Inday TrendingInday Trending
Hindi Kita Asawa!

Hindi Kita Asawa!

Tahimik na nakaupo si Maita habang naghihintay sa labas ng isang klinika. Ngayon ang araw para sa mga kasagutan sa kaniyang mga tanong. Ngayon niya ilalabas ang lahat ng sakit sa kaniyang puso na ilang taon din niyang kinimkim. Ngayon magkakaroon ng linaw ang lahat. Sa lahat ng mga katanungang bumabagabag sa babae dalawa ang nangingibabaw na maaaring magdulot ng malaking pagbago sa kaniyang buhay. Magagawa ba niyang mabawi ang dati niyang pag-aari? Matatanggap ba niya ang katotohanan na wala na siyang halaga sa kaniyang asawa?

“Tatlong taon lang ako sa Saudi. Huwag kang mag-alala. Palagi akong tatawag. Para rin sa ating kinabukasan ang pagtatrabaho ko sa abroad. Para sa bubuuin nating pamilya. Mabilis lang lilipas ang mga araw na hindi mo man lang namamalayan. Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita. Huwag mong pababayaan ang iyong sarili. Iiwan ko sa iyo ang puso ko kaya ingatan mo iyan. Sa pagbabalik ko ay gagawa na tayo ng baby kaya humanda ka!”

Pinanghawakan ni Maita ang pangako ng kaniyang asawang si Dino. Sa umpisa ay madalas pa niyang nakakausap ang asawa ngunit makalipas ang dalawang taon ay bigla na lang naputol ang komunikasyon nilang dalawa. Hindi na niya makontak ang asawa. Maski sulat ay wala rin siyang natatanggap. Pati ang kaniyang mga biyenan ay wala ring natatanggap na balita tungkol sa kaniyang asawa. Dito na nagsimulang kabahan ang babae. Nag-alala siya na baka kung ano na ang nangyari sa kaniyang asawa. Ginawa ni Maita ang lahat matunton lang ang kinaroroonan ni Dino. Masiguro lang na ligtas ang kaniyang asawa. Ngunit sa kasawiang palad ay nabigo siya. Hindi niya mahanap si Dino. Gayunpaman ay walang balak sumuko ang babae.

Pitong taon na ang lumipas simula nang umalis si Dino papuntang Saudi at hindi inaasahan ni Maita na muli niyang makikita ang pinakamamahal niyang asawa habang siya ay naghahanap ng regalo para sa kaniyang biyenan sa isang mall sa Maynila. Lalapitan na sana niya ito nang may biglang sumigaw sa ‘di kalayuan.

“Daddy, tagal mo pong dumating. Kanina pa kami hintay ni mommy. Gutom na po kami,” reklamo ng tatlong taong gulang na batang lalaki.

“Huwag kang maniwala diyan sa anak mo. Kararating lang din namin,” saad ng isang babae sa mag-ama.

Bago pa makalayo ang tatlo ay agad na hinawakan ni Maita ang braso ng lalaki.

“Dino, bakit ngayon ka lang nagpakita? Nandito ka na pala sa Pilipinas. Bakit hindi mo ko pinuntahan? Nangako ka sa’kin! Bakit hindi mo ko binalikan?” nagmamakaawang tanong ni Maita.

“Miss, nagkakamali ka. Ngayon lang kita nakita. At hindi Dino ang pangalan ko.”

Hindi makapaniwala si Maita sa naging sagot ng kaniyang asawa kaya hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili na sumigaw. “Paanong hindi mo ko nakikilala? Ako si Maita! Ako ang asawa mo!”

“Miss, huwag kang magbibiro ng ganiyan. Baka akalain ng asawa ko kabit kita. Huwag mong sirain ang pamilya ko.”

Napasalampak si Maita sa sahig habang humahagulgol ng iyak. Parang binibiyak ang puso niya at buong pagkatao sa kaniyang natuklasan. Ipinagpalit siya ni Dino sa iba. May ibang pamilya na ang asawa niya.

“Miss, puntahan mo ko sa lugar na ito. Mag-usap tayo. Sasagutin ko ang lahat ng mga katanungan mo. Pasensiya na. Hindi ko talaga alam. Sana mapatawad mo ko. Lalong-lalo na siya. Wala siyang kasalanan,” pahayag ng babaeng kasama ng asawa ni Maita habang iniaabot nito ang isang kapirasong papel. Umiiyak din ang babae.

Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Maita nang tawagin siya ng sekretarya. Kakausapin na daw siya ni Dra. Velasquez, ang kabit ng kaniyang asawang si Dino.

Mahabang katahimikan ang nangibabaw sa loob ng klinika nang pumasok si Maita. Walang gustong mag-umpisa ng usapan. Hindi alam ng dalawang babae kung saan magsisimula.

“Sana ay huwag kang magalit pero gusto ko lang makasiguro kung sino ka talaga kaya nagpa-imbestiga ako,” panimula ni Dra. Velasquez.

Sasabog na sana sa galit si Maita nang magpatuloy ang babae.

