Inday TrendingInday Trending
Galangin ang Magulang

Galangin ang Magulang

Tahimik na nakatayo si Melba sa parking lot ng mall. Hinihintay niya ang kaniyang anak ni si Joel. Nang biglang may tumapik sa kaniyang braso at nang kaniyang lingunin ay bumungad sa kaniya ang nakangiting mukha ng babae.

“Melba, ikaw na ba iyan?” naninigurong tanong ni Sonya ang kaniyang dating kapitbahay.

“Sonya? Ako nga ito. Kumusta ka na?” masayang wika ni Melba.

“Ito maayos naman. Ikaw, kumusta ka na Melba? Kumusta na ang mga anak mo? Nakapagtapos na ba silang lahat sa pag-aaral? ” tanong ni Sonya.

Isang tabinging ngiti ang sumilay sa labi ni Melba, saka muling nagsalita. “Si Anna, at si Mae ay mas pinili na lamang magtrabaho dahil sa hirap ng buhay, Sonya. Sa katunayan silang dalawa ang nagtutulungan upang makapagtapos ng pag-aaral ang bunso kong anak na si Joel. Sa hirap ng buhay ay hindi ko kakayaning pag-aralin ang mga anak ko. Mabuti na lang at may mababait akong anak. Isang biyaya ng Diyos kung maituturing,” nakangiting wika ni Melba.

“Sabagay tama ka d’yan Melba,” agad namang sang-ayon ni Sonya. “Ako naman ang mga anak ko’y nasa mabuting estado na ng buhay,” buong pagmamayabang nitong wika.

“Talaga? Mabuti pa ang mga anak mo, Sonya,” buong paghangang wika naman ni Melba.

“Si Kyla ay isa nang mahusay na architect, habang ang bunso ko namang si Paulo ay natupad ang pangarap niyang maging seaman. May mga kaniya-kaniyang bahay ng ipinatayo ang dalawa kong anak Melba at ang nakakaloka pa’y may tatlong kotse na nga si Paulo ay nais na naman nitong magdagdag ng isa, hindi katulad sa panganay kong babae na sobrang praktikal sa buhay. Sa katunayan nga’y kabababa lamang ni Paulo kahapon sa barko at susunduin ako nun dito,” mahabang wika ni Sonya.

Kahit medyo napahiya si Melba sa kaibigan ay hindi niya pinahalata kay Sonya ang nararamdaman. Nakakainggit isipin na ang taas na ng narating ng mga anak nito. Samantalang ang mga anak niya’y hindi man lang nangalahati. Halata naman sa itsura ni Sonya ang taglay na yaman. Hindi katulad niya.

“Ganun ba? Mas maigi para makita ko naman ang bunso mong anak Sonya,” wika ni Melba sa kaibigan.

“Ipapakilala kita sa anak ko mamaya,” masayang wika ni Sonya.

Maya-maya pa’y may lalaking nakabusangot ang lumapit sa kinatatayuan nilang dalawa.

“Anak si–” hindi naituloy ni Sonya ang nais sabihin ng galit na nagsalita ang lalaki.

“Ma! Ano ba ‘yan kanina pa kita hinahanap. Alam mo naman na ayokong pinaghihintay ako. Kanina pa ako ikot nang ikot at kanina pa kita tinatawagan. Kaya pala hindi ka sumasagot kasi nakikipag-chismisan ka lang!” pabagsak na wika ni Paulo.

Nilingon ni Melba ang natutulirong mukha ni Sonya. Alam niyang napahiya sa harapan niya ang kaibigan. Hindi rin niya akalaing ganun kabastos magsalita si Paulo sa harapan ng ina nito. Akmang ibubuka ni Melba ang bibig nang biglang may tumawag sa pangalan niya.

“Mang, kanina ka pa ba naghihintay sa’kin? Pasensya na mang ha, traffic kasi tsaka hindi kami agad pinalabas ni sir,” mahinahong paliwanag ng hinihingal na si Joel.

Hindi man sabihin ng anak ay alam ni Melba na tumakbo-takbo ito sa pag-aalala na hindi na niya ito kayang hintayin.

“Ayos lang naman iyon, anak. Hindi naman ako nainip kanina dahil may kausap akong kakilala,” nakangiting wika ni Melba sabay gulo sa basang buhok ni Joel, dahil sa pawis.

“Ano ba ma! Halika na sa kotse. Kung alam ko lang na ganito ang kahihinatnan. Hindi na sana kita sinamahan,” galit pa ring wika ni Paulo sa ina.

Kaya hindi napigilan ni Melba ang sarili at hinarap na ang binta. “Ikaw si Paulo ‘di ba?” tanong niya sa lalaki. “Alam mo bang isang kabastusan ang ginagawa mo sa mama mo? Hindi mo dapat pinagtataasan ng boses ang mama mo. Para kang walang respeto sa taong bumuhay sa’yo,” kausap ni Melba kay Paulo.

“Melba, okay lang,” mahinang wika ni Sonya.

“Hindi mo dapat hinahayaan ang anak mong pagtaasan ka ng boses, Sonya. Hindi nila mararating kung nasaan man sila ngayon kung hindi dahil sa hirap niyong mag-asawa. Hindi por que nasa mataas na estado na ang mga anak natin ay makakalimutan na rin nilang irespeto tayo. Baliktarin man natin ang mundo ay tayo pa rin ang magulang nila at hindi tamang tratuhin nila tayong parang ibang tao,” naiinis na wika ni Melba.

Maya-maya ay hinarap naman ni Melba ang anak nitong si Paulo. “Mahirap lamang kami at halos hindi ko mapag-aral ang mga anak ko. Pero ‘yong respetong binibigay nila sa’kin ay sapat na upang masabi kong napalaki ko sila ng tama. Darating ang araw na ikaw naman ang magiging magulang at ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa’yong hindi mo gugustuhing tratuhin ka ng ganyan ng magiging anak mo,” mahabang wika ni Melba saka umalis kasama ang bunsong anak na si Joel.

Salat man sila sa buhay at hirap na hirap man si Melba na pag-aralin ang tatlo niyang anak ay masaya pa rin siya sa pagkakaroon ng mga anak na may respeto sa magulang. Minsan hindi pera o kayamanan ang sagot upang sabihing masaya ang isang tao. Katulad na lamang ni Sonya, mukha itong masaya pero sa nakikita niya sa trato ng anak nito’y hindi siya sigurado kung totoo nga bang masaya ito.

Respeto ang pinakamahalagang yaman ng isang tao.

Advertisement