Pupungas-pungas na bumangon ang gurong si Ernie mula sa pagkakahimbing, sa pagrepeke ng kaniyang alarm clock na gumigising sa kaniya tuwing madaling araw. Muli siyang nahiga. Tamad na tamad pa siya. Kanina, ala-una ng madaling-araw na siya natulog dahil sa paggawa ng lesson plan at visual aid.
Isa siyang guro sa Senior High School, at labing-isang taon nang nagtuturo. Wala siyang asawa o kasintahan dahil mahal na mahal niya ang kaniyang propesyon. Bukod sa pagtuturo, siya rin ang binibigyan ng iba’t ibang task sa paaralan kaya wala na siyang oras upang humanap pa ng bagong kakilala.
Subalit minsan, nakararamdam na rin ng pagkapagod si Ernie. Dahil sa husay niya sa trabaho, lahat na lang, iniaasa sa kaniya. “Ernie, ikaw ang chairperson para sa Foundation Week Celebration ng school” sasabihin ng punungguro. “Ernie, ikaw na ang hahawak ng boy scouts”, “Ernie, ikaw na ang sasama sa mga lalaban sa regionals”, “Ernie, pakigawan nga ng script ang mga emcees ng program”, “Ernie, ikaw na nga ang mag-train sa mga representatives natin sa Balagtasan”, at kung ano-ano pa. Hindi kasi siya marunong humindi, kaya minsan ay naaabuso na siya.
Gustong bumalik ni Ernie sa higaan subalit alas-singko akinse na. Kailangan na niyang gumayak. Alas siyete ang kaniyang time-in. Bagama’t malapit lamang sa kaniyang tinutuluyan ang paaralang pinapasukan, minsan ay nagkakatraffic pa dahil sa hindi pa natatapos na konstruksyon ng MRT-7.
Matapos makagayak at mapakain ang mga alagang aso na tanging nagbibigay-kasiyahan sa kaniya sa tuwing umuuwi ng bahay, lumakad na si Ernie. May sampung minuto rin ang inilakad niya mula bahay hanggang sa gate ng kanilang subdivision. Mula roon ay daraan na ang sasakyang dyip, na dadaan naman sa mismong tapat ng pribadong paaralan kung saan nagtuturo si Ernie.
Sa wakas ay dumating na rin ang dyip. Dahil wala pang nakaupo sa harapang katabi ng tsuper, dito piniling sumakay ni Ernie. Iniabot niya ang kaniyang bayad sa tsuper, at ipinasak na sa kaniyang magkabilang tenga ang earphones. Hindi kasi siya sanay bumiyahe nang walang pinakikinggan musika. Bagot na bagot si Ernie. Gusto na niyang bumalik sa bahay, mahiga, matulog, manood sa Netflix, o makipaglaro sa kaniyang mga aso.
Narinig niyang tila kinakausap siya ng tsuper kaya inalis muna niya ang earphones.
“Sir… teacher ho kayo sa MPS?” nakangiting tanong ng tsuper kay Ernie. Napansin ni Ernie na mukhang mabait ang tsuper. Napakadalisay ng mga ngiti nitong nagpapalitaw sa mapuputi at buo pa nitong ngipin, bagama’t may pagka-kayumangging kaligatan ang kulay nito, na marahil ay dahil sa maghapong pamamasada at miminsang pagkabilad sa araw.
“Opo…” maiksing tugon ni Ernie at gumanti ng ngiti sa tsuper, na tantiya niya ay nasa 55 hanggang 59 na taong gulang.
“Naku ang bunso ko… kumukuha rin ng pagka-maestro. Doon sa PNU… third year college na. May titulado na naman akong anak,” pagmamalaking kuwento ng tsuper habang nakahinto at hinahayaang umibis papasok sa kaniyang dyip ang mga pasahero.
“Wow, congrats po manong. Tama po iyan,” nasabi na lamang ni Ernie.
