Matagal nang byudo si Mang Isaac at sa edad na 65 ay masasabi pa rin daw na may asim pa ito. Bukod kasi sa magandang pangangatawan ay marami pa rin ng nabibighani sa kaniyang panglabas na itsura. Kaya naman hindi maitatanggi kung nagkakaroon ito ng mas batang nobya.
“Pa, saan ka na naman pupunta? Baka naman masyado mo nang inaabuso ang katawan mo? Mag-iinom ka na naman ba?” tanong ni Bea, ang panganay na anak ng lalaki.
“Anak, magliliwaliw lang ako. Kayo naman, matanda na ang tatay niyo kaya naman sinusulit ko na ang mga natitira ko pang oras sa mundong ibabaw! Hindi ko pa naman ginagalaw ang mga ipon niyo at pera ko pa rin naman lahat ng ginagamit ko kaya ‘wag niyo na akong pigilan,” sagot ni Mang Isaac sa kaniyang anak.
“E minsan lang din nga ako dumalaw sa inyo ay aalis pa kayo. Tara at mag-mall na lang po tayo,” pagpupumilit pa ni Bea sa kaniyang ama.
“Anak, boring ang mall sa mga kagaya ko. Hayaan mo na ako, hindi naman ako umuuwi ng lasing dito sa atin, tamang inom at kwentuhan lang naman ako kina Pareng Jomar. Siya, aalis na ako!” mabilis na paalam ng kaniyang ama. Mabilis itong kumaway kay Bea palabas at napailing na lang ang babae.
Sunod-sunod kasi ang nababalitaan niyang pag-iinom daw ng kaniyang ama at may mga kasama pang babae ito paminsan-minsan na dinadala di umano sa kanilang pamamahay. Wala namang problema kay Bea ang pag i-enjoy ng kaniyang ama pero para sa kaniya ay kaunting pag-iingat. Dahil baka sa rami ng manloloko ngayon ay maisahan ang kaniyang tatay.
“Tay, anong gusto niyo pong agahan?” tanong ni Bea na kakagising lang, pupungas-pungas pa ito at dahan-dahan na nag-unat saka dumiretso sa kusina para magluto. Laking gulat naman niyang nandoon na ang kaniyang tatay at nagkakape na may kasamang isang babae na halos ‘tatlong dekada ang agwat nila.
“Sino ka?” mabilis na tanong niya sa babae.
“Bea, ayusin mo ang tono mo. Bisita natin siya, simula ngayon ay makakasama ko na siyang tumira rito,” sagot sa kaniya ni Mang Isaac.
“Tay, naman. Parang apo niyo na ho iyang babaeng ‘yan! Lolokohin lang po kayo niyan, peperahan. Hindi ako maniniwala na mahal kayo niyan kasi halos, Diyos ko naman, ‘tay!-
Natigilan na si Bea nang biglang alalayan ng kanyang ama ang babae at dahan-dahan na sinabayan sa paglalakad patungo sa salas.
“Tang*na! Nakabuntis ka pa ‘tay?” isip-isip ng babae. Kaya naman mabilis siyang naghilamos at nagmumog para makausap ang babae. Wala siyang mapapala kung ang tatay niya ang kaniyang kakausapin. “ Sa mga ganitong pagkakataon ay kailangan na akong mangialam,” pahayag niya sa sarili.
“Sa tatay ko ba ‘yan? Talaga bang ganyan na kayong mga kabataan ngayon? Kakapit sa sugar daddy?” baling ni Bea sa babae na nakaupo sa salas at may balak pa yata siyang bukas ng telebisyon.
“Hindi po,” mahinang sagot nito.
“Hoy, ‘wag mo ngang magamit-gamit sa akin ang pabebeng boses mo. Hindi naman pala sa tatay ko ‘yan tapos ang lakas mo pang makipagrelasyon sa matanda. Paano mo ba inuto ang tatay ko, ha? Anong balak mo? Kuhanin ang mga yaman niya? Itong bahay? Pera? Diyos ko naman! Hindi mo mahal ang tatay ko, hininga mo pa lang alam ko na!” sunod-sunod na ratrat ni Bea sa babae. Nakita naman niyang nakatayo ang kaniyang ama na may hawak na isang basong tubig at alam nitong narinig niya ang lahat ng pagtataray na ginawa niya.
“Hazel ang pangalan niya, Bea. Hindi, hoy,” sita ni Mang Isaac.
“Hindi sa akin ang bata at hindi ko ‘yan kinaladkad dito sa bahay natin. Mas lalong hindi ko ‘yan pinagsamantalahan dahil tinutulungan ko lang siya,” wika ng matanda.
“Tay, peperahan ka lang ng dalagang ito!” baling ni Bea sa ama.
“Simula nung magsipag-asawa kayo at tumira sa Maynila ay naiwan na lamang akong mag-isa. Nagsawa ako sa kakapunta sa mall at kaka-ikot ng bahay. Naumay ako na akong walang kausap Kailangan ko pa ng internet at magpipindot-pindot ng kung ano-ano makausap ko lang kayo? Ang hirap, anak,” pahayag ni Mang Isaac.
“Si Hazel, nagtitinda ‘yan ng mga kakanin. Palagi niya akong kinukwentuhan at kahit na paulit-ulit na siguro ako ay nakikinig pa rin siya. Napagsamantalahan si Hazel ng tiyuhin niya, gusto niya nang magpalaglag pero pinigilan ko. Kaya sabi ko tutulungan ko siya, hindi bilang asawa kung ‘di bilang isang ama. Maramdaman ko man lang ulit ang maging isang tatay o lolo ulit,” pagtatapos nito.
Doon naman biglang napatahimik si Bea at nakita niyang umiiyak si Hazel. Mabilis naman niyang naitindihan ang pagkukulang niya sa kaniyang tatay. Aminado siyang minsan lamang niya dalawin ang ama dahil sa may pamilya na rin siya sa Maynila at nakalimutan na rin niyang bisitahin o kamustahin ito. Ngayon niya nakikita na gusto lamang ni Mang Isaac nang makakasama sa bahay o makakausap dahil nga wala na silang lahat.Niyakap niya ang kaniyang ama at humingi siya ng tawad sa kaniyang pananalita.
Tinotoo nga ni Mang Isaac ang pagtulong kay Hazel, kinupkop niya ito at ang bata. Ngayon ay may bago silang kapatid at pamangkin.
Huwag sana nating kalimutang ang ating mga magulang habang tayo ay abala sa ating paglaki. Hindi lamang tayo ang nagkaka-edad, sila rin.