Inday TrendingInday Trending
Komplikadong Buhay ng Magkakaibigan

Komplikadong Buhay ng Magkakaibigan

Simula hayskul ay magkakaibigan na sina Elmer, Nathan, Stacy at Rose Ann. Nang sila ay magkolehiyo, pumasok sila sa pare-parehong pamantasan. Hindi naglaon, niligawan ni Elmer si Stacy at gayundin si Nathan kay Rose Ann.

Hanggang sa sila’y makatapos sa kolehiyo, magkaroon ng magandang trabaho, at magkaroon ng sariling pamilya. Naging ninong at ninang sila ng kani-kanilang mga anak. Halos magkakaibigan na rin ang mga ito.

Masasabing para na rin silang magpapamilya. Sanggang-dikit. Subalit kung may lihim ba silang tinatago sa isa’t isa? Iyan ang hindi sigurado.

“Hon, nasaan ka na ba? Nandito na ako sa room 301. Dalian mo,” text ni Stacy sa kaniyang hon.

“Paakyat na ako. Ihanda mo na ang sarili mo,” reply naman ng kaniyang hon.

Inayos na ni Stacy ang sarili. Nag-ring ang telepono. Tumawag ang receptionist upang kumpirmahin kung may expected guest si Stacy sa loob ng upahang kwarto. Sinabi niyang mayroon. Ilang minuto, tumambad na ang kaniyang tinawag na hon: walang iba kundi si Nathan.

“Sorry natagalan ako. Ang kulit kasi ni Rose Ann. Ayaw akong paalisin,” paliwanag ni Nathan kay Stacy. Ginawaran niya ito ng halik sa labi.

“Ako naman ang paalam ko kay Elmer magkikita kami ng mga katrabaho ko. Alam mo naman iyon walang pakialam kung saan ako pupunta. Namiss kita hon,” sabi ni Stacy kay Nathan. Nagkita ang kanilang mga labi at sila ay nagniig.

Matapos ang kanilang pagtatalik, sila ay nahiga sa kama. Humitit ng sigarilyo si Nathan. Sumandal naman sa kaniyang dibdib si Stacy.

“Hanggang kailan natin gagawin ito, hon? Hanggang kailan tayo magtatago?” tanong ni Stacy kay Nathan.

“Kapag nakapanganak na si Rose Ann. Ayoko namang gawin ito sa iba. Salamat ha. Nariyan ka pa rin for me,” tugon ni Nathan kay Stacy. Buntis kasi si Rose Ann.

“Ayos lang. Basta’t para sa iyo. Ikaw naman talaga ang una kong minahal. Hindi si Elmer. Alam mo iyan,” sabi ni Stacy.

“Alam mo namang matagal ka nang gusto ni Elmer kaya nagparaya ako. Pero hindi na ngayon. Gusto na kitang ipaglaban. Pero komplikado na ang lahat. Pare-pareho na tayong may mga anak. Baka makaapekto sa kanila. Kaya ganito lang ang magagawa natin. Patagong pagkikita. Patagong pagsasama,” sabi ni Nathan kay Stacy.

“Pero paano kung mahuli nila tayo?” nag-aalalang tanong ni Stacy kay Nathan. Kita ang pangamba sa kaniyang mga mata.

“Mag-iingat tayo. Dobleng ingat. Pero kung sakaling dumating man ang araw na iyon… bahala na.” siniil ng halik ni Nathan si Stacy at naulit ang kanilang pagtatalik.

Sa tuwing magkikita silang apat, kasama ang kanilang mga anak, matinding pagpapanggap ang ginagawa nina Nathan at Stacy at sinisikap nilang hindi maipahalata sa kanilang mga anak, lalo na kina Elmer at Rose Ann ang lihim nilang pagtitinginan at sulyapan sa isa’t isa.

Pero minsan ay pilya rin si Stacy. Kapag iniaabot niya ang malaking pinggang kinalalagyan ng ulam kay Nathan, sinasadya niyang pisilin ang kamay nitong ipinang-abot. Mapapatingin ito sa kaniya at kikindatan naman niya. Magtetext ito sa kaniya ng “Lagot ka sa akin.” bagay na magpapakilig kay Stacy dahil nangangahulugang lagot siya sa kama kapag nagkita sila.

Isang araw, muling inaya ni Nathan si Stacy na magkita sila sa kanilang paboritong motel. Katulad ng kanilang teknik, mauuna munang pumasok ang isa sa kanila. Pagpasok ni Stacy sa lobby, nagitla siya nang makita si Elmer na nakaupo. May katext. Tila may hinihintay. Hindi siya nito napansin.

