Inday TrendingInday Trending
Pangarap Ko, Natupad ng Anak Ko

Pangarap Ko, Natupad ng Anak Ko

“Lara, nasaan ka na? Para ka namang timang! Kung kailan naman final interview na doon ka pa aatras! Ito na ‘yon, Lara! Ito na ‘yung pangarap natin. Abot kamay na! Magiging ganap na model na tayo!” pangungumbinsi ni Monique sa kaibigan sa telepono.

“Pasensya ka na, Monique. Hindi ko talaga magagawang tumuloy pa. Kahit pa pumasa ako sa final interview hindi ko rin maipagpapatuloy ang pangarap natin,” tugon ng dalaga tsaka nagsimula nang gumaralgal ang boses nito.

“Ano bang mga sinasabi mo? Bakit ka ba umiiyak diyan? May problema ka ba? Pag-usapan natin. Tutulungan kita. Pumunta ka dito sa venue. Hihintayin kita,” saad ni Monique. Sobra siyang nag-aalala para sa kaibigan.

“Monique, hindi mo kasi naiintindihan!” sigaw ng babae sa telepono sabay hikbi.

“Kaya nga ipaliwanag mo sa’kin! Makikinig naman ako sa’yo, eh,” inis na tugon ng dalaga.

“Monique, buntis ako. Hindi na ko tutuloy pa. Pumunta man ako diyan at makapasa wala na ring silbi iyon!” pagtatapat ni Lara.

Narinig ni Lara ang pagbagsak ng selpon ng kaibigan. Siguradong gulat na gulat ito sa kaniyang ibinalita. Agad nang ibinaba ng dalaga ang telepono tsaka nagtalukbong ng kumot at umiyak.

Ganap nang labing siyam na taong gulang ang dalagang si Lara. Dahil nga hindi naabutan ng K-12 program ay tapos na siya ng pag-aaral. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho ngayon sa isang sikat na casino sa Maynila at tuwing wala siyang pasok sa trabaho ay pumapasok siya bilang isang modelo ng mga damit.

Ngunit nag-iba ang timpla ng dalaga. Palagi siyang nahihilo at nasusuka tuwing umaga dahilan para gumamit siya ng pregnancy test. Doon niya napatunayang totoo ang hinala niya, buntis nga siya. Halos manlumo si Lara sa hinalang napatunayan. Hindi niya ngayon lubusang maisip kung paano ito masosolusyunan. Isa pa, hindi niya na matagpuan ang lalaking nakilala niya sa casino na nakabuntis sa kaniya.

Nung araw ring iyon ay tumawag muli kay Lara ang kaniyang kaibigan upang ibalitang natanggap ito at isa na itong ganap na modelo ng isang kilalang pabrika ng damit.

Hindi nakatiis si Monique dahil alam niyang malungkot ang kaibigan niya kaya pinuntahan niya ito. Nadatnan niyang humahagulgol ang dalaga sa kaniyang silid. Agad niya itong niyakap at pinakalma.

“Monique, ipalaglag ko na lang kaya itong bata?” tanong ni Lara tsaka nagpunas ng luha.

“Nasisiraan ka na ba? Hindi. Hindi magandang solusyon iyan. May permanenteng trabaho na naman ako. Hayaan mo. Tutulungan kita para buhayin iyang dinadala mo. Tumahan ka na diyan. Masama iyan para sa’yo lalo na para sa magiging anak mo,” sermon ni Monique sa kaibigan. Nabuhayan ng loob si Lara dahil sa sinabi ng kaibigan na masasandalan niya ito.

Katulad ng ipinangako ni Monique tinulungan niya ang kaibigan sa pagpapalaki sa anak nito. Magkatuwang nila itong pinalaki simula nung ipinanganak ito hanggang sa ngayon na isa na itong ganap na kolehiyala. Walang sablay si Monique sa pagsuporta sa mag-ina.

“Tita! Gusto ko po sanang maging isang modelo rin katulad mo. Puwede kaya ako?” tanong ni Larshy, anak ni Lara.

“Oo naman, Larshy! Sa ganda mong iyan? Naku, siguradong matutuwa ang mama mo dahil gusto mong maging modelo!” masayang tugon ni Monique sa dalaga.

Nang malaman ni Monique na gusto ng dalaga na maging isang modelo katulad niya ay agad niya itong isinama sa kaniyang modeling agency. Sa kabutihang palad ay nagustuhan ang dalaga ng mga nakakataas at pinagsimula na itong magtrabaho.

Labis na lamang ang sayang nararamdaman ni Larshy lalo pa’t nalaman niyang masaya rin ang nanay niya sa unti-unti niyang pagtatagumpay.

“Huwag mo lang papabayaan ang pag-aaral mo, ha? Tsaka ingatan mong maigi ang sarili mo. Huwag mong hayaang matulad ka sa’kin,” bilin ni Lara sa anak. Agad namang tumangu-tango si Larshy tsaka niya niyakap ang ina.

Todo suporta si Lara sa anak. Sa katunayan sa tuwing may fashion show si Larshy ay palagi itong nanonood.

“Maaga man akong nabuntis tila natupad pa rin ang pangarap ko. Kay galing talaga ng Panginoon, ano? Hindi ko man nakuha ang pangarap ko may isang taong malapit sa akin ang tutupad noon. Sobrang gaan sa pakiramdam,” wika ni Lara sa kaibigan habang pinapanood kung paano rumampa ang anak. Agad niyang niyakap ang kaibigang si Monique tsaka nagpasalamat sa walang mintis na pagtulong nito.

Hindi mo man matupad ang pangarap mo dahil sa maraming dahilan hindi ito dahilan para mawalan ng pag-asa. Patuloy kang manalig sa Kaniya dahil siguradong may mas maganda siyang plano na nakalatag para sa iyo.

Advertisement