“Happy anniversary!” nakangiting bati ni Jerome sa kasintahang si Mabelle. “Hulaan mo kung anong regalo ko sa’yo?” Nakangiting lumapit naman ang dalaga sa lamesa kung saan nakaupo si Jerome at nakapatong ang kanyang regalo.
“Oh my God! Tama ba yung iniisip ko?” kumikislap na mga matang tanong ng babae.
“Mahilig ka sa mga bags, ‘di ba? Surprise baby!” buong siglang iniabot ng lalaki ang paper bag sa kasintahan.
Ang ngiti’y biglang napawi nang makita ni Mabelle ang regalong handog sa kanya ng nobyo. “Yuck! Eto na yung regalo mo? Ito na ‘yun?”
“O-oo. Akala ko kasi magugustuhan mo eh…”
“My God naman, Jerome! Ang hinihingi ko sa’yo yung bagong labas na Gucci ‘di ba? Eh mukhang naka-display lang ‘to sa Divisoria nung nabili mo. Mabuti pa yung mga class A sa Greenhills, kaysa naman dito sa ka-cheap-an mong regalo!” iritableng sagot ng babae.
“S-sorry, baby. Huwag kang mag-alala, pag lumago ang negosyo ko, pangako higit pa riyan ang maibibigay ko sa’yo,” mahinang sabi ng lalaki.
“Ay sana lang talaga!” sagot ng babae at saka umirap.
“Halika ka na muna! Nakapag-book na ako ng sasakyan. Magdinner muna tayo sa kahit saan na fast food na pwede,” pag-aaya na ng binata.
“Wait? Tama ba ang narinig ko? Isasakay mo ako sa grab car at saka ikakain mo ako sa isang fast food lang?! Ganito kabongga ang suot ko tapos sa mumurahing kainan mo ako ikakain?
Ano ba naman, Jerome?! Sira pa rin ba yung kakarag-karag mong kotse? At saka gusto ko sa isang mamahaling Japanese restaurant tayo kumain. Parang hindi mo man lang naiplano ng maayos itong araw na ito,” galit na galit na pahayag ni Mabelle.
“I-I’m really sorry, baby. Babawi ako pag naging stable na yung sinisimulan kong negosyo,” nahihiyang saad ng binata.
“Kung gusto mong kumain, kumain ka mag-isa mo! Wala na akong gana!”
Akmang aalis na sana ang dalaga nang bigla siyang pigilan ng lalaki. “Saglit lang, baby…” lumuhod ang lalaki habang hawak ang kamay ng nobya, “alam kong wala pa akong gaanong maipagmamalaki ngayon, pero nais ko sana ikaw na ang makasama sa hirap at ginhawa, Mabelle, will you marry me?” sabay labas ng isang simpleng singsing.
Natawa naman ng malakas ang babae kasunod ang pagtaas ng isang kilay. “Hindi ka ba marunong mahiya talaga, Jerome? Mukhang nabili lang sa palengke itong singsing na ito, tapos gagawin mong engagement ring ko? Yuck! Wala man lang malaking diamond?!”
“Pag naman lumago na yung business ko, higit pa riyan ang kaya kong ibigay sa’yo…”
“Pwede ba tigilan mo na ako dyan sa business na yan! Walang mangyayari d’yan katulad ng buhay mong patapon! Ayoko na, maghiwalay na tayo!” galit na hinila ng babae ang kaniyang kamay at itinapon sa mukha ni Jerome ang singsing.
Umalis din noong araw na iyon si Mabelle at hindi na muling kinausap pa si Jerome. Nasanay ang babae sa maluhong pamumuhay kahit na hindi naman ganoon kayaman ang kanilang pamilya. Lahat ng mayroon siya ay galing sa dugo’t pawis ng kaniyang nobyo, subalit nang hindi na nito magawang ibigay ang kaniyang luho, parang maamong tupang naging tigre ang pag-uugali ni Mabelle.
Ilang beses siyang sinubukang suyuin ng binata, subalit matigas si Mabelle at ayaw nang balikan pa ang lalaki.
Isang araw habang nasa isang mall ay asksidenteng nagkrus ang kanilang mga landas.
“Mabelle?” sabik na pagtawag ni Jerome.
Lumingon at dalaga at saka tinignan mula ulo hanggang paa ang lalaki. “Oh hey! How are you?” tugon na pagbati naman ng babae. Inayos nito ang dala-dalang bag upang mas makita ng lalaki ang hitsura nito.
“Nakabili ka na pala ng gustong-gusto mong Gucci na bag. Masaya ako para sa’yo,” maluha-luhang sabi ni Jerome.
“Oo naman. Afford ng bago kong boyfriend lahat ng bagay na gusto ko. Look, binilhan din niya ako ng bracelet na may mamahaling charm galing sa trip namin sa Paris,” pagmamayabang ng babae. “Ay nandyan na pala siya!” sabay kaway sa lalaking papalapit sa kanila.
“May boyfriend ka na?” mahinang sambit ng lalaki. Bakas sa boses nito ang pagpipigil ng luha.
“Oo. By the way, Greg, this is my ex, Jerome. Yung kinukwento ko na sobrang cheap ng treatment sa’kin before? Siya yun!” pang-iinsultong bulyaw ng babae. “O siya na, aalis na kami ha? Kakain pa kasi kami dun sa mamahaling restaurant na pina-reserve ng boyfriend ko eh,” pagpapaalam ni Mabelle.
