Inday TrendingInday Trending
Nang Dahil sa Pag-aasam ng Mas Magandang Buhay

Nang Dahil sa Pag-aasam ng Mas Magandang Buhay

Sukang-suka na si Tina sa kahirapan na dinadanas niya. Kasama kasi ang kaniyang pamilya sa pinakamahihirap sa probinsya. Ang tatay niya ay namamsukan bilang isang magsasaka at ang nanay naman niya ay nakiki-ekstra lamang sa taniman ng gulay. Maswerte na kung makakain sila ng disenteng pagkain.

“Magsasaka nga kayo, ‘tay, pero kundi mais ay kamote itong kinakain natin. Ni hindi man lang ako makatikim ng maayos na kanin at ulam,” reklamo ni Tina sa ama.

“Pasensya ka na, anak. Alam mo namang madami tayong bayarin. Pagtiyagaan mo na muna ang nakahain. Kapag nakaluwag-luwag ay bibili ako kahit kalahating kilo ng bigas para sa inyong mag-ina,” saad ng kaniyang ama.

Kahit na pinipilit ng kanyang mga magulang na bigyan ng maayos na pamumuhay ang kanilang anak ay hindi ito makita ni Tina. Ang tanging naiisip niya ay ang inggit sa tuwing nakikita niya ang mga kaedad niyang may bagong sapatos, damit at nakakakin ng ayos. Anong hiling niyang sana ay ipinanganak na lamang siya sa pamilya ng mga ito.

Dahil sa pangarap niyang maginhawang buhay ay pilit niyang inakit si Mando, isang drayber ng habal-habal. Mag-isa na lamang itong namumuhay at kumikita rin ito sa pag-aalaga ng mga hayop. Hindi ganoong kagwapuhan si Mando ngunit wala ng pakialam si Tina sapagkat ang gusto lamang niya ay makatakas sa buhay na mayroon sila.

Dahil may itsura, agad na naakit si Mando sa dalaga. Niligawan niya ito at sinagot naman agad ni Tina ang binata kahit na wala siyang pagmamahal na nararamdaman dito. Lubusang minahal ni Mando si Tina. Itinira niya ito sa kaniyang bahay at ibinigay ang lahat ng naisin. Naging mas maayos ang buhay ni Tina tulad ng kaniyang binalak.

“Gagawin ko ang lahat para sa’yo, mahal ko,” bulong ni Mando sa dalaga. “Ang nais ko ay magpakasal na tayo,” dagdag pa ng binata.

“Wala na akong ibang gustong pakasalan kung hindi ikaw, mahal. Kaso, bata pa lamang ako ay nais ko ng ikasal sa isang napakalaking simbahan. Tapos ay may malaking handaan sa isang magandang hotel. Tapos ay sa Maynila na tayo maninirahan. Magpapakalayo-layo na tayo sa lugar na ito,” tugon ni Tina.

“Pero, hindi ko pa kayang ibigay ‘yan sa’yo. Pwede bang magpakasal muna tayo ng simple lamang kung saan saksi ang mga mahal natin sa buhay. Tapos kapag nagkapera na tayo ay tutuparin ko ang pangarap mo. Pangako ko ‘yan sa’yo!” lambing ni Mando.

Ngunit iginiit ng dalaga ang kaniyang gusto. Sa labis na pagnanais ni Mando na maikasal sa dalaga ay naghanap ito ng ibang trabaho. Hanggang sa may nakausap itong kakilala na naghahanap ng kasama upang mangibang bansa. Agad na pumayag si Mando sapagkat alam niyang ito lamang ang paraan upang mabilis siyang makaipon.

Nang makaalis si Mando upang mag OFW, naiwang mag-isa si Tina sa bahay ng binata. Pinapadalhan ni Mando ng pera ang dalaga upang mayroon itong panggastos.

“Pagpasensyahan mo na, maliit pa ang napapadala ko. Ang dami ko pa kasing binabayaran. Hayaan mo kapag nakaluwag mabibili mo na ang mga mga gusto mo at makakaipon na rin tayo para makapagpakasal,” sambit ni Mando.

Um-oo lamang si Tina sa binata pero sa loob niya ay hindi siya naniniwala sa mga pangakong ito. Nayayamot siya sapagkat tinitiis na nga lang niyang makisama kay Mando para sa maibibigay nito ngunit nakukulangan pa rin siya.

Hanggang sa isang araw ay may isang lalaking nagtungo sa kanilang bahay ay hinahanap si Mando. Ito ay si Ernesto, kilalang mapera sa kanilang lugar dahil sa mga ilegal na sabungan na pinamamahalaan nito. Agad na nagningning ang mga mata ni Tina ng makita ang lalaki. Tulad ng kaniyang ginawa kay Mando, sadya niyang inakit si Ernesto.

