“Dre, tulungan mo naman ako. Ang tagal-tagal ko nang gustong ligawan si Nelia kaso hindi naman ako mapansin-pansin,” nguso ni Aldrin sa matalik na kaibigan.
“Paano ka mapapansin nun, eh, hindi ka naman nagpapapansin?” sagot ni Renz sa kaibigan habang abala sa paglalaro ng selpon.
“Hoy, anong hindi? Sumali nga ako ng basketball team dito sa school para sa kaniya, eh. Hindi ba gustung-gusto nun manood ng basketball?” paninigurado ni Aldrin.
“Mga basketball players kamo ang gusto niya hindi ‘yung laro,” pagkaklaro ni Renz sa kaibigan tsaka pin*tay ang kaniyang selpon.
“O, ‘yun naman pala, eh. Bakit hindi niya ako mapansin-pansin? Lahat nga ng tira ko pasok sa ring, eh. Kahit nga wala akong tulog at pera makapag-training lang ako para mapansin niya kaso wala pa rin, eh,” pagtataka ng binata. Bakas sa mukha nito ang lungkot.
“Iyon lang. Mahirap ka kasi. Hindi ka talaga papansinin nun. Teka. Hindi mo ata alam ang tsismis tungkol diyan sa babaeng gusto mo, eh. Ang nagiging nobyo lang daw niyan ay puro mayayaman. Pangit man o pogi basta mayaman papatusin na nun!” bulong naman ni Renz sa kaibigan. Bahagya namang nainis si Aldrin sa ibinalita ng kaibigan.
“Grabe ka naman! Baka naman nagkataon lang na mayayaman ang nagiging nobyo niya,” pagtatanggol na binata sa dalaga.
“O sige. Subukan mong manligaw. Lakasan mo loob mo. Pustahan tayo hindi ka papansin nun,” tugon ni Renz.
Agad namang sumang-ayon si Aldrin sa binata. Handa siya ngayong patunayan na hindi totoo ang tsismis na iyon. Buo ang loob niyang palabasing mabuting tao ang babaeng pinapantasya niya.
Nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Aldrin ngunit hindi niya pa rin magawang malapitan ang babaeng pinapantasya niya simula pa noong unang taon niya sa kolehiyo. Medyo may pagkatorpe kasi ang binata. Isa pa ay tila may pagka-isnabera ang kaniyang gustong dalaga. Pero nahamon ang binata sa sinabi ng kaniyang kaibigan. Gustung-gusto niya ngayong patunayan na mali ang pagkakakilala nito sa babaeng gusto niya.
Kinabukasan ay maagang nagpunta si Aldrin sa kanilang paaralan upang abangan sa gate ang kaniyang hinahangaang babae. Pag-upo niya sa isa sa mga bench malapit sa gate ay sakto namang dating ni Nelia. Agad siyang tumayo at sinalubong ang dalaga.
“Hi, Nelia! Ako nga pala si Aldrin. Alam mo ba…”
Hindi pa man tapos magsalita ang binata ay nilagpasan na ito ng dalaga. Ni hindi niya ito tinignan o pinansin man lang. Dire-diretso lamang itong naglakad habang gamit ang kaniyang selpon. Wala namang nagawa ang binata kung ‘di tignan na lamang ang likuran ng dalaga habang naglalakad palayo.
“Siguro nga totoo ang sinasabi ni Renz. Mukhang malabong mapansin ako ni Nelia. Hindi kasi ako mayaman, eh. Kita mo. Wala man lang akong maabot na bulaklak o tsokolate sa kaniya,” malungkot na sambit ng binata sa sarili habang patungo sa kaniyang silid
Habang naglalakad si Aldrin ay sakto namang bumuhos ang malakas na ulan. Agad niyang kinuha ang payong niya sa kaniyang bag tsaka nagpatuloy sa paglalakad. Ngunit noong mapadaan siya sa canteen ay nakita niya muli si Nelia. Balisa ito at mangiyak-ngiyak na. Nagdadalawang-isip ang binata kung lalapitan niya ba ito. Baka kasi hindi siya pansinin ulit.
“Lapitan mo na. Mukhang kailangan ka niya ngayon,” wika ni Renz sabay kindat sa kaibigan. Bigla na lamang itong sumulpot sa likuran ni Aldrin tsaka mabilis na naglakad palayo.
Nilapitan nga ito ng binata kahit pa hiyang-hiya na siya. “Ah, eh, ayos ka lang ba, Nelia?” nauutal na tanong ni Aldrin. Nagulat ang binata nang sagutin siya ng dalaga.
“Hindi, eh. Exam namin ngayon. Late na ako ng limang minuto. Baka hindi na ako umabot tapos biglang umulan pa ng ganito kalakas,” mangiyak-ngiyak na daing ng dalaga.
“Kaya mo sumugod sa ulan? Ito, o, payong. Gamitin mo muna,” tugon ni Aldrin. Agad kinuha ng dalaga ang payong. Halatang desidido itong makahabol sa exam. Naiwan namang nakangiti ang binata sa tapat ng canteen.
Lumipas ang isang oras. Hindi pa rin tumitigil ang ulan. Pumasok na ang binata sa canteen at hindi niya inaasahan ang mga sumunod na pangyayari. Nagulat siya nang bigla siyang lapitan ni Nelia. May bitbit itong tray na puno ng pagkain.
“Tara, kain tayo. Salamat kanina, ha. Nakahabol ako sa exam!” masayang sambit ng dalaga tsaka nilapag ang tray. Parang nakakita naman ng multo si Aldrin. Hindi siya makapaniwala sa mga kaganapan.
Doon rin ay nagkakuwentuhan na ang dalawa. Nalaman ni Aldrin na mali ang lahat ng tsismis na mahilig daw sa basketball player na mayaman ang dalaga. Sa katunayan ay isa itong sports journalist at hindi pa nagkakanobyo. Labis ngang natawa ang dalaga nang malaman ang tsismis tungkol sa kaniya.
Nagmamadali lang pala ang dalaga kanina kaya hindi siya nito napansin sa tapat ng gate. Humingi ito ng tawad dahil sa nangyari.
Simula noon ay palagi nang magkasama ang dalawa. Ngayon ay halos sa lahat ng akda ng dalaga ay si Aldrin ang tampok na atleta.
Hindi nagtagal ay nagkapalagayan na ng loob ang dalawa. Ngunit ayaw pa muna ng dalaga na pumasok sa isang relasyon. Lubos naman itong naiintindihan ng binata. Handa siyang maghintay hanggang sa makapagtapos sila.
Kung hindi mo talaga susubukang kilalanin ang isang tao ay malalason ng tsismis ang pagkakakilala mo sa kaniya.