Inday TrendingInday Trending
Relasyong Pinagpalit sa Amerikana

Relasyong Pinagpalit sa Amerikana

“Kenshi, kanina ko pa napapansing nagtitinginan kayo noong amerikana na ‘yon, ha? Baka nakakalimutan mo, may nobya ka,” paalala ni Ruben sa kaniyang kaibigang tila naaakit na sa isang dayong amerikana sa bar na palagi nilang iniinuman.

“Hindi ko naman nakakalimutan! Tumitingin kasi siya sa akin, eh, hindi ko maiwasang tumingin rin. Sa gandang ‘yan, hindi ko papansin? Tingnan mo nakatitig na naman. Gwapo ko talaga!” sagot ni Kenshi saka bahagyang kinindatan ang naturang babae.

“Naku, isusumbong talaga kita kay Amelia!” sambit ng kaniyang kaibigan matapos mapansing kumindat pa ito sa amerikana.

“Hoy, huwag! Minsan lang ako makatagpo ng bago dito sa bar! Pagbigyan mo na ako ngayon!” pakiusap niya sa kaibigan.

“O, sige, ha? Basta kapag sumabit ka, wala akong kinalaman d’yan!” tugon ng kaniyang kaibigan saka siya hinayaang magpunta sa pwesto ng naturang amerikana. Agad siyang tumabi dito at nakipag-inuman.

Pitong taon na ang relasyon ng binatang si Kenshi at ng kaniyang nobya. Nasa hayskul pa lamang sila nang mabuo ang kanilang relasyon at simula noon, wala na siyang ibang pinagtuunan ng pansin kundi ang kaniyang nobya.

Para sa kaniya, ito na ang pinakamaganda at perpektong babae sa mundo. Ngunit nang dumating ang pagkakataong nakapagtrabaho na ito, doon na siya bahagyang natabanganan sa kanilang relasyon.

Palagi kasing abala sa trabaho ang kaniyang nobya dahilan upang mawalan ito ng oras sa kaniya. Palagi pang nauudlot ang kanilang pagkikita dahilan upang ganoon na siya magtanim ng sama ng loob. Ngunit kahit pa ganoon, labis niyang kinukumbinsi ang sarili na kailangan niyang intindihin ang kaniyang minamahal.

Pero nang mapansin niyang may isang babaeng todo tingin sa kaniya at isa pang amerikana, hindi na niya ito pinalampas. ‘Ika niya, “Masyado na akong naging martir kaya ganito kalungkot ang buhay ko. Kailangan ko ring sumaya hindi ko ikamam*tay ang minsang pagtataksil sa nobya ko!”

Kahit pa binigyan na ng babala ng kaniyang kaibigan, tinuloy niya pa rin ang pagkikipag-usap at pakikipag-inuman sa naturang amerikana hanggang sa nauwi na ito sa hindi magandang aksyong tawag ng laman.

Naghihiyawan na ang ibang mga nag-iinuman dito dahil sa kanilang makamundong ginagawa ngunit bigla siyang napatigil nang mapansin ang isang pamilyar na imahe na nakatingin sa kaniya.

“A-amelia? Ikaw ba ‘yan?” ‘ika niya saka nagmadaling tinulak ang amerikang nakakandong sa kaniya.

“Naging abala lang ako sa trabaho, pati ikaw naging abala na rin sa babae!” sambit nito saka malakas siyang sinampal dahilan upang mawala ang tama niya mula sa alak na ininom.

“Saglit!” sigaw niya saka niya ito hinabol.

Ngunit tila huli na ang lahat dahil galit na galit na ang nobya niya sa kaniya. Sinubukan niya itong tawagan dahil naglaho itong parang bula matapos siyang sampalin ngunit hindi nito sinasagot ang kaniyang tawag dahilan upang dumiretso na siya sa bahay nito.

Pagkadating na pagkadating niya doon, agad siyang binungangaan ng nanay ng kaniyang nobya.

“Ikaw, Kenshi, kung hindi mo kayang maghintay sa anak ko, makipaghiwalay ka! Hindi yung pinapaasa mo siya na siya lang ang babae sa buhay mo tapos makikita ka niyang may kahalikan sa bar! Hindi dahilan ang pagkawala niya ng oras sa’yo para lokohin mo siya! Para sa kinabukasan niyo rin naman kung baiit siya nagtatrabaho!” sermon nito sa kaniya.

Wala naman siyang ibang masabi kundi, “Pasensya na po, nadala lang po ako ng emosyon.”

Hindi na siya pinapasok sa bahay at agad na siyang pinauwi ng ginang. Labis naman ang kaniyang pagsisisi sa nagawa.

Nagtext na rin ang kaniyang nobya na gusto na nitong makipaghiwalay sa kaniya, hindi na raw kaya nitong makisama pa sa isang lalaking hindi kuntento sa kaniya. Dahil dito, talaga nga namang nabalot ng lungkot ang binata. Ngunit ika niya, “Nagkamali man ako, hindi ‘yon ang dahilan upang itigil ang relasyon natin. Hayaan mo akong linisin ulit ang pangalan ko.”

Ginawa nga ng lalaki ang lahat upang makabawi hindi lang sa dalaga kundi pati na rin sa buong pamilya nito. Kahit hindi siya pinapansin ng mga ito kapag nasa bahay siya, ginagawa niya pa rin ang lahat para makatulong sa mga gawaing bahay na hindi naman kalaunan, naging sanhi ng pagkatuwa sa kaniya ng nanay ng dalaga.

Ilang buwan ang nakalipas, pinatawad na rin siya ng dalaga. Nangako siya ditong hindi na muling gagawa ng bagay na makakasakit sa dalaga. ‘Ika niya, “Hindi ko sasayangin ang pangawalang pagkakataong bigay mo,” saka niya ito niyakap ng mahigpit.

Simula noon, kahit pa abala ang kaniyang nobya sa trabaho, hindi na iyon naging dahilan upang magtaksil siya. Ginawa niya na lang ang sarili na abala rin sa trabaho dahilan upang ganoon siya makaipon ng pera para sa pinapangarap nilang kasal at pamilya na hindi naman kalaunan, natupad nila.

Ang tukso, palaging nandyan ‘yan, matatagpuan kung saan-saan. Desisyon mo na lamang kung magpapadala ka o iiwas ka. Ngunit lagi mong tandaan, lahat ng desisyon ay may kaakibat ng responsibilidad kaya maging wais ka.

Advertisement