“Ate, bakit ka umiiyak? Ano nangyari sa’yo?” tanong ni Layza sa kaniyang ate nang minsan niya itong madatnang umiiyak, isang araw pagkagaling niya sa paaralan. Agad siyang kumuha ng tubig upang mahimasmasan ang kaniyang kapatid.
“Wala lang, namimiss ko lang si mama. Lalo na ngayong may lagnat ako. Hindi ba’t tuwing may sakit tayo e sobra siya mag-alaga, kita mo ngayon, kapag nasa school ka, ako lang mag-isang nag-aasikaso sa sarili ko. Sobra kong namimiss yung pag-aalaga niya,” hikbing sagot ni Reyna saka siya umupo upang inumin ang binigay na tubig ng kapatid.
“Ako nga rin, ate, eh. Pumapasok na ako ngayong walang laman ang tiyan, hindi katulad dati na may nagagalit kapag hindi ako nakakakain. Pero hindi ba, kailangan nating maging mas malakas lalo pa wala na ang mama? Hindi ‘yon mapapanatag sa langit kung palagi tayong malungkot,” sambit ng kaniyang kapatid saka siya nito hinimas-himas sa likod upang bahagyang mahimasmasan.
“Pinipilit ko naman, eh. Lalo na’t ako ang nakakatanda sa’yo, pero hindi ko pa rin maalis ang lungkot sa puso ko, eh,” tugon niya sa kapatid saka siya tuluyang umiyak dahil upang maawa ang kaniyang kapatid sa kaniya at naiyak na rin. Yakap-yakap nila ang isa’t-isa habang inaalala ang matatamis na sandali kasama ang kanilang ina.
Tatlong buwan pa lamang ang nakalipas simula noong pumanaw ang kanilang ina dahil sa sakit na diabetes. Kinain ng sakit na ito ang mga kalamnan ng kaniyang ina hanggang hindi na ito makahinga. Noong mga araw na ‘yon, ang dalawang dalaga ang pinakamalungkot sa buong pamilya. Halos mawalan na sila ng pag-asa sa buhay at nais nang sumama sa mga labi ng ina.
Malapit kasi ang kanilang loob dito at ito ang tangi nilang sandigan sa tuwing madadapa o magkakaproblema sa buhay simula pa noong bata sila hanggang ngayong may trabaho at nasa kolehiyo na sila.
Isang buwan ang nakalipas, bahagya silang nakabangon sa mapait na pangyayari ngunit tila bumalik ang kanilang paghihinagpis nitong mga nakaraang araw dahil sa mga bagay at pangyayaring nakakapagbigay alaala sa kanilang ina.
Labis na lamang ang lungkot na nararamdaman ng panganay na si Reyna lalo pa ngayong halos mag-iisang buwan na siyang may sakit at inaalagaan mag-isa ang sarili. Palagi kasing wala ang kanilang kapatid dahil kinakailangan nitong pumasok sa paaralan. Dito niya mas naalala ang mga sandali noong bata siya na haplos ng kaniyang ina ang nararamdaman niya sa kaniyang katawan na talaga nga namang nakakapagpagaan ng kaniyang pakiramdam.
Noong araw ring ‘yon, matapos siyang mahimasmasan sa pag-iyak. Agad na siyang pinagpahinga ng kaniyang kapatid. Walang gana niyang ibinagsak ang katawan sa kaniyang kama saka siya marahang pumikit. Ngunit maya-maya, bigla na lamang siyang nakaramdam ng isang pamilyar na haplos. Agad niyang idinilat ang mga mata’t halos mapalundag nang makita ang kaniyang inang nagbabanlaw ng bimpong ipupunas sa kaniya upang bumaba ang kaniyang lagnat.
“Ma-mama?” mangiyakngiyak niyang sambit dito, ngumiti lang ito sa kaniya saka siya pinunasan ng bimpo sa noo’t mga braso. Pinagmasdan niya itong maigi habang patuloy na dumadaloy ang kaniyang luha.
“Bakit ka ba naiyak, anak? Wala ka namang dapat ikaiyak dahil nandito naman ako palagi sa tabi mo. Hindi mo man ako palagi nang nasisilayan, nandyan pa rin ako sa puso mo naninirahan,” sambit nito habang labis na nakangiti sa kaniya, dahilan upang mas lalo siyang umiyak, “O, sige na, magpahinga ka na ulit. Gusto ko lang maramdaman mong mahal kita, anak, kahit wala na ako sa mundong ito. Hindi mo kailangan habang buhay magluksa para sa akin. Karapatan mo ring sumaya,” dagdag pa nito saka aiya marahang inihiga’t pinapikit.
“Ate, gising, naiyak ka na naman ng tulog!” sigaw ni Layza habang tinatapik-tapik siya dahilan upang magising siya nang tuluyan. Mas lalo siyang naiyak paggising niya at napagtantong panaginip lamang iyon. Ikinuwento niya ito sa kaniyang kapatid at tila napangiti ito sa sayang nararamdaman.
“Ate, patunay lang ‘yan kung gaano mo kamahal si mama at kung gaano ka niya kamahal. Katulad ng sabi niya, hindi natin kailangan habang buhay magluksa. Magpagaling ka na, lalabas tayo!” ‘ika pa nito dahilan upang ganoon siya mapaisip.
Ilang araw lang ang nakalipas, tuluyan na siyang gumaling at katulad ng sinabi ng kaniyang kapatid, dinala siya nito sa isang restawran na palagi nilang kinakain noon.
“Nasa isip ko pa rin ang bawat sandaling kasama ko si mama, pero katulad ng sabi niya, ititigil ko na ang pagluluksa’t tutulungan ang sariling sumaya kahit wala na siya,” sambit niya sa kapatid dahilan upang ganoon na lamang ito sumaya dahil sa wakas, unti-unti nang natatanggap ng kaniyang ate ang pagkawala ng kanilang ina.
Hindi habang buhay kapiling natin ang ating mga magulang. Mawala man sila, nararapat na ituloy pa rin ang buhay. Hindi kinakailangang habang buhay magluksa dahil buhay mo naman ang iyong nasisira.