Inday TrendingInday Trending
Huling Tinig ni Nanay

Huling Tinig ni Nanay

“Anak, pakikuha nga ang labada para makapaglaba na ako.”

Parang walang narinig si Cesar sa tawag ng kaniyang inang si Aling Martha. Tutok na tutok kasi siya sa paglalaro ng Mobile Legend. Hindi niya narinig ang utos ng ina.

“Cesar, ano ba? Narinig mo ba… Kaya naman pala!” Piningot ni Aling Martha ang anak na lalaki na ikinabigla naman nito.

“Aray! Bakit po?” galit na tanong ni Cesar sa namingot na ina. “Puro ka kasi laro! Darating ang araw na ipapakain ko na sa iyo ang selpon mo. Sabi ko pakidala na sa banyo ang mga maruruming damit para makapaglaba na ako, senyorito! Nakakahiya naman kasi sa iyo,” galit na sabi ni Aling Martha sa anak.

Padabog na inihagis ni Cesar ang selpon sa sofa at tumalima sa utos ng ina. Marami pang sinasabi ang ina niya na paulit-ulit niyang naririnig araw-araw subalit hindi na niya pinakinggan. Sanay na siya. Ang ginagawa niya pasok sa kaliwang tenga at labas sa kanang tenga.

Mahilig sa online games si Cesar. Halos hindi niya mabitiwan ang selpon kalalaro ng Mobile Legends. Hindi naman niya pinababayaan ang pag-aaral. Ang totoo niyan ay isa siya sa mga mahuhusay na mag-aaral sa kanilang seksyon sa buong Grade 9. Pero pagkauwi sa bahay imbes na tulungan ang ina sa mga gawaing-bahay ay nakatutok na ang pansin ni Cesar sa paglalaro.

Hindi naman nagkulang si Aling Martha sa pagsuweto sa anak. Minsan ay naiiyak siya sa gabi dahil wala siyang katuwang sa pagpapalaki kay Cesar. Maagang naulila sa ama si Cesar dahil yumao kaagad ito dahil sa sakit sa puso.

Napansin ni Aling Martha na mainitin ang ulo ni Cesar at napapadalas ang pagdabog kapag inuutusan niya ito sa kalagitnaan ng paglalaro ng online game. Para sa kaniya ay nakababahala ito. Ayaw niyang dumating ang araw na magiging tamad si Cesar at wala na itong aatupagin kung ‘di ang paglalaro.

“Cesar, para din sa iyo ang sinasabi ko. Wala kang mapapala kung ilalaan mo ang oras at araw mo sa paglalaro. Wala namang masama sa ginagawa mo pero huwag namang sobra,” laging paalala ni Aling Martha sa anak. Pero parang hindi siya pinapansin nito.

Isang hapon, pagkauwi ni Cesar mula sa paaralan ay napansin niyang nakahiga lamang sa kwarto ang kaniyang ina. Mukhang hindi ito pumasok sa trabaho. Isa itong factory worker sa isang pabrika ng biscuit.

“Hindi po kayo pumasok sa trabaho?” untag ni Cesar sa ina. Nakapikit lamang ito.

“Masama ang pakiramdam ko, anak. Nagugutom ka na ba? Gusto mo bang kumain?” Bagama’t may sakit ay inalala pa rin ni Aling Martha ang anak.

“Hindi na po. Busog pa po ako,” tugon ni Cesar. Sa isip-isip niya ay mabuti na rin iyon. Dahil nakahiga lamang ang ina hindi na siya nito masisita.

Gaya ng nakasanayan ay naglaro nang naglaro si Cesar ng Mobile Legends. Hindi niya namalayan ang oras dahil tahimik lamang ang kaniyang ina. Hindi katulad noon na maririnig na niya itong nananaway at susundan pa ng sermon.

Bandang alas nuwebe ng gabi nang makaramdam ng gutom si Cesar. Tsaka niya lang naisip na may sakit pala ang kaniyang ina. Agad siyang nagtungo sa kwarto nito. Laking gulat niya nang makitang nakahandusay ito sa sahig. Agad niyang dinaluhan ang ina. Tila wala na itong pulso. Lumabas siya at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Pagdating sa hospital ay wala ng buhay ang ina ni Cesar. Na heat stroke pala ito. Humihingi ito ng tulong sa anak subalit hindi nito narinig dahil sa kalalaro ng online game. Labis na napaiyak si Cesar sa pagkawala ng kaniyang ina. Sising-sisi siya na hindi niya natulungan ang ina.

“Kasalanan ko ito! Kasalanan ko ito!” tumatangis na sabi ni Cesar habang nakayakap sa mga labi ng inang natatakpan ng puting kumot.

Gusto ulit marinig ni Cesar ang malakas na tinig ng kaniyang ina habang pinagagalitan siya nito. Gusto niyang marinig ang panenermon nito sa kaniya. Kaya naglaro siya nang naglaro ng online game nung araw na iyon. Nagbabakasakaling may sumita sa kaniya. Subalit walang Aling Martha ang gumawa nito. Nais niyang marinig ang huling tinig ng nanay.

“Cesar, tama na ang laro. Nariyan na ang nanay mo,” isang tinig ang narinig niya. Napalingon si Cesar. Akala niya’y tinig ng kaniyang ina subalit ito pala ang kaniyang tita. Dumating na ang mga labi ni Aling Martha mula sa morgue.

Kinupkop si Cesar ng kaniyang mga tiyuhin. Sila rin ang nag-asikaso ng lahat ng pagpapaburol at pagpapalibing kay Aling Martha. Sa puntod ng kaniyang ina, kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan, ipinangako ni Cesar na susundin na niya ang lahat ng mga pangaral ng kaniyang pinakamamahal na ina.

“Cesar, gumising ka! Anong nangyayari sa iyo?”

Idinilat ni Cesar ang mga matang hilam sa luha. Nabungaran niya ang mukha ni Aling Martha. Panaginip lamang pala ang lahat! Niyakap nang mahigpit ni Cesar ang kaniyang ina. Akala niya’y huling tinig na nito ang maririnig niya.

“Nakatulugan mo na naman ang paglalaro ng online game! Ikaw talagang bata ka!” muling sermon ni Aling Martha. Rumatsada na naman ang bibig nito. Subalit mataman na itong pinakinggan ni Cesar. Parang totoo ang kaniyang panaginip. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil panaginip lamang ang lahat.

Simula noon ay nilimitahan na ni Cesar ang paglalaro ng online game at pinakikinggan na niya ang mga payo at sermon ng kaniyag nanay.

Advertisement