Ang Huling Biktima
Linggo ng gabi. Punong-puno ng tao sa tapat ng simbahan. Karaniwan ay isang buong pamilya ang sama-samang nagsisimba.
Sa isang gilid naman ay napangisi si Roldan. Mukhang malaki na naman ang kaniyang kikitain.
Sinugod niya ang alon ng tao at ginamit ang kakayahan niyang mandukot na nahasa na sa tagal na panahon niyang ginagawa ito.
Makalipas lamang ang isang oras, nagbibilang na siya ng ilang daan at lilibuhin na nadekwat niya mula sa iilang minalas na bulsa.
“Apat na libo.” May ngisi sa kaniyang labi. Hindi na masama para sa isang araw, sa isip-isip niya.
Napalis ang ngiti niya nang may maalala.
“’Tay, baka naman pwede mo ako ibili ng selpon,” ungot ng kanyang disisais anyos na anak na si Jonas.
“Sige ‘nak, susubukan kong pag-ipunan ‘yan,” pangako niya sa anak.
“Nagpapabili nga pala si Jonas ng cellphone!” Napapalatak siya. Sayang. Kahit naman mahirap sila ay gusto niya pa ibigay dito ang mga gusto nito, dahil mahal na mahal niya ang kanyang nag-iisang anak.
Makakadukot sana siya kung maraming tao. Kaso ay halos paaubos na ang mga tao dahil mahigit isang oras na ang nakalipas mula nang matapos ang huling misa ng Linggong iyon.
Pauwi na sana siya nang mahagip ng kanyang paningin ang lalaking nakaupo sa tapat ng simbahan. Malungkot itong nakatalungko at habang nakasungaw sa hawak nitong cellphone, na mukhang bagong-bago.
Inestima niya ang lalaki. ‘Di hamak na mas maliit ito sa kaniya. Mas may edad lamang ito sa kanya ng konti ngunit kung susumahin niya, mas malakas siya dito at tiyak niyang kaya niyang manalo kahit magpambuno pa sila.
May planong nabuo sa kaniyang isipan. Ilang sandali niyang inobserbahan ang lalaki bago dahan dahan itong nilapitan. Dahil tila malalim ang iniisip ng lalaki, maluwag ang hawak nito sa cellphone, kaya naman madami itong nahablot ni Roldan.
Napapitlag sa gulat ang lalaki at nanlaki ang mata nang mapagtantong nanakawan ito ng cellphone.
Mabilis itong tumakbo upang habulin ang salarin.
Samantala, si Roldan naman ay may dalawampung dipa na ang layo sa may-ari ng cellphone. Nagpatuloy siya sa pagtakbo lalo pa’t nagsimula nang humabol ang lalaki sa kanya.
Mas binilisan niya ang pagtakbo. Ngunit tila mas matulin ang lalaki sa kaniya, kaya naman naisipan niya lumiko liko, upang iligaw ito. Kung hindi ay mahuhuli siya at tiyak na sa kulungan ang bagsak niya.
Hindi ako maaaring mahuli. Ako lang ang inaasahan ni Jonas. Yun ang hiling niya habang patuloy sa pagtakbo kahit na hingal na hingal na siya.
Ngunit tila hindi pinakinggan ng langit ang kaniyang piping hiling dahil nang lumingon siya sa likod ay nandoon pa rin ang lalaki. Kita niya ang pagod nito, dahil siya man ay pagod na sa halos trenta minutos na pagtakbo.
Mukhang hindi susuko ang lalaking ito. Ano ba ang meron sa cellphone na ito? Tanong niya sa isip.
Kaya nang madapa ang lalaki ay sinamantala niya iyon at nagtago sa isang madilim na eskinita. Hindi niya na rin kasi kaya pang tumakbo.
Dahil interesado siyang malaman kung bakit tila ayaw nitong pakawalan ang cellphone, inusisa niya ang laman ng cellphone. Wala naman siyang nakitang kakaibang mensahe o impormasyon dito.
Ang huli niyang tiningan ay mga larawan. Dun niya nakita ang mga larawan ng lalaking may-ari ng cellphone at ng isa pang lalaki na sa tingin niya at kaedaran ni Jonas. Nahinuha niyang anak ito ng lalaki dahil may mga graduation pictures, at kung ano ano pang larawan sa iba’t-ibang okasyon.
Subalit nagulat siya dahil ang mga huling larawan na nakita niya ay ang anak ng lalaki nung nasa ospital ito, bago mga larawan na nasa kabaong na ang bata.
Dahil isang ama, tila may kumurot sa kaniyang dibdib. Tila may mga sariling paa na binalikan ang lalaki. Nandoon pa rin ito sa lugar kung saan niya ito iniwanan. Nakalugmok at nakatitig sa kawalan.
Lumapit si Roldan at iniabot ang cellphone na ninakaw.
“Condolence, pare.”
Doon na napaiyak ang lalaki. Mukhang kailan lang namat*y ang anak nito at sariwa pa ang sugat.
“Nag-iisang anak. Hit and run. Malapit sa simbahan.” Pagkukwento nito habang tahimik na lumuluha.
Napailing na lamang si Roldan. Hindi makayanan ng isip ang nalaman. Naaalala ang anak na si Jonas.
“Pasensiya na, pare. Alam mo naman, bilang tatay, gagawin natin ang lahat para sa mga anak natin.” Paghingi ni Roldan ng dispensa.
Napatango naman ang lalaking kanina lang ay kaaway niya.
Napatingin si Roldan sa madilim na kalangitan. Nagbabaka sakali na may mahanap na salita upang damayan ang amang nagluluksa. Ngunit wala.
Napaisip ni Roldan, mahirap ang buhay nilang mag-ama ngunit swerte pa din na magkasama sila ng kaniyang anak. Naisip niya rin na maari siyang mapahamak sa pagiging snatcher. Ayaw niya naman na danasin ng kaniyang anak ang pagdadalamhati ng lalaking ito.
Marahil ay hindi pa huli ang lahat para magbago.
Ang lalaki na ang naging huling biktima ni Roldan. Mula noon ay nagsikap siya upang makahanap ng marangal na trabaho. Hindi naman siya nabigo dahil makalipas ang ilang linggo ay natanggap siya bilang isang pintor sa construction site na ‘di kalayuan sa kanilang tinitirhan.
“Wow, selpon!” Nagtatatalon na sigaw ng kanyang anak, na may malawak na ngiti sa mga labi nito.
Hindi naman maiwasan ni Roldan na mapangiti, habang minamasdan ang anak na excited na kinakalikot ang bago nitong gamit.
Nagpapasalamat si Roldan dahil naging instrumento ang lalaking naging huling biktima niya upang magkaroon sila ng maayos at marangal na pamumuhay.