Ang Gantimpala ni Paul
Sumisikdo ang puso ni Paul habang tinititigan niya ang isang malaking brown bag na naiwanan ng kaniyang pasahero sa kaniyang maliit na sasakyan. Isang Grab driver si Paul. Tuwing umaga, isa siyang office staff. Tuwing gabi at weekends, isa siyang Grab driver.
Isang laptop, mga mahahalagang dokumento, at halos 500,000 piso ang laman ng bag, ng kaniyang pasaherong kauuwi lamang mula sa ibang bansa. Sa buong panahon ng pagmamaneho ni Paul, tulog ang kaniyang pasahero. Mukhang pagod na pagod ito. Nang bumaba ito, hindi na rin kinuha ang sukli.
Natuklasan ni Paul ang naiwang bag matapos makauwi sa bahay. Ipinakita niya ito sa kaniyang misis na si Xyra.
“Mukhang mayaman ang may-ari nito ah. Diyos ko Papa, kalahating milyong piso ang pera. Anong balak mong gawin?” tanong sa kaniya ng misis niya.
“Ano bang klaseng tanong iyan ‘Ma. S’yempre isasauli. Nagtataka nga ako kung bakit hindi pa ako tinatawagan ng pasahero ko eh,” sagot ni Paul sa kaniyang misis.
“Pero Pa…” bantulot na untag ni Xyra kay Paul. “Mababayaran na natin ang utang natin kay Misis Reynoso dito sa bahay. Ito ang eksaktong pera na kailangan natin para hindi na tayo mapaalis dito.”
Natigilan si Paul. May punto ang kaniyang misis. Naipamana kay Paul ang bahay na kanilang tinutuluyan ng kaniyang mga magulang. Subalit nagulat siya nang malamang hindi pala kumpleto ang hulog nito sa Pag-IBIG, kaya binuksan sa ibang buyers ang bahay. May nakabili na kaagad. Pinapaalis na sila sa bahay na iyon, maliban na lamang kung makakapaghulog sila ng 500, 000 piso. Isang buwan lamang ang ultimatum na ibinibigay sa kanila ni Misis Reynoso. Kapag hindi pa sila umalis, idedemanda sila nito.
Hindi makatulog ng gabing iyon si Paul. Nakakatatlong tasa na siya ng kape. Iniisip niya ang kaniyang alalahanin. Nasa kaniya na ang pera mula sa naiwanan ng pasahero. Hinihintay niyang tawagan siya nito, lalo na’t nakarehistro naman sa Grab app ang kaniyang numero. Subalit madaling-araw na, wala ni isa mang text siyang natatanggap.
Naisip ni Paul, kung talagang kinakailangan at napakahalaga ng pera, laptop, at mga dokumento na nasa bag, tiyak na isang oras pa lamang na nawawala ito ay tatawagan na siya ng may-ari. Baka hindi niya kailangan ng pera. Baka labis ang kaniyang yaman kaya hindi na niya hinahanap at hindi na kailangan. Pwede naman niyang sabihing wala siyang nakitang bag.
Subalit iba ang isinisigaw ng konsensya ni Paul. Pinalaki siyang tapat ng kaniyang mga magulang. Ipinaunawa nito sa kaniya na ang pagiging sinungaling ay kapatid ng magnanakaw. Kailangang isauli ang mga bagay na hindi mo pag-aari.
Subalit baka ito ang sagot ng Diyos sa kaniyang dalangin? Saktong-sakto ang napulot niyang pera sa perang kailangan niya upang maisalba ang bahay na alaala ng kaniyang pamilya.
Isang desisyon ang ginawa niya. Natulog siyang payapa at may ngiti sa mga labi.
Kinabukasan, nasa harap na ng bahay ng pasaherong nakaiwan ng bag na naglalaman ng pera at mahahalagang bagay si Paul. Hindi niya natiis na sundin ang hiyaw ng kaniyang konsensiya. Inanyayahan siya ng matanda sa loob ng bahay nito at pinakain ng tanghalian.
“Maraming salamat sa iyo, iho…” sabi ng matanda na tantiya ni Paul ay nasa 59 taong gulang. “Hindi kita agad natawagan dahil low batt ang cellphone ko. Nasa bag na iyan ang charger. Maraming maraming salamat sa kabutihang loob mo. Hindi ako makapaniwalang may mga tao pa palang tapat sa kaniyang kapwa katulad mo. Paano ba ako makakaganti sa iyo?” nakangiting tanong ng matandang lalaki kay Paul.
Magalang na umiling si Paul. “Huwag po ninyo akong alalahanin, sir. Dapat naman po talagang isauli ang mga bagay na hindi sa atin. Iyan po ang turo ng aking mga magulang.”
“Maganda ang pagpapalaki sa iyo ng mga magulang mo. Kung nabubuhay lang ang anak ko, katulad mo rin siya. Malungkot ang buhay ko iho. Magisa na lamang ako. Hindi ko nga alam kung anong mangyayari sa kompanya ko kung mawawala ako. Buweno, heto ang pabuya ko sa iyo. Sana tanggapin mo,” iniaabot ng matanda ang bungkos ng salapi. 10,000 piso.
Magalang na tumanggi si Paul. “Sir, hindi ko po matatanggap iyan. Kapag tinanggap ko po iyan, para ninyo na rin pong sinabing nabibili ang prinsipyo ko.”
Hangang-hanga ang matandang lalaki kay Paul. Kinuha nito ang address niya na ibinigay naman ni Paul.
Makalipas ang isang buwan, tinanggap nina Paul at Xyra ang katotohanang kailangan na nilang lisanin ang kanilang bahay. Hindi sila nakakuha ng 500,000 piso bilang pambayad kay Misis Reynoso. Napagpasyahan nilang mag-asawa na lumipat na lamang at humanap ng mauupahan. Magsimula ng bagong buhay. Binigyan pa sila ng isang linggo ni Misis Reynoso upang makapaghanda at makapag-empake para sa kanilang paglipat.
Habang nangyayari ito, isang magarang sasakyan ang huminto sa tapat ng bahay nina Paul at Xyra. Nagulat si Paul dahil ito ang matandang pasahero na pinagsaulian niya ng napulot na bag. Nakiusap itong mapaunlakan silang mag-asawa sa isang dinner sa bahay nito, upang makapagpasalamat man lamang sa kanila. Magtatampo raw ang matanda kung hindi pauunlakan ng mag-asawa.
Napakaganda sa loob ng bahay ng matanda. Halatang hindi basta-basta ang mga kagamitan. Pinaunlakan nina Paul at Xyra ang matanda.
Matapos kainin ang masarap na hapunan na pinahanda nito, sila ay nag-usap sa veranda.
“Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Wala na akong kaanak dito sa Pilipinas. Aalis na ako at maninirahan sa ibang bansa, kasama ng aking mga kapatid. Wala akong mapag-iiwanan sa bahay na ito. Pinakikusapan ko kayong dalawa, na dito na kayo manirahan. Walang magbabantay nito. Ibinibigay ko na sa inyo ang bahay na ito,” sabi ng matanda.
Hindi pala lingid sa matanda ang problemang kinakaharap nina Paul dahil pinaimbestigahan niya ito. Hindi makapaniwala sina Paul at Xyra sa biyayang dumating sa kanilang buhay. Nangiti na lamang sa sarili si Paul. Napagtanto niyang hindi talaga natutulog ang Diyos para sa mga taong may mabuting puso at tapat na kalooban.