Halos lamunin ng lupa si Jerome sa sobrang kahihiyang nadarama. Nakatayo lamang siya doon habang umaagos ang luha sa mga mata.
Imbes na magmukmok at magpakalunod sa lungkot, minabuti ni Jerome na ibuhos ang atensyon at oras sa binubuong negosyo. Kailangan niyang patunayan na hindi siya talunan gaya ng pinamumukha sa kanya ng dati niyang nobya.
Sa isang banda naman, tila hindi naging pabor ang tadhana kay Mabelle. Napag-alamang may asawa pala si Greg at naging isang hamak na kabit lamang pala siya ng lalaki. Walang alam si Mabelle sa nangyayari hanggang sa isang araw ay umuwi na lamang siyang kalbo ang kalahati ng buhok sa ulo, dahil sa sabunot at bu*gbog na natamo mula sa tunay na asawa ni Greg.
Pagkalipas ng halos dalawang taon, muling nagtagpo ang landas ni Jerome at Mabelle sa parking lot ng isang sikat na coffee shop na pag mamay-ari pala ng binata.
“Jerome, is that you? Oh my goodness! Ibang-iba na ang dating mo ngayon ah?” gulat at tila ba namamanghang bati ng babe.
“Hey, ikaw pala ‘yan Mabelle!” napatingin ang lalaki sa bag na hawak ng dalaga.
“Akala ko ba ay hindi ka nagsusuot ng hindi branded na bags?” pag-uusisa pa nito.
“Ah, ano kasi…” di makasagot ang babae at saka dahan-dahang itinago sa kaniyang likuran ang bag. “Saan pala ang punta mo?” pagbago naman ng paksa ng babae.
“Dadalhin ko sa church ‘tong sasakyan ko. Ipapa-bless ko lang sana,” sabay turo sa bagong modelo ng pulang sports car sa kaniyang likuran.
Namangha naman at tila ba kuminang ang mga mata ng babae, “Look, Jerome… simula nang nagkahiwalay tayo, hindi ka na muling natanggal sa isip ko. Sobrang pagsisisi ko na iniwan kita noon. Pero baka naman pwede pa natin ayusin ang lahat? Baka may chance pa ulit tayo?” may halong pang-aakit na sabi ng babae.
Natawa lamang ang lalaki sa narinig. “Sana noon mo pa naisip ‘yan, Mabelle, but too late…”
“Babe?” mahinhing tawag ng boses mula sa isang babae sa likuran. Nagtungo ito kay Jerome at saka yumakap.
“Si Joanna pala, fiancée ko,” humarap si Jerome sa kasintahan at saka humalik sa noo, “Ah babe, si Mabelle pala, ex-girlfriend ko.”
“Hi! Nice to meet you,” inilahad ni Joanna ang kamay dahilan para makita ni Mabelle ang makinang na singsing na mayroong malaking diyamante sa gitna.
Binuksan ni Jerome ang pintuan ng sasakyan upang makapasok na ang nobya. “Mauna na kami ha? Sana ay maging maayos ka,” pagpapaalam ng lalaki sa dating kasintahan.
“Ayaw mo na ba talaga sa akin? Higit na mas maganda naman ako kaysa sa kanya!” madiing pagkakasabi ni Mabelle, “ano ba ang mayroon siya na wala ako?”
“Oo, tunay ngang simple lamang si Joanna, pero napakaganda ng kanyang puso. At para sa akin, wala nang mas gaganda pa doon. Natatandaan mo pa ba noong mga panahong lahat ng luho ay gusto mo? Sa kay Joanna, lubos niyang ikinagagalit kapag may mamahaling bagay akong nais bilhin para sa kanya, bagkus mas nais niyang ipunin ko ang aking pera para sa negosyong sinimulan ko.
Sa mga selebrasyon namin ng importanteng araw, mas nais niyang magluto at ipaghanda ako kaysa kumain sa mamahaling restawran sa labas. Para sa kanya, may mas mahalagang pagkakagastusan pa ako kaya mas mabuting maimpok ko na lamang ang pera ko.
Sa mga panahong walang-wala ako, at lahat ay tinalikuran ako, pati na ikaw na inaasahan kong mananatili ay iniwan din ako, tanging siya lang ang nag-iisang nagtiwala sa akin. Siya ang naging sandalan ko, siya ang naging lakas ko, siya ang naging buto ko na nagtulak sa akin upang maging matagumpay sa buhay.
Kaya kung tatanungin mo ako kung anong mayroon siya, na wala ka, iyon ay puso… pusong marunong magmahal, pusong marunong umunawa at pusong puno ng kabutihan. Nawa ay mahanap mo din ang taong tatanggap at magmamahal sa’yo, Mabelle, dahil ngayon ay masayang-masaya na ako,” mahabang paliwanag ng lalaki.
Natameme naman si Mabelle at tila ba naistatwa sa kinatatayuan. Hindi niya namamalayang pumapatak na ang kanyang mga luha. Huli na para siya ay magsisi pa. “I’m sorry…” mga salitang huling binitawan na lang niya.
Laging nasa huli ang pagsisisi. Madalas ay masyado tayong nakatuon sa mga pagkakamali at pagkukulang ng iba, kaya’t nakakalimutan natin ang malaking potensyal nila sa hinaharap.