Inday TrendingInday Trending
Masarap Palang Makatulong

Masarap Palang Makatulong

Inis na nag-aabang si Kyle noon sa pila. Babayaran na niya ang kaniyang mga ipinamili sa cashier ng naturang grocery store na iyon nang mabuwisit siya sa haba ng pila!

“Ano baʼng meron at napakahaba yata ng pila ngayon?” Sa sobrang pagkaasar ay iniwan niya ang naunang counter na kaniyang pinilahan at naghanap ng counter na may mas maiksing pila. “No choice na. Dito na lang ako pipila,” sabi niya habang tinititigan ang mabagal na pagkilos ng matandang nasa kaniyang unahan. Nakapila rin ito sa counter na iyon, habang hawak ang ipinamili nitong gatas at mga instant noodles.

Nasa ganoong akto si Kyle nang magsimulang tumunog nang tumunog ang kaniyang cellphone. Tumatawag ang kaniyang boss!

“Hello, sir?”

Nakipag-usap si Kyle sa kaniyang boss habang patuloy na umuusad ang pila. Hindi niya namalayang ang matanda na pala ang nagbabayad ng kaniyang mga pinamili.

“Lola, kulang po itong pera ninyo, e,” narinig niyang sabi ng cashier sa matanda.

“Ganoon ba, anak? Sige, huwag mo nang isama iyong gatas. Hindi ko na lang ʼyon bibilhin,” sagot naman ng matanda.

Nagpatuloy sa pagbabayad ang matanda, hanggang sa maisupot na lahat ng kaniyang mga ipinamili. Itinabi saglit ng cashier ang gatas na hindi nagawang bilhin ng matanda. Nang mga panahong iyon ay busy pa rin sa pakikipag-usap sa kaniyang boss si Kyle. Dahil doon, hindi niya namalayang nagawa niyang bayaran ang gatas na iginilid ng cashier, pagkatapos ay lumabas si Kyle sa naturang grocery store. Nakasakay niya rin pauwi ang matandang nakita niya rin kanina sa grocery store at nakita niya pang bumaba ito sa isang maliit na barung-barong.

Hindi maawain si Kyle sa ibang tao, dahil bata pa lang ay sa sarili na lamang siya dumidepende, mula nang makatakas siya sa ampunang kaniyang kinalakihan. Wala siyang pakialam sa ibang tao o sa nararamdaman ng mga ito, ngunit ganoon na lang ang kaniyang pagtataka nang makaramdam siya ng awa sa naturang matanda, lalo na nang makita niyang sinalubong ito ng ilang batang paslit na napakapapayat ngunit nakangiti ang mga labi, habang siya ay nakasakay sa jeep. Pilit na iwinaglit ni Kyle sa kaniyang isipan ang kagustuhang bumaba saglit upang mag-abot ng kahit kaunting tulong sa naturang matanda, dahil para sa kaniya ay wala naman siyang obiligasyong gawin iyon.

Nakauwi na siya ng bahay at nag-aayos na ng mga ipinamili nang makita niya ang lata ng gatas na gusto sanang bilhin ng matanda. Doon siya napaisip. Parang nabigyan niya ng dahilan ang kaniyang sarili upang balikan ang matanda at tuparin ang kagustuhan niyang tulungan ito, kahit pa panay ang kontra ng kaniyang pag-iisip. Dahil doon, dala ang gatas na ʼdi niya sinasadyang mabili ay muli siyang bumalik sa tahanan ng naturang matanda.

“Tao po!” tawag ni Kyle mula sa labas ng naturang barung-barong. Lumabas naman kaagad ang kaniyang sadya.

“Ano iyon, anak?” bungad nito.

“Nay, ako ho iyong lalaking nasa likuran ninyo sa pilahan kanina sa grocery store. Nabili ko po kasi iyong isang lata ng gatas na gusto ninyong bilhin kanina nang hindi sinasadya, kaya naman naisipan kong ibigay na lang po ito sa inyo. Nakita ko rin ho kasing dito kayo bumaba mula sa jeep,” sabi ni Kyle sa nagugulat namang ale, ngunit natutuwa.

“Naku, hijo! Napakabuti mo! Itong gatas kasing ito ang hiling ng apo ko sana. Kaya lang, kinulang ang pera ko. Hindi pa kasi ako nakakasingil sa mga pautang kong tinapa,” sagot ng matandang tindera pala ng tinapa.

“Wala ho iyon, ʼNay. Saka nga po pala… para sa inyo rin ho ito…”

Inabot din ni Kyle ang ilang box ng grocery na siya niyang ipinamili bago siya tuluyang magtungo sa bahay ng mga matanda.

“T-talaga, hijo, sa amin na ba ito?” manghang tanong ng matanda sa binata.

“Opo,” ang nakangiti namang sagot ni Kyle. Pakiramdam niya, may kung anong malambot at malamig na kamay ang humaplos sa kaniyang puso nang makita ang matamis na ngiti ng matandang kaniyang natulungan, kahit sa maliit na paraan lang. Sa tagal ng panahon na pinilit niyang mamuhay mag-isa, ngayon lamang niya muling naramdaman na, “Oo nga, masarap nga palang tumulong.”

Matapos ang mga pangyayaring iyon, hindi na napigilan pa ni Kyle ang sarili na talagang ihayag pa sa maraming tao ang pagiging matulungin niya. Napansin din ng karamihan sa mga nakakikilala sa kaniya ang magandang pagbabago ni Kyle na kung dati ay palaging bugnutin, ngayon ay hindi na nawawalan ng ngiti sa kaniyang mga labi.

Advertisement