Ang Pangarap Kong Buhay May Asawa
“Ang singsing na ito ay simbolo ng aking pag-ibig para sa iyo. Pangako na simula sa araw na ito hanggang sa dulo, hindi mo na tatahakin nang mag-isa ang buhay na ito. Nawa’y ang puso ko’y iyong maging sandigan at ang aking yakap ay magsilbing tahanan mo.”
Nakatulala sa kaniyang suot na wedding ring nang maalala ng bagong kasal na si Mary ang pangakong sinumpaan ng kaniyang asawa noong sila’y ikasal limang buwan na ang nakakalipas. Maya-maya ay bigla na lamang pumatak ang luha niya mula sa kaniyang mga mata. Iyon kasi ang pinakamasayang araw niya sa buong buhay niya. Kahit na tutol doon ang kaniyang mga magulang, pinilit pa rin niyang magpakasal dahil akala niya’y handang-handa na sila ng nobyo matapos ang kanilang limang buwang relasyon. Sa dulo ay napabuntong-hininga na lamang siya.
Pagkaraa’y narinig niyang kumukulo na ang pinapainit na tubig kaya agad niyang pinunasan ang kaniyang mga luha. Nadinig na rin niya ang pagbukas ng pintuan nila na hudyat ng pag-uwi ng kaniyang asawang si Joshua. Nagmadali siya sa pag-aayos ng sarili at nakangiting sinalubong ito.
“Oh, hon! Kumusta? Bakit nga pala hindi ka umuwi kagabi? Marami akong texts at tawag sa iyo ah?” sunod-sunod na tanong niya sa pagod na asawa.
“Mamaya na lang to mag-usap, hon, okay lang ba? Pagod na pagod lang talaga ako,” tugon naman nito sa kaniya tapos ay hinalikan siya sa noo.
Ngunit naamoy ni Mary ang umaalingasaw na amoy ng alak mula kay Joshua. Naisip niyang baka pinag-inom na naman ito ng boss nito upang maisarado ang deal na tinatrabaho nito sa para sa kompanya. Dahil pagod ang asawa, alam niyang mauuwi lamang ito sa away kung papalakihin pa niya. Kaya naman, inintindi na lamang niya ito at inasikaso papunta sa kanilang silid.
Habang binibihisan ang asawa, kitang-kita ng dalawa niyang mata ang bakas ng mga pulang lipstick sa polo na suot nito. Napatigil siya ng kaunti ngunit nagpatuloy ulit sa pag-aasikaso.
“Ito ka na naman ba, Joshua? Niloloko mo na naman ba ako?” aniya sa sarili habang nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata.
Noong unang mga buwan kasi nila, nakitaan na rin ni Mary na ganito ang asawa. Ngunit nang kumpirmahin niya ang kaniyang mga hinala, iginigiit nito na siya lang ang nag-iisip ng masama. Kung kaya ayaw na niyang makipagtalo kung puro lang naman siya hinala.
Nagising na si Joshua at uminit ang ulo nang makitang wala pang nakahandang pagkain. Nang makita ang asawa na may dalang labahin ay agad niya itong binulyawan.
“Saan ka ba kasi galing?! Ha?! Alam mo namang gigising ako ng hapon o gabi tapos wala man lang pagkain sa lamesa?! Ang inutil mo naman, Mary! Hindi mo ba naisip ‘yon?” galit na sambit nito.
“S-sorry, Josh. Kinuha ko lang ang mga damit na pinalaba ko kina Aling Nene. Pero magluluto na rin ako. Sorry. Sorry talaga,” paliwanag ni Mary sa nanginginig na boses.
“Hay, ang inutil talaga!” huling sambit nito sa kaniya.
Mabilis siyang naghanda ng pagkain upang makakain na ang asawa. Pagkatapos nilang maghapunan, naisip ni Mary na humingi ng tawad kay Joshua. Para kasi sa kaniya, hindi talaga maiiwasan ang away mag-asawa at hindi rin dapat itong patagalin pa. Basta’t hindi pambababae, kaya niyang patawarin at intindihin ang asawa. Naging maayos naman ang lahat dahil humingi rin ng tawad ang lalaki sa kaniya.
