang puntahan ang kapatid.
Subalit wala ito doon.
Nagsimula na siyang makaramdam nang hindi maipaliwanag na kaba nang sabihin ng security guard na hindi daw nito napansin ang paglabas ng kaniyang kapatid.
“Si Ms. Miralles po ba, nasa loob pa?” Tukoy niya sa Math tutor ng kanyang kapatid. Umaasa na alam nito kung nasaan na ang kanyang kapatid.
“Naku, Sir, sabi ho ng kasamahan ko na nandito kanina, kanina pa hong mga ala una umalis si Ms. Miralles, birthday kasi ng kapatid niya,” magalang na sagot ng guard.
Mas lalong kinabahan si Julian. Hindi kasi nagpapalabas ng bata sa building maliban na lamang kung may sundo na kasama. Maraming posibilidad na pumapasok sa kanyang isip. Paano kung nakalingat ang guard at nakalabas si Mikael mag-isa? Paano kung sumama si Mikael sa hindi nito kakilala?
“Bro, sabihin mo na kaya muna kay tita na nawawala si Mikael?” suhestiyon ni JP.
Napailing siya. Gusto niyang sabihin sa ina na nawawala ang kapatid dahil sa kapabayaan niya subalit natatakot siya na mag-panic ito. Hahanapin niya muna ang kapatid.
Subalit umabot na ang alas sais ng gabi ay hindi pa rin niya nahahanap ang kapatid. Bagsak ang balikat na umuwi siya sa bahay.
Papasok pa lamang ng bahay ay tumutulo na ang kaniyang luha dahil sa pag-aalala sa kaniyang kapatid. Hinahanda niya na din ang kaniyang sarili sa galit ng kaniyang ama at ina. Baka mapalayas pa ako dahil sa nangyari, takot na naisaisip niya.
“Kuya!” Isang matinis na boses ang kanyang narinig.
Nang lingunin niya ang pinanggalingan ng boses ay ganun na lamang ang kanyang gulat at tuwa nang makita ang kanyang kapatid. Kinusot niya pa ng dalawang beses ang kanyang mga mata upang siguruhin na hindi siya namamalik mata.
“Mikael!” Pasimple niyang pinunasan ang luha at niyakap niya ang kaniyang kapatid. Mahigpit. “Saan ka nanggaling?” Tanong niya dito.
Ngumuso ito. “Ang tagal mo kasi kanina, kuya. Sinama tuloy ako ni Ms. Miralles sa birthday ng kapatid niya.” Humagikhik ito. “Ang saya kuya! Madaming palaro, saka may clown din na magaling mag-magic. Madaming akong naging kaibigan!” Pagmamayabang pa nito. Bakas sa mukha ang pagkaaliw.
“Talaga?” Kinurot niya ang pisngi ng kapatid. Na-miss niya ito. Akala niya talaga ay hindi niya na ito makikita.
“Nag-text sa akin si Ms. Miralles na ala una na, wala pang sundo si Mikael. Kaya sinama niya ang kapatid mo,” nanunumbat na sabat ng kanyang ina.
Namuo ang luha sa mata ni Julian. “Sorry ‘ma, nawala talaga sa isip ko.”
“Kasi kaka-video games mo?”
Napayuko siya bago tumango.
“Tama pala na hindi ko sinabi sa’yo. Sabi na nga ba’t malilimutan mo,” maya-maya ay sabi ng kaniyang ina.
Nanlaki ang kaniyang mata.
“’Ma naman, alalang-alala kaya ako kay Mikael! Akala ko nadukot na siya ng kung sino!” angal niya sa ina nang mapagtanto niya na sinadya nitong isipin niya na nawawala ang kapatid.
“Kasalanan mo. Paulit-ulit pa akong nagbilin pero nalimutan mo pa rin kaka-video games mo. Pero at least ‘di ba natuto ka?” May misteryosang ngiti sa labi ng kanyang ina. Tila tuwang-tuwa ito sa kanyang sitwasyon.
Tama ito. Halos isumpa niya na ang video games ngayon. Muntik pa nitong kunin ang nag-iisa niyang kapatid. Naalala pa niya ang kanyang Tita Tere. Tama talaga ang laging sinasabi nito. “Anumang sobra ay hindi nakabubuti.”