“Alam mo sir, may tatlo akong anak. Yung isang anak ko, nakatapos na sa IT. Yung pangalawa ko rin tapos na, IT rin. Ang bunso ko, patapos lang. Proud ako sa kanila sir, kasi kahit ganito lang ang trabaho ko, napagtapos ko na sila. May diploma na ba,” pagpapatuloy ng kuwento ng tsuper habang inaabot ang mga ibinabayad na pamasahe ng mga pasahero.
Sinulyapan ni Ernie ang mukha ng tsuper. May kakaibang kislap ang mga mata nito habang nagsasalaysay. Kislap ng tagumpay na tila hindi makukuha ninuman. Nawala ang pagkabagot ni Ernie at inurirat ang tsuper.
“Ang galing ninyo naman po. Sa panahon po kasi ngayon, kinakalimutan na ng kabataan ang pagtatamo ng edukasyon. Minsan kasi iniisip nila, makapagtrabaho lang sila at lagyan ng kaunting diskarte, mabubuhay na sila. O kaya naman, mag-aasawa na lamang daw. May mga magulang naman na ginagawang excuse ang kahirapan. Pinagtatrabaho na lang ang mga anak kasi hindi na kayang igapang at tustusan ang pag-aaral,” sabi ni Ernie.
“Naku sir, ibahin po ninyo ako. Ginapang ko talaga ang mga batang iyan. Sabi ko nga, kahit gawin kong araw at gabi, mapagtapos lang sila. Iba kako ang may pinag-aralan at diploma. Kahit saan ka dalhin, kahit saan ka magpunta, may tatanggap sa iyo kasi titulado ka. Tama po ba ako sir?” tanong ng tsuper kay Ernie. Tumango naman si Ernie at nag-two thumbs up pa.
Lihim na humanga si Ernie sa tsuper sapagkat kitang-kita sa mga sinasabi nito ang malawak nitong pang-unawa sa mga bagay-bagay, at ang positibo nitong pagtingin sa edukasyon.
“Wala kasi akong tinapos sir dahil sa hirap ng buhay noon. Nahirapan akong makahanap ng trabaho dahil wala naman akong maipakitang diploma. Sabi ko sa sarili ko, kapag nagkaanak ako, hindi ko ipaparanas sa kaniya ang naranasan ko. Kaya ginapang ko talaga sir, sa pamamagitan ng pamamasada. Sabi ko naman sa kanila, ayos lang magbarkada o magkaroon ng syota pero huwag papabayaan ang aral. Awa ng Diyos nagsisunod naman,” natatawang pagsasalaysay ng tsuper.
Nahinto ang kuwentuhan ng dalawa nang dumaan na ang dyip sa tapat ng paaralang pinapasukan ni Ernie. Sumaludo pa ang tsuper sa kaniya pagkababa niya. Nakangiti namang gumanti ng saludo si Ernie sa tsuper, na isang dakila at ulirang ama. Nanghihinayang siyang hindi niya nakuha ang pangalan ng tsuper.
Habang naglalakad sa pasilyo ng paaralan patungo sa faculty room, napapangiti si Ernie. Parang nawala ang pagkapagod na nararamdaman niya sa kaniyang pagtuturo. Napawi ito nang masilayan niya ang nakangiting mukha ng tsuper, na hindi kailanman napagod na maghanapbuhay para sa kaniyang mga anak, at kung paano nito masaya at positibong tinatanaw ang buhay. Naisip niya, wala siyang karapatang mapagod dahil ang pagiging guro ay pinili niyang pasukin at paninindigan niya ito hanggang sa huli.
Masigla niyang binati ang kaniyang mga kapwa-guro sa faculty room, binati at sinaluduhan ang punungguro, kinuha ang kaniyang laptop at flashdrive na naglalaman ng visual aid para sa kaniyang aralin, at buong siglang lumakad patungo sa kaniyang unang klase. Mananatili siyang masaya, masigla, at matatag para sa mga taong umaasa sa kaniya—ang kaniyang giliw na mga mag-aaral.