“Alam ko namang hindi ako matitiis ni Josh eh. Babawi ako bukas. Ipagluluto ko siya ng kare-kare na paborito niya!” nakangiting wika niya sa sarili habang nakayakap sa asawa.
Kinabukasan, nagising si Mary na wala na ang asawa sa kaniyang tabi. Hinanap niya ito sa buong bahay ngunit wala ito. Pinapatawag daw ito ng boss nito kung kaya kinailangan niyang magpunta kaagad sa opisina. Ipagluluto pa naman sana niya ito.
“Ay, teka. Pwede naman ah? Dalhin ko na lang sa kaniyang opisina!” muling nabuhayan si Mary.
Masigla siyang nagluto at nag-ayos ng sarili upang maabutan ang lunch break ng asawa. Sabik siya dito dahil unang beses niya itong sosorpresahin sa opisina. Iniisip pa lang niya kung ano ang magiging reaksyon nito ay abot tenga na ang kaniyang ngiti.
Agad siyang pinapasok ng guwardiya nang magpakita siya ng ID at sabihing asawa siya ni Joshua, may kataasan na rin kasi ang posisyon ng asawa niya sa kumpanya.
Nasasabik na siya sa gagawin kaya naman binilisan niya na ang paglalakad. Nang makarating sa opisina ng asawa ay nagtaka siya dahil wala ito doon. Nagtanong siya sa isang babae tungkol sa kaniyang asawa at sinabi nitong ipinatawag daw ng kanilang boss. Agad naman siyang pumunta sa itinuro nito direksiyon upang hintayin si Josh na lumabas ng silid.
Tahimik pa siyang naghihintay sa upuan sa may gilid ng labas ng opisina nang bigla siyang makarinig ng isang bagay na parang nabasag. Kinabahan siya dahil baka kung ano na ang nangyari sa asawa. Walang anumang pasubali, pumasok na siya kahit pa nakalagay sa pinto ay “do not disturb”.
Ngunit laking gulat ni Mary dahil tumambad sa kaniya ang asawa niya at boss nito na matandang babae pala na naghahalikan. Nabitawan niya ang lalagyan ng kare-kare na hawak-hawak niya. Nilakasan niya ang kaniyang loob upang ibuka ang kaniyang bibig.
Napalingon ang dalawa sa kanya. Napapahiya man ay agad na inayos ng matandang boss ang buhok at mataray na tumingin sa kaniya.“Siya ba yung sinasabi mong bagong katulong mo? Ang hilig mo talaga sa magaganda Joshua, nung isang buwan ay ibang babae ang nagdadala sa’yo ng pagkain. Kaunti na lang magseselos na ko honey,” maarteng sabi nito saka haplos gulantang na mukha ng lalaki.
“Tapos na tayo, Joshua! Magsama kayo!” galit na sambit niya pagkatapos ay patakbong lumabas ng silid.
Puno ng luha ang kaniyang mga mata habang mabilis na naglalakad papalabas ng gusali. Pagkarating sa bahay ay agad siyang nag-empake ng kaniyang mga gamit. Naabutan siya roon ni Joshua na hinahabol pa ang paghinga dahil sa pagmamadali. Lumuhod ito sa kaniya at nagmamakaawang patawarin siya.
“Mary, hon? Saglit lang. Saglit lang, saan ka pupunta? Patawarin mo ako, hon, please? Sorry. Hindi na mauulit, patawad!” wika ng lalaki.
“Hindi na, Joshua. Tapos na. Pagod na pagod na akong intindihin ka. Kaya pala lagi ka na lang gabing-gabi kung umuwi o ‘di kaya’y umaga dahil may kalandian ka doon sa opisina mo! Sana hindi na lang ikaw ang asawa ko. Sana hindi na lang ikaw ang pinakasalan ko!” huling sambit ni Mary sa asawa niyang nakaluhod.
Pagkatapos ay mabilis na umalis ng bahay na iyon si Mary. Habang nakatitig sa kaniyang singsing pauwi ng bahay, muli niyang naalala ang pinakamasayang araw sa buhay niya. Ang malambing na tinig ng kaniyang asawa nang ito ay sumumpa sa kaniya, nagkamali siya. Dapat pala ay mas kinilala pa niya ito at hindi nagmadali sa pagpapakasal. Doon niya natutunan na ang tunay na pag-ibig ay dapat hindi minamadali.