“Sino na naman nagpaiyak sa’yo?” tanong ni Mara sa kaibigang si Joseph. Umiiyak na naman kasi ang batang lalaki. Hindi ito sumagot at patuloy lang sa pag-iyak. Nainis naman si Mara dahil sa nakikita sa kaibigan.
“Alam ko na! Sila Dexter na naman ‘no? Naku yung mga damulag na ‘yun. Humanda sila sa sa’kin!” Nasisigurado niyang ang tropa ng mga mas malalaking bata sa kanilang lugar na naman ang nagpaiyak kay Joseph, kaya hindi na nagdalawang isip pa si Mara at agad na pinuntahan ang mga ito.
“Mara, huwag! Umuwi na na lang tayo,” Pagpipigil pa ni Joseph sa kaibigan.
Kung duwag at iyakin si Joseph, ay siya namang kabaliktaran ni Mara. Matapang at marunong lumaban si Mara. Hindi siya basta basta nagpapa-api, lalo na kung alam niyang siya ang nasa tama.
“Hoy Dexter!” malakas na tawag ni Mara sa batang mataba na si Dexter. Mas matanda din ito sa kanila ng dalawa o tatlong taon.
“Oh, bakit Mara? Nandito ka ba kasi gusto mo na akong pakasalan?” nakangiting sagot ni Dexter sa batang babae. Binigyan naman siya ni Mara ng isang matamis na ngiti at tsaka lumapit at binigyan ng isang malakas na suntok ang batang lalaki sa pisngi. Nagulat ang lahat pati na si Joseph. Walang nag-akalang gagawin yun ng isang maliit na batang babae.
“Kasal mo mukha mo! Hoy, ikaw damulag ka, tigilan mo na si Joseph. Layuan mo at ng tropa mo ding mga damulag kami ng kaibigan ko, okay? Kung hindi, lahat kayo makakatikim ng kamao ko, naiintindihan mo?!” malakas na sigaw ni Mara sa mga gulat paring mga bata, at saka hinila si Joseph papalayo sa kanila.
“Pa-paano mo nagawa ‘yun, Mara? Sobrang tapang mo naman!” namamanghang sabi ni Joseph sa kaibigan pagkarating nila sa bahay nila. Hinarap naman siya ng batang babae ng nakapamaywang.
“Ikaw kasi, huwag kang basta basta magpapa-api na lang at umiyak kapag pinagtritripan ka ng mga damulag na ‘yun. Lalaki ka pa naman! Huwag kang lalampa-lampa,” asik niya sa kaibigan, pero agad din namang lumambot ang puso ni Mara nang makitang naiiyak na naman si Joseph.
“Sorry Mara. Galit ka ba sa’kin? Ayaw mo na ba akong maging kaibigan?” Naluluhang tanong ni Joseph sa batang babae. Agad namang lumapit si Mara sa kaibigan at niyakap ito.
“Baliw! Magiging kaibigan mo ako hanggang sa araw na yumao tayo, kaya huwag kang iiyak-iyak dyan! Hindi mo din kailangang matakot kailanman, dahil pangako ko sa’yo nandito lang ako at proprotektahan ka habang buhay,”pangako niya sa kaibigan.
“Talaga, pangako?” paninigurado pa ni Joseph sa sinabi ni Mara.
“Pangako,” buong pusong sagot ni Mara sa kaibigan.
Lumipas ang maraming taon at sabay na nakapagtapos ng kolehiyo si Mara at Joseph. Lumaki silang magkasama sa lahat ng bagay. Naging matalik na magkaibigan at magkaagapay sa lahat ng naging problema sa buhay.
“Mara, may sasabihin sana ako sa’yo. Huwag kang magagalit ha?” paglalakas loob na pahiwatig ni Joseph sa matalik na kaibigan.
Napangiti naman si Mara, “Bakit naman ako magagalit sa’yo eh mahal na mahal kita ano!” sagot ng dalaga at kinurot pa sa pisngi ang binata. Bigla namang sumeryoso ang mukha ni Joseph at hinawakan ang magkabilaang balikat ng dalaga. Huminga muna siya ng malalim bago nagsalitang muli.
“Ano kasi Mara,” isang malalim na hinga muna ang ginawa niya bago tumitig sa mata ng dalaga at nagpatuloy sa pagsasalita. “Mahal kita. Mahal kita ng higit pa sa matalik na kaibigan. Mahal kita ng higit pa sa pagmamahal mo sa’kin.”
