Batang Walang Muwang
Napakunot ang noo ng gurong si Ginang Bautista nang marinig ang hagikhikan ng ilang estudyanteng nakaupo sa bandang likuran ng kanilang classroom sa kalagitnaan ng kaniyang pagkaklase.
“Justine, Daryll, Harry! Ano ang ihinahagikhik nʼyo riyan sa likuran?” may lakas ang tinig na saway ng guro sa mga bata.
“Ah, eh—” Napakamot sa ulo si Harry.
“M-maʼam, si Justine po kasi may ikinukuwento…” pagtutuloy naman ni Daryll sa sinasabi ni Harry, habang natatawa-tawa pa rin.
“At ano naman ang ikinukuwento mo, Justine? Hindi ba pupuwedeng mamaya nang recess ʼyan? Hindi kayo nakikinig sa discussion!” wika pa ni Ginang Bautista.
“Maʼam sabi raw po kasi ni Justine, nakita niya raw pong nagki-kiss ang mommy at daddy niya! Gusto niya rin daw pong i-kiss si Shine,” ang walang kagatol-gatol pang sagot ni Daryll sabay turo sa isa pa nilang kaeskuwelang babae.
Nanlaki ang mga mata ni Ginang Bautista sa narinig lalo na nang masundan iyon ng malakas na hagalpakan ng kaniyang mga estudyante sa ikalimang baitang sa elementarya.
“Quiet, children!” may galit na sa tinig na saway muli ni Ginang Bautista sa mga bata.
“Justine, come to the faculty room, now!”
Agad namang tumalima ang bata sa utos ni Ginang Bautista at nagpunta ito sa faculty room ng kanilang guro. Ngunit ang ipinagtataka pa ni Ginang Bautista ay kung bakit tila hindi kababakasan ng takot o kaba man lang ang bata gayong inimbitahan niya ito sa kaniyang faculty room na madalas niya lang gawin sa tuwing may mga estudyanteng pasaway siyang dapat disiplinahin.
“Justine, bakit ka nagkukuwento ng ganoon sa mga kaklase mo tungkol sa mga magulang mo? Gusto mo bang tawagan ko sila para malaman nila ito?” tangkang pananakot ng guro sa batang si Justine.
“Maʼam, okay lang po kahit tawagan nʼyo sila. Totoo naman po iyon, e. Lagi pa nga po nilang ginagawa iyon kahit saang sulok ng bahay namin. Ginagawa naman po nila ʼyon kasi sabi po sa akin ni mama, love daw po nila ang isaʼt isa,” sagot naman ng inosenteng batang tila ba normal na bagay lang ang isiniwalat nito sa kaniyang mga kaklase.
“Susmariyosep!” Nasapo ni Ginang Bautista ang kaniyang sariling noo. Nang araw ding iyon ay nagpasiyang puntahan ng guro sa mismong bahay ng mga ito ang mga magulang ni Justine.
Naglalambing si Elina sa asawang si Marvin, at masuyong pinapaliguan ng halik ang asawa. Kinikilig pang humagikhik siya dahil sa pagiging pilyo naman ni Marvin.
“Honey, ang ganda-ganda mo talaga,” may himig ng paglalambing na sabi ni Marvin sa asawa.
“Talaga, Honey? Binobola mo lang yata ako, e!” may harot namang sagot ni Elina sa asawa. Humarap pa ito sa kaniyang mister.
Maglilimang taon nang nagsasama ang dalawa, ngunit ganoon pa rin kainit ang pagmamahalan nila. Totoo namang mahal na mahal nila ang isaʼt isa kaya nga pareho nilang piniling magbagong buhay simula nang silaʼy magkakilala.
Nasa ganoon silang akto nang maabutan sila ni Ginang Bautista at ng anak na si Justine.
“Susmariyosep!” Napayuko ang guro at napaiwas ng tingin sa mag-asawa. “P-pasensiya na, Mr. and Mrs. Garcia. Hinila kasi ako ni Justine kaya napadiretso ako nang pasok,” natatarantang paliwanag pa ni Ginang Bautista.
“Naku, okay lang po, Mrs. Bautista. Napadalaw ho kayo?” nakangiting bati ni Elina sa guro ng kaniyang anak. “Maupo ho kayo, maʼam,” alok pa nito, habang umaalis sa kandungan ng asawa. Hindi man lang kababakasan ng pagkahiya ang mga ito.
“May gusto po kasi akong sabihin sa inyo ni Mr. Garcia, tungkol sa anak ninyong si Justine…”
“Bakit po, Maʼam, magulo po ba siya sa klase? Naku! Pasaway talaga ang batang ʼyan!” Napahawak pa si Elina sa noo na para bang problemadong-problemado sa anak.
“Maʼam, hindi lang po basta ganoon ang problema—”
At doon na isiniwalat ng guro ang kalagayan ng pag-iisip ng kanilang anak.
“Sa nakikita ko ho ay mahal na mahal nga ninyo ang isaʼt isa. Wala naman hong masama riyan. May mga bagay lang ho talagang hindi pa ho angkop sa murang kaisipan ng mga batang katulad ni Justine. Misis, mister, with all due respect, kayo po ang mga magulang kaya katiting lang ang karapatan kong makialam para sa welfare ng bata, pero pʼwede po bang pag-isipan ninyo nang mabuti ang sitwasyong ito?” Makahulugan ang bawat salitang iyon ng guro na saka lamang nakapagpayuko sa mag-asawang Elina at Marvin.
Umuwi ang gurong si Ginang Bautista nang napapailing, lalo na nang malamang dating nagbebenta ng laman ang mag-asawa at sa ganoon pa nga nagkakilala ang mga ito.
Napag-alaman din ng guro na si Justine ay isang unwanted child. Hindi inaasahan amg pagdating ng bata at hindi kasama sa plano ng mag-asawa ang pagkakaroon agad ng anak. Napilitan lamang ang mga ito, dahil nabuntis agad ni Marvin si Elina habang nag-aaral pa sila ng kolehiyo dahil sa kanilang kapusukan kayaʼt hindi na nakatapos paʼt humantong na lamang sa ganoong trabaho.
Ganoon pa man, Ipinaintindi niya na mga magulang na sila ngayon at hindi na lang ang mga sarili ang dapat intindihin. Aniya, mahirap baguhin ang nakasanayan na, ngunit kailangan, para sa batang wala pang kamuwang-muwang sa mundo.