Hindi malaman ni Stacy kung ano ang mararamdaman. Ang alam niya, namutla siya. Namutla dahil baka mahuli siya ng asawa at mabuko ang relasyon nila ni Nathan, o dahil natuklasan niyang may iba rin palang karelasyon ang asawa.

Maya-maya, tinawag na ng receptionist si Elmer. Pinapunta na ito sa taas. Room 609. Dinig na dinig ito ni Stacy. Mabuti na lamang at may dibisyon ang mga upuan sa naturang motel kaya hindi siya nakita ni Elmer.

Tinawagan ni Stacy si Nathan na noo’y papunta na.

“Nandito si Elmer sa motel…” balita ni Stacy kay Nathan.

“What? Nasundan ka?” takot na tanong ni Nathan.

“Hindi. Mukhang may iba siyang katagpo,” hindi rin maintindihan ni Stacy ang mararamdaman. May kurot sa puso siyang naramdaman. Masakit palang malaman mong pinagtataksilan ka ng iyong asawa.

“Tutuloy pa ba tayo?” tanong ni Nathan.

“Oo. Gusto kong malaman at makilala kung sino ang kabit ni Elmer!” tugon ni Stacy.

Kaya naman pagdating ni Nathan ay kumuha pa rin sila ng kwarto sa naturang motel. Matapos nito, dali-dali silang umakyat at nagtungo sa room 609. Nagitla si Elmer nang mabungaran niya si Stacy.

“Babe…? Anong ginagawa mo rito?” lalo itong namutla nang makita ni Elmer na kasama niya si Nathan.

Itinulak ni Stacy si Elmer at tuloy-tuloy na pumasok sa loob ng kuwarto. Subalit natigilan si Stacy. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Ang kasamang babae ni Elmer ay walang iba kundi si Rose Ann! Natameme rin si Nathan nang makita ang buntis na asawa sa loob. Napatda rin si Rose Ann nang makita si Nathan.

Sa loob ng halos labing limang segundo ay walang nangusap sa kanilang apat. Walang nakaimik. Lahat ay nagulat. Napaupo si Stacy sa sahig. Saka pumalahaw ng iyak si Rose Ann.

“A-anong ibig sabihin nito? Magpaliwanag kayo. Wala bang magpapaliwanag ni isa sa inyo kung ano ang ibig sabihin nito?” galit na tanong ni Stacy kina Rose Ann at Elmer. Nagpalipat-lipat ang kaniyang tingin sa dalawa.

“P-patawarin ninyo kami. Hindi namin sinasadyang mahalin ang isa’t isa. May kailangan kayong malaman. Ako ang ama ng dinadala ni Rose Ann,” pag-amin ni Elmer. Umigkas ang kamao ni Nathan at sinuntok niya si Elmer. Hindi naman ito nanlaban.

“Patawarin ninyo kami. Aamin naman kami eh. Hindi lang namin alam kung paano,” hiyang-hiyang sabi ni Rose Ann.

“Pwes, nagkakaaminan na lang din tayo. Sige, tutal ganito naman ang kinahantungan nito, aamin na rin kami ni Nathan. Mahal ko si Nathan at may relasyon kami. Matagal na. Kaya libre na kayong magsamang dalawa!” pag-amin ni Stacy sa dalawa na ikinagulat naman nina Rose Ann at Elmer.

“So ibig sabihin hindi lamang kami ang nagkakasala rito kundi kayong dalawa?” tanong ni Rose Ann.

“Patawarin mo ako Rose Ann pero mas nauna kong mahalin si Stacy,” sagot ni Nathan. Si Elmer naman ang dumaluhong kay Nathan at inundayan niya ito ng suntok. Hindi naman pumalag si Nathan.

Minabuti ng apat na maghiwa-hiwalay na lamang at magpakalayo-layo sa isa’t isa. Nagfile sila ng annulment. Masyadong naging komplikado ang mga nangyari. Nagtungo sa ibang bansa si Elmer upang maging OFW habang si Nathan naman ay umuwi sa probinsya upang magbagong buhay. Mag-isa namang pinalaki ni Rose Ann ang kaniyang mga anak, subalit nagpapadala naman ng sustento rito sina Elmer at Nathan. Si Stacy naman ay naging working mother para sa kaniyang mga anak.

Hindi nila alam kung maaayos pa ang kani-kanilang mga relasyon bilang mag-asawa at bilang magkakaibigan subalit lubhang komplikado ang lahat. Hahayaan na lamang nilang paghilumin ito ng panahon.

Advertisement