Kitang-kita ang gulat sa mukha ng dalaga sa narinig sa kaibigan. Ilang segundo muna ang lumipas bago nakabawi ang dalaga sa gulat at biglang tumawa.
“Grabe ka naman makapagbiro, friend! Bentang-benta, muntik na ako maniwala dun ha? Pwede ka na mag-artista!” tawa nang tawa pang sagot ni Mara sa kaibigan.
“Hindi ako nagbibiro, Mara. Matagal na kitang mahal. At matagal ko ng plano na magtapat sa’yo sa araw ng ating pagtatapos. Ikaw ang gusto kong makasama habangbuhay, wala nang iba,” puno ng sinseridad na pahayag ni Joseph sa dalaga. Sumeryoso na rin ang mukha ng dalaga sa narinig.
“Pasensya na Joseph, mahal kita pero hindi gaya ng pagmamahal na mayroon ka para sa akin. Bilang isang kapatid lamang ang pagmamahal na maibibigay ko sa’yo,” malungkot na sagot ng dalaga sa binata.
Simula ng araw na iyon ay hindi na ulit nag-usap ang dalawa. Lumipas ulit ang ilang taon bago muling pinagtagpo ang kanilang mga landas.
Nasa isang ospital si Joseph at katatapos lang maisagawa sa kanya ang isang operasyon. Ang buong akala nila ay hindi na siya gagaling pa dahil sa wala naman siyang kapatid na maaaring mag-donate ng bone marrow sa kanya, pero sa laking gulat niya ay nagawan ng paraan ng kanyang doktor at nakahanap ng donor na match sa kanya.
“Maraming salamat sa lahat Doc, tatanawin ko po itong isang malaking utang na loob habang buhay,” buong puso niyang pagpapasalamat sa kanyang doktor.
“Hindi ako ang dapat mong pasalamatan, kung hindi ang dilag na nagdonate sa’yo ng kanyang bone marrow. Hindi ko din inakalang magmamatch kayo. Kadalasan kasi ang magkapatid lamang ang nakapagdodonate sa mga ganitong sitwasyon. Pero sa awa ng Diyos, mabuti na lamang at nariyan siya at ikaw ay naligtas,” paliwanag ng doktor sa kanya.
“Ganoon po ba? Nasaan po ba siya ngayon at ng makapagpasalamat naman po ako sa kabutihang loob niya at sa pagliligtas niya po sa aking buhay,” tanong ni Joseph sa doktor niya.
“Ah, nasa kabilang kwarto. Maaari mo siyang puntahan maya-maya rin,” nakangiting saad ng doktor bago umalis.
Makalipas lang din ang isang oras ay agad ng pinuntahan ni Joseph ang silid ng kanyang donor. Laking gulat niya ng makita ang isang pamilyar na mukha. Mukha ng nag-iisang babaeng inibig niya. Mukha ng babaeng kaytagal niyang pinagulilaan.
“Mara?” tawag niya sa babaeng nakahiga sa kama at nakapikit. Dahan-dahang iminulat naman ng dalaga ang kanyang mga mata ng marinig ang kaniyang boses.
“Hi,” pilit na ngumiti ang dalaga sa kanya. Halatang nahihirapan at nakakaramdam pa rin ito ng sakit.
“Bakit?” sa dami ng kanyang gustong itanong sa dalaga ay iyan lang ang lumabas sa kaniyang bibig.
Nanghihina man ay pinilit pa rin ni Mara na ngumiti bago sumagot sa kanya, “kasi nangako akong hindi kita iiwan at proprotektahan kita.”
Hindi napigilan ni Joseph ang sariling mga luha sa pagdaloy dahil sa narinig sa matalik na kaibigan. Simula ng araw na iyon ay bumalik na sa dati ang kanilang relasyon. Pero sa pagkakataong ito ay mas matibay na dahil nalaman na ni Joseph ang totoo.
Magkapatid silang dalawa. Isang lihim na matagal kinimkim ni Mara at itinago sa lahat.
Masyado pa kasing bata si Joseph nang mawala ang kanilang mga tunay na magulang kung kaya’t wala na itong matandaan. Ngunit nang mangyari iyon, dalawang magkaibang pamilya ang umampon sa magkapatid.
Ngayon ay napagtanto ni Joseph na kaya napakagaan ng loob niya kay Mara dahil kadugo niya ito. Agad na nawala ang romantikong pagtingin niya rito, at napalitan ng pagmamahal ng isang kapatid. Doon nagsimula ang pagbawi nila sa mga oras ng hindi nila pagsasamang magkapatid.