Boss, Pautang Naman!
Umagang-umaga at halos sabay-sabay ang pagbati ng magandang umaga ng mga empleyado ni Manuel sa kaniya.
Ngunit naiiba ang bati ni Maureen sa kaniya.
“Boss, pa-cash advance naman!”
Napakamot na naman ng ulo itong si Sir Manuel. Simula kasi nitong nakaraang dalawang buwan, walang humpay sa pagbale itong si Maureen.
“Eh magkano ba? Hindi ka pa nakakahabol sa huling cash advance mo,” kamot ulong sagot ni Manuel sa tauhan.
“Sir, pasensiya na. Kailangang-kailangan lang sa bahay. Anim na libo lang po ulit sana kung kaya,” malumanay at nahihiyang sagot ng babae.
Dahil isa na sa pinakamatagal niyang empleyado itong si Maureen, muli niya itong pinagbigyan sa pagbale.
“O sige, pero last na muna ito ha? Sa susunod na buwan na ulit kita pagbibigyan para naman makahabol habol ang payslip mo,” sagot ni Manuel.
Wala namang magawang um-oo ang babae. Katunayan, nahihiya na rin naman siya sa paulit-ulit niyang paglapit at paghingi ng tulong sa kaniyang amo. Ngunit ano nga bang magagawa niya? Kailangang-kailangan niya e!
Sampung taon na ang nakakalipas, halos nasa lilimang katao pa lamang ang empleyado ni Manuel. Ngunit dahil sa sipag niya, at sa galing na rin ng mga tauhan niya, unti-unting umangat at lumago ang kanilang negosyo. Kasama si Maureen sa limang tauhang ito na nagtaguyod at tumulong sa kaniya upang umunlad ang business nila.
“Hon, bumale na naman si Maureen kanina? Ano na bang nangyayari sa kaniya? Nasa kwarenta mil na naman ang sahod niya ah? Bakit kulang-kulang pa rin?” takang pagtatanong ni Lisa, ang misis ni Manuel, habang inuusisa ang notebook na naging talaan ni Manuel ng mga cash advance ni Maureen.
“Ewan ko nga e. Hindi ko lang matanggihan dahil malaki ang utang na loob natin sa kaniya,” sagot ni Manuel sa asawa. Kung dati kasi ay simple lang ang kanilang pamumuhay, nang dahil sa pag-unlad ng kanilang negosyo ay itinuturing na silang isa sa pinakamayayaman sa kanilang lugar.
Tinanong ni Lisa kung nais ba ni Manuel na siya na ang mangamusta at kumausap kay Maureen, ngunit mariin itong tumanggi. Siya na lamang daw ang bahala at mag-pokus na lamang daw si Lisa sa pag-aalaga sa kanilang mga anak at huwag nang mamroblema pa.
Dalawang linggo ang lumipas at hindi pa rin nakakausap ni Manuel si Maureen. Abala kasi siya sa bagong kliyente na nakipag-partner sa kanilang kompanya. Nang bigla na lamang lumapit sa kaniya ang tatlong empleyado niya.
Matapos ang halos isang oras na pag-uusap, inis na inis na ipinatawag ni Manuel si Maureen.
“Sir? Bakit po?” tanong ni Maureen sa nakasimangot niyang boss.
“Kaya pala wala akong naririnig sa’yo sa pagbabale mo, sa mga katrabaho mo na ikaw nangungulit ng pangungutang? Anong klase ‘yan?!” ‘di mapigilan ni Manuel na mapagtaasan ng boses ang babae.
“Eh kasi po, sir…”
Hindi niya pinakinggan ang paliwanag ni Maureen at nagpatuloy sa pagsasalita.
“Nagrereklamo ang mga katrabaho mo! Pagkakulit-kulit mo raw sa pangungutang! Hindi na sila makapagtrabaho ng maayos dahil kalabit ka nang kalabit na para bang may patago ka sa kanila. Ano ba naman ‘yan, Maureen?! Ang laki na ng sahod mo ah?”
Natigilan ang dalawa sa pagpasok ng misis ni Manuel.
“Kumalma ka, Manuel. Kumusta ka na ba, Maureen? How’s your family?” mahinahong pasok ni Lisa sa usapan.
Nagulat ang dalawa nang bigla na lamang humagulgol ng iyak ang ginang.
“Ngayon ko na lang po ‘yan narinig. Ang kumusta ka na ba, Maureen? Sunod-sunod po kasi ang dagok sa buhay ko nitong mga nakakaraang buwan. Alam kong trabaho po itong pinapasukan ko kaya’t hindi ako nagkukwento sa inyo, boss. Kaso dito ko lang din naman po nagagawang manghiram ng pera,” humihikbing paliwanag ni Maureen.
“Si mama po, nasa ospital. Ang kinatakot ng doktor, baka maputol na ang mga paa niya nang dahil sa Diabetes. Kaya ilang araw na siya sa ICU. Napakamahal po ng gastusin. Bukod doon, si Gina, ang bunso ko. Nabuntis ng nobyo niya. At isa pa, ang mister ko… Malakas ang kutob ko na nangangaliwa kaya hindi nakakapagbigay sa bahay,” paliwanag niya.
Napahawak naman sa kanilang mga bibig ang mag-asawa. Hindi sila makapaniwala na napakaraming problemang pinapasan ang kanilang empleyado, na sa katunayan ay itinuturing nilang kaibigan nang dahil sa tagal ng kanilang pinagsamahan.
“Sorry po, ma’am at sir. Alam ko pong hindi dapat dinadala sa trabaho ang problema sa bahay, kaso napakabigat na po para pasanin mag-isa. Nagtatrabaho pa rin naman ako sa gabi. Kakasimula ko lang mag buy-and-sell nitong nakaraang araw dahil sobrang nahihiya na ako sa pangungutang ko. ‘Di bale, makakabayad na po ako. Malapit na po,” patuloy na sabi ni Maureen.
“Maureen, sorry. Patawarin mo ako dahil hindi ako naging mabuting boss sa’yo. Oo, naka-focus ako sa pagpapalago pa ng negosyo. Pero hindi tama na kalimutan kong kamustahin ang mga empleyado ko. Lalo ka na. Ikaw ang pinakamatagal kong empleyado rito,” ani Manuel habang papalapit kay Maureen upang pakalmahin ito mula sa pag-iyak.
Dahil maraming kakilalang magagaling na doktor si Lisa, inirekomenda niya sa isang espesiyalista ang nanay ni Maureen. At dahil mabait ang nasabing doktor at matagal nang kaibigan ng pamilya ni Manuel at Lisa, hindi na pinabayaran ni singko ang pagpapagamot sa matanda.
Walang habas naman sa pasasalamat si Maureen sa mag-asawa.
“Wala kang dapat ipagpasalamat, ako dapat ang magpasalamat sa’yo. Natutunan kong maging mas mabuti at epektibong boss nang dahil sa iyo,” sagot ni Manuel.
Hindi nagtagal, unti-unti nang nakabayad ng mga pagkakautang si Maureen. Naisaayos na rin ang mga gusot sa kaniyang pamilya, at muli na siyang nakakapasok ng may ngiti sa kaniyang mga labi.
Mula noon, natuto nang makinig at mangamusta sa kaniyang mga empleyado itong si Manuel. Nang dahil sa nangyari, napagtanto niyang wala siya sa kinalalagyan niya ngayon kung hindi dahil sa mga tapat at masisipag niyang mga empleyado.