Inday TrendingInday Trending
Sa Takip na Tansan

Sa Takip na Tansan

Pinahid ni Mang Jaime ang pawis na naglalandas sa kaniyang noo, habang binabagtas niya ang kahabaan ng kalsadang iyon, pauwi sa kanilang tahanan. Maagang natapos ang kaniyang trabaho ngayong araw, ngunit wala siyang maiuuwing pasalubong ngayon para sa kaniyang dalawang anak, dahil hindi naman ganoong kalaki ang ibinayad sa kanila kanina. Barat kasi ang Chinese National na may-ari ng sasakyang minekaniko niya kanina.

Umi-extra lamang si Mang Jaime bilang reliever ng mga mekaniko sa shop na pinagtatrabahuhan din ng kaniyang kumpadre. Buhat kasi nang magkaroon ng diperensiya ang kaliwa niyang binti, nang sa kasamaang palad ay dapuan siya ng sakit na Polio, nahirapan na siyang maghanap pa ng mapapasukang trabaho. Karamihan kasi sa mga pinag-apply-an niya ay dudang kakayanin niya pang isagawa nang maayos ang trabaho niya dahil nga sa kaniyang kapansanan. Mabuti nga at pumayag pa ang boss ng kaniyang kumpadre na mag-reliever siya sa tuwing may isa sa kanilang mga mekaniko ang hindi pumasok. Ang asawa ni Mang Jaime ay nagtitinda naman ng kakanin sa palengke. Minsan ay naglalako rin ito sa mga establisyimento at gusto niya namang makatulong sa kaniyang misis, kaya kahit mahirap ay nagsisikap pa rin si Mang Jaime.

Pagod na pagod siya at pakiramdam niya ay tuyot na ang kaniyang lalamunan. Uhaw na siya. Huminto siya sa tapat ng isang karinderya upang sanaʼy makiinom ng tubig, ngunit napansin niya ang isang lalaking tila namomroblema, habang nakatitig sa makina ng sasakyan nitong mukhang tumirik sa daan.

“Boss, kailangan mo ba ng tulong diyan?” walang pag-aatubiling tanong ni Mang Jaime sa naturang lalaki.

“Ah, oo. Bakit, marunong ka ba?” tila iritable pa ring patanong na sagot naman ng lalaki.

“Mekaniko ako, boss. Baka matulungan kita riyan,” sabi pa niya sabay silip sa makina ng naturang sasakyan.

“Oh, ano, kaya mo bang ayusin ʼyan?” pagkarakaʼy muling tanong ng lalaki kay Mang Jaime.

“Oo, boss. Kaunti lamang naman ang sira. Saglit lang ito,” sagot naman ni Mang Jaime at sinimulan na niyang itaas ang manggas ng kaniyang suot na pangtrabahong t-shirt.

Ilang minuto pa ang lumipas at nag-unat na ng likod si Mang Jaime. Inutusan niya ang lalaking may-ari ng sasakyan upang subukang i-start ang kotse at naging ayos naman ang lagay niyon.

“Paano ʼyan, wala akong dalang cash?” kunot ang noong tanong ng lalaki kay Mang Jaime. Tila iritable pa rin ito.

Hindi pa man nakasasagot ay bigla nitong inabutan ng isang bote ng softdrinks si Mang Jaime. “Iyan lang ang mayroon ako rito, e. Tama na ʼyan. Madali lang naman ʼtong ginawa mo,” sabi pa nito at pinaharurot na nang pagkabilis-bilis ang kotse.

Napailing si Mang Jaime habang nakatitig sa papalayong sasakyan, pagkatapos ay sinulyapan niya ang softdrinks na ni hindi nga man lamang malamig… bawas pa!

Inalis niya ang nakatakip na tansang ibinalik lamang nang pilit sa nguso ng bote at walang pagpipiliang nilagok na lamang iyon ni Mang Jaime. Pampawi man lang sana ng uhaw niya. Pagkatapos ay ipinagpatuloy na niya ang paglalakad pauwi.

Maya-maya pa, sa wakas ay nakaupo na si Mang Jaime sa kanilang silyang kawayan na bagaman matigas ay kumportable pa rin namang upuan. Katapat niya ang telebisyon, habang nagpapahingaʼt hinihintay na matapos magluto ng hapunan ang kaniyang asawa. Nanunuod siya ng paboritong action movie sa hapon, nang mag-commercial ang isang kilalang brand ng softdrinks na katulad ng ininom niya kanina. Napangiwi pa siya nang maalala ang pangyayaring kaugnay ng naturang softdrinks.

Nakapa niya ang bulsa ng kaniyang suot na t-shirt, sa may bandang dibdib. Kinuha niya mula roon ang tansan na siyang takip ng bote ng softdrinks na hindi niya namalayang naiuwi niya pa pala. Kasalukuyang nagpa-flash sa screen ng luma nilang T.V. ang tungkol sa pa-promo ng kilalang kompaniyang iyon ng softdrinks—two million pesos para sa lucky winner na siyang makakakuha ng lucky tansan! Kaugnay ito ng selebrasyon ng kompanya para sa ikalawampung taong anibersaryo ng mga ito.

Wala sa loob na tinitigan ni Mang Jaime ang mga salitang nakaukit sa ilalim ng hawak niyang takip na tansan… “YOU WON!” anang mga salitang halos magpagulantang kay Mang Jaime nang mga sandaling bumago sa kaniyang buhay!

Siya ang nakakuha ng lucky tansan!

Si Mang Jaime ay isa lamang patunay na nakikita ng Diyos ang lahat ng kabutihan na ating ginagawa at SIYA ang bahalang magbalik nito sa tama at itinakda NIYANG panahon.

Advertisement