“Nica, bakit mo naman tinapon ‘yung ginawang love letter ni Kenneth para sa’yo? Hindi mo ba alam pinaghirapan niya ‘yon? Bihira na lang ‘yung lalaking romantiko na katulad niya!” sigaw ni Lian sa kaibigan.
“Grabe ka talaga. Alam mo bang patulo na ‘yung luha niya kanina? Hindi ka man lang nagpasalamat! Nilukot at tinapon mo pa sa harapan niya!” dagdag pa ng kaibigan. Halata sa mukha nito ang pagkadismaya.
“Ang baduy kaya! Tapos binigay niya pa sa akin sa harap ng mga kaklase natin. Sobrang nakakahiya,” depensa ni Nica tsaka bumalik sa pag-aayos ng kaniyang kilay.
“Anong nakakahiya doon? Eh, kinaiinggitan ka nga ng ibang kaklase natin kasi sa’yo nagkagusto si Kenneth!” tugon ni Lian sa kaibigan. Kinuha nito ang pang-ayos ng kilay ni Nica.
“Naku, Lian, kahit anong sabihin mo ayoko sa kaniya. Marunong nga siyang gumawa ng love letter hindi naman siya marunong mag-toothbrush tsaka magplantsa ng damit! Mukha kaya siyang taong grasa. Hindi pa nga ata naliligo ‘yon bago pumasok! Tapos sasabihin mo naiinggit pa sila sa akin. Diyos ko! Sabihin mo sa kanila sa kanila na si Kenneth. Ayoko kamo doon!” iritableng sagot ng dalaga.
“Akin na iyang pangkilay ko! Baka dumating na si ma’am hindi pa pantay ang kilay ko!” sigaw ni Nica tsaka hinablot ang kaniyang pangkilay sa kamay ng kaibigan.
“Bahala ka, ha. Baka pagdating ng araw magsisi ka,” banta ni Lian tsaka bumalik sa kaniyang upuan
“No way! Hinding-hindi!” maarteng sigaw ni Nica tsaka tuluyang inayos ang kaniyang kilay.
Huling taon na ni Nica sa kolehiyo ngunit dahil nga sa angking kaartehan ng dalaga ay halos lahat ay inis sa kaniya. Mapa-guro o kamag-aral ginagawa ang lahat para lang maiwasan siya.
Bukod sa nag-iisa niyang kaibigan na si Lian may natatanging lalaki na gustong mapalapit kay Nica, si Kenneth. Kaya lang ay hindi ito ang tipo ng dalaga. Palaging gusot ang damit, magkaiba palagi ang suot na medyas, mahaba ang buhok at may kaitiman ang balat kaya naman diring-diri ang dalaga sa tuwing nilalapitan siya nito upang kausapin o bigyan ng love letter.
Kinabukasan, pagdating sa paaralan ni Nica, nagulat na lamang siya ng may naggagandahang bulaklak sa kaniyang upuan. Mukhang mamahalin. Amoy na amoy ang bango nito sa loob ng kanilang silid. Agad niya itong nilapitan. Nakita niyang may sulat na natatabunan ng mga bulaklak. Sabik niya itong binuklat at nang makitang galing ito kay Kenneth ay agad niya itong inihagis sa sahig.
“Kenneth! Ano na naman ito? Hindi ka ba nagsasawang mapahiya sa klase? Tigilan mo na itong kahibangan mo dahil kahit kailan ay hindi kita magugustuhan! Naiintindihan mo? Tanggalin mo nga itong mga kalat mo sa upuan ko!” sigaw ni Nica dahilan para magulat ang mga klase ng dalaga.
Nagmadali ang binatang tanggalin ang mga ikinabit niyang bulaklak sa upuan ng dalaga. Halatang pinipigil nito ang kaniyang mga luha. Nagsimula namang magbulungan ang kanilang mga kamag-aral.
Pagkatapos ng pagpapahiya na iyon ng dalaga sa binata ay hindi na muling gumawa ng kahit na anong supresa si Kenneth para kay Nica. Malimit na rin itong pumasok sa klase. Hanggang sa tuluyan na itong hindi nagpakita sa paaralan.
Tila nabahala naman si Nica. Ang usap-usapan kasi ay bigla na lang lumayas ang binata sa kanilang bahay.
“Lian, totoo bang lumayas sa kanila si Kenneth? Dahil ba sa’kin?” tanong ng dalaga sa kaibigan ngunit hindi siya nito inimik at dali-daling umalis ng silid.
Lumipas ang mga buwan at nakapagtapos na sila ng kolehiyo. Lahat sila ay nag-umpisa nang maghanap ng trabaho. Ngunit tila may bigat na nararamdaman si Nica dahil sa biglang pagkawala ni Kenneth.
Naglalakad pauwi si Nica galing sa pinag-applyan niyang trabaho nang mapansin niyang may pamilyar na mukhang bumaba sa isang magarang kotse tsaka dumiresto sa loob ng isang restawran. “Kenneth?”
Pilit inaaninag ng dalaga ang binata at nang mapatunayan niyang si Kenneth nga ito ay agad-agad siyang pumasok sa nasabing restawran.
Natulala ang dalaga nang makaharap ang dating pinandidirihan niyang lalaki. Kagalang-galang na ito ngayon. Mabango at halatang malaman ang pitaka.
“O, Nica! Kamusta ka na?” sambit ng binata tsaka nito inalok ang dalaga na maupo.
Dahan-dahang naupo si Nica habang nakatulala sa lalaking nasa kaniyang harapan.
Doon nalaman ng dalaga ang totoong nangyari sa binata. Nasa ikatlong taon pa lang pala nila sa kolehiyo ay pumapasok na ito sa call center. Kaya pala hindi na ito nakakapamalantsa o nakakaligo ay dahil pagkagaling nito sa trabaho ay dumidiretso na ito sa paaralan. Sa katunayan ang mga binibigay nitong love letter sa dalaga ay sa bus nito ginagawa.
Sinuwerte ang binata dahil pinadala ito sa ibang bansa ng kaniyang boss at doon ipinagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Ngayon ay may sarili na itong call center agency.
Dahil sa mga nalaman ay naging buo ang loob ni Nica na sabihin kay Kenneth na puwede na itong manligaw sa kaniya. Ngunit mayamaya ay nagulat ang dalaga nang may dumating na isang magandang babae.
“Ah, Nica, si Joyce nga pala. Girlfriend ko,” pakilala ni Kenneth sa dating niligawan.
Nanlumo si Nica sa mga katagang narinig at para hindi mapahiya ay agad na siyang nagpaalam.
Sising-sisi si Nica sa mga ginawa niya dati sa binata. Wala na siyang magawa ngayon kung ‘di tanggapin ang kaniyang pagkakamali at magsipag sa paghahanap ng trabaho para iahon ang sariling pamumuhay.
Mag-ingat sa taong tinatapakan baka pagdating ng araw ay magsisisi ka sa pang-aalipusta mo sa kaniya.