“Napatunayan kong kasal ka sa kaniya. Hindi mo kami niloloko. Dino Sevilla pala ang tunay niyang pangalan. Hindi ko nga lang alam kung gagamitin niya pa ulit ang dati niyang pangalan. Mas kilala na kasi siya ngayon sa pangalang Robert Velasquez.”

Naguluhan si Maita sa sinabi ng babae. “Anong ibig mong sabihin? Bakit ibang pangalan ang ginagamit ng asawa ko?” Huminga muna ng malalim ang doktora bago ito sumagot. “Pasyente ko siya sa Saudi. Duguan ang kaniyang ulo at may kutsilyo sa kaniyang tiyan nung dinala siya sa ospital na pinagtatrabahuan ko. Ako ang nag-opera sa kaniya.”

Nagulat si Maita sa kaniyang narinig. Napag-alaman din niya na ang hinala ng mga pulis sa Saudi ay biktima ang kaniyang asawa ng panghoholdap. Wala na itong dala-dalang wallet o selpon nung isinugod ito sa ospital. Inakala nila na uusad ang kanilang pag-iimbestiga kapag nagising na ito pagkatapos ng operasyon ngunit sa kasamaang-palad ay nagkaroon ito ng amnesia. Malabo nang bumalik ang alaala nito sa tindi ng pinsalang natamo nito sa ulo. Dahil walang nakakaalam kung sino ang lalaking tinakbo sa ospital at wala din silang nabalitaang pamilya na naghahanap dito ay binigyan na lamang nila ito ng bagong pagkakakilanlan. Pinangalanan nila itong Robert Velasquez.

“Ako ang kumupkop sa kaniya. Tinulungan ko siyang makabangon muli sa kabila nang pagkawala ng kaniyang memorya. ‘Di nagtagal ay nahulog ang loob namin sa isa’t isa hanggang sa nagpakasal nga kami at nabiyayaan kami ng isang anak,” pagpapatuloy ng doktora.

“Patawad. Hindi ko sinasadya na saktan ka. Hindi ko alam na may asawa na siya. Wala siyang suot na wedding ring nung sinugod siya sa ospital. Kung alam ko lang na may asawa na siya hindi ko hahayaan ang puso ko na tumibok para sa kaniya. Sana mapatawad mo ko. Sana huwag kang magalit sa asawa mo. Inosente siya. Wala siyang kasalanan,” pagmamakaawa ni Dra. Velasquez. Walang patid ang pagtulo ng kaniyang mga luha.

Alam ni Dra. Velasquez na tuluyan nang mabubuwag ang kaniyang pamilya dahil sa paglitaw ni Maita. Masakit man ay kailangan pa rin niyang tanggapin ang katotohanan na ilegal ang pagsasama nila ng pinakamamahal niyang kabiyak dahil hindi siya ang una at legal na asawa ng lalaki.

“Naiintindihan ko kung sakaling hindi mo ‘ko mapatawad. Lalayuan ko ang asawa mo. Makikipaghiwalay ako sa kaniya. Isa lang ang pakiusap ko sa’yo. Sana ay payagan mo siyang magpaka-ama sa anak namin. Huwag mong tanggalan ng karapatan ang anak ko sa tatay niya,” pakiusap ng doktora.

Matapos makuha ni Maita ang sagot sa kaniyang mga tanong ay tsaka siya muling nagsalita. “Masaya ba si Dino? Masaya ba ang asawa ko?”

Imbes na sagutin ang tanong ay ipinakita na lang ni Dra. Velasquez ang mga litrato ng lalaki sa kaniyang selpon. Pinapanood din niya ang mga kuha nilang videos kay Maita.

“Masakit para sa akin pero kailangan kong gawin. Mahal na mahal ko ang asawa ko kaya ako na lang ang makikipaghiwalay sa kaniya. Aayusin ko ang annulment namin para maging legal ang kasal niyo. Sigurado akong masasaktan siya kung mawawala kayo ng anak mo sa buhay niya. Hindi ko siya kayang saktan,” saad ni Maita.

“Pananatilihin ko ang mga ngiti sa iyong labi. Sisiguraduhin kong hindi mawawala ang kislap sa iyong mga mata. Patuloy kitang mamahalin hanggang sa dulo ng walang hanggan,” wika ng babae.

“Iyan ang mga ipinangako ko sa kaniya noong araw ng aming kasal. At tutuparin ko ang mga pinangako ko sa kaniya. Isa lang ang pakiusap ko. Hayaan mong makasama ulit ni Dino ang kaniyang mga magulang. Labis ang kanilang paghihirap nung bigla na lang siyang nawala na parang bula,” pakiusap ni Maita.

Matapos maaprubahan ang annulment ay hindi na muli pang nagpakita si Maita sa kaniyang dating asawa. Nagpakalayo-layo na lang siya para simulang gamutin ang sugat na iniwan ng kaniyang pinakamamahal na lalaki. Bagama’t mahirap sa umpisa alam niyang darating din ang panahon kung kailan wala na siyang iindahin na sakit. Darating din ang panahon na muli niyang bubuksan ang kaniyang puso para sa panibagong pag-ibig. At sana kapag dumating na ang araw na iyon ay panghabang-buhay na ang kanilang pagmamahalan.

Advertisement