“Hindi mo ba nabalitaan na wala na si Mando dito. Nasa ibang bansa na siya. Gusto mong pumasok muna sa bahay para makapag-usap tayo? Tungkol saan ba ang pakay mo?” wika ni Tina.

Dahil din sa pagkatuso ni Ernesto ay agad sinunggaban ang pagkakataon na pinahihiwatig sa kanya ng dalaga. At hindi naglaon ay nagkaroon ng lihim na relasyon ang dalawa.

Patuloy sa pagpapadala si Mando ng pera kay Tina habang hindi niya alam na ginagawa nang pugad ng kinakasama at ni Ernesto ang kanyang pamamahay. Ilang buwan ang nakalipas at nabuntis si Tina ni Ernesto at nagsama sila sa bahay ni Mando.

Isang araw ay surpresang umuwi ng bansa si Mando. Malayo pa lamang ay malaki na ang ngiti nito ng matanaw si Tina na nagsasampay sa labas ng kanilang bahay. Ngunit habang papalapit siya ay hindi niya maintindihan kung bakit malaki ang tiyan nito. Laking gulat niya ng makumpirma niya na buntis nga ang kinakasama.

“Anong ibig sabihin nito, Tina? Imposibleng mabuntis ka sapagkat umalis ako ng walang nangyayari sa atin,” halos magwala si Mando sa pagkumpronta sa dalaga. Sakto namang paglabas ni Ernesto sa pintuan ng bahay ng binata.

“A-anong ibig sabihin nito? Mga baboy kayo! Tina! Anong ibig sabihin nito? Paano mo naatim na gawin sa akin ‘to?” gulong-gulo na ang isip ni Mando.

Dahil sa sobrang sakit at galit na kaniyang nararamdaman ay pinalayas niya ang dalawa. Hindi lubos akalain ni Mando ang lahat ng nangyari. Pinilit niyang bumangong muli. Bumalik siyang muli sa ibang bansa at iginugol ang panahon sa pagtatrabaho upang makalimutan ang lahat.

Ilang taon ang nakalipas ay muling bumalik si Mando sa dati niyang tinitirhan. Doon ay nakita niya si Tina na nakangiting papalapit sa kaniya.

“M-mando,” wika ni Tina. “Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa’yo. Hindi naging maganda ang buhay ko kay Ernesto. Hindi nabuhay ang aming anak. Lagi niya akong sinasaktan at lagi siyang nag-uuwi ng babae sa bahay. Nagsisisi ako na nagawa ko ang lahat ng iyon sa’yo. Patawarin mo ako,” nangingilid na luha ni Tina.

“Ilang taon na rin ang nakalipas, Tina. Wala na sa aking ang lahat ng iyon. Sa totoo lang gusto pa kitang pasalamatan sapagkat dahil sa’yo, mas nangarap ako ng mataas. Nakalimutan ko na ang lahat ng nangyari noon,” tugon ni Mando.

“Ibig sabihin ba ay pinatatawad mo na ako? Kasi Mando, sa totoo lang wala akong matitirahan ngayon. Gusto ko sanang sumama sa’yo. Walang panahon na hindi kita inisip. Kung paano mo ako pinahalagahan, alagaan. Gusto kong bumawi sa’yo,” pakiusap ni Tina.

“Patawad Tina. Pero hindi na maaari. Pinatatawad kita pero hindi ko na nais na makasama ka pang muli. Alam mo noong umuwi ako, gusto ko sa sanang supresahin ka noon na sa maikling panahon na iyon ay nakaipon na ako agad ng kailangan para sa gusto mong kasal at nakapundar na ako ng bahay sa Maynila. May tinulungan kasi ako sa ibang bansa at hindi ko akalain na ubod pala iyon ng yaman kaya bilang ganti ay binigyan niya ako ng pabuya,” paglalahad ni Mando. Laking gulat naman ni Tina.

“Ngunit hindi ka nakahintay sa pangako ko. Akala mo ay hindi ko ito tutuparin. Hindi ka nagtiwala sa akin,” dagdag pa niya. “Siya nga pala, narito lamang ako upang tignan itong naiwan kong ari-arian. Binenta ko na kasi ito at balak kong sa Maynila na manirahan kasama ang mapapangasawa ko. Ang gusto mong kasal na nais ko sa’yong ibigay noon ay sa kaniya pala nararapat,” pagtatapos ni Mando.

Naiwan na luhaan at puno ng pagsisisi si Tina. Hindi niya lubos akalain na tunay ngang tutuparin ni Mando ang kaniyang pagmamahal at pangako sa kanya noon. Kung sana ay naghintay lamang siya at nagtiwala. Kahit anong pagsisisi niya ngayon ay hindi na maibabalik pa nito ang mga panahon na nasayang sa kanilang dalawa.

Advertisement