
Ang Kasambahay
“Coring! Juice nga!” tawag ni Leslie sa kanilang kasambahay na si Aling Coring, 50 taong gulang.
Dali-daling lumapit ang tinawag na kasambahay sa kaniyang amo. “Ma’am, ano po iyon?”
Nanlaki ang mga mata ni Leslie sa kaniyang kasambahay. Kasalukuyan siyang nasa terasa, nakaupo at tumitipa sa kaniyang laptop.
“Bingi ka ba? Sabi ko dalhan mo ako ng juice,” asik ni Leslie kay Coring.
Yumukod ng kaunti ang may gulang na kasambahay. Tumalikod at nagtungo sa kusina upang ikuha ng juice ang kaniyang amo. Inilapag niya sa mesa ang pitsel ng juice, malaking baso at mga yelo.
“May ipag-uutos pa po ba kayo?” tanong ni Aling Coring kay Leslie. “Wala na. Tatawagin na lang kita kapag may kailangan ako,” sagot ni Leslie.
Ni hindi man lamang tinapunan ng babae ng sulyap ang kasambahay. Nakatutok ang kaniyang mga mata sa kaniyang ginagawa sa laptop.
Hindi rin umalis si Coring sa tabi ni Leslie. Napansin ito ng masungit na amo. “Anong tinatayo-tayo mo riyan? Hindi ba sabi ko wala na akong kailangan?” galit na sabi ni Leslie sa kasambahay.
“Gusto ko lang tanungin, ma’am, kung ayos lang po kayo? Mukha kasing pagod na kayo. Magpahinga naman po kayo,” pagmamalasakit ni Coring sa kaniyang amo.
“Ayos lang ako umalis ka na,” asik ng babae.
“Pero, ma”am…”
“Sinabi nang umalis ka sa tabi ko!” galit na sabi ni Leslie at ibinato ang baso sa malayo. Tumama ito sa pader at mabilis na nabasag.
Namutla naman si Coring sa ginawa ni Leslie. Labis talaga ang bagsik ng kaniyang amo. Subalit nagpakahinahon si Coring. Tahimik siyang bumalik sa kusina at nagsimulang hugasan ang mga pinagkainan.
“Nagalit na naman ang amo natin?” tanong kay Coring ng kusinerang si Menchie.
“Dem*nyita talaga ang babaeng iyan! Kung hindi ko lang kailangan ng pera matagal ko nang nilayasan iyan, eh,” pahayag ni Nelia, ang dalagitang labandera.
“Maghunos-dili kayo. Mabait ‘yang si Leslie. Ang ibig kong sabihin si Ma’am Leslie. Nagkulang lang iyan sa atensyon ng magulang. Pero mabuting tao siya. Alam ko,” pagtatanggol ni Coring sa kanilang among babae.
“Paano mo naman nalaman, Aling Coring? Pinagtanggol mo na naman ang amo natin,” sabi ni Nelia kay Coring.
“Eh, kasi nga simula nang isilang si Leslie ni Donya Carmen nandito na iyang si Coring. Nasubaybayan niya ang paglaki ni Leslie. Hindi ba, Coring?” pagpapaliwanag ni Menchie.
“Oo. Kaya kilala ko ang batang iyan. Sige na magsibalik na tayo sa mga trabaho natin,” wika ni Coring sa kaniyang mga kasamahan.
May katotohanan ang sinabi ni Menchie patungkol kay Coring. Wala pa mang anak sina Don Paulo at Donya Carmen ay kasambahay na nila si Coring. Nasaksihan ni Coring ang pagmamahalan ng dalawa subalit hindi sila mabiyayaan ng anak. Isang biyaya ng Diyos ang pagdating ni Leslie sa kanila.
Subalit hindi naging maganda ang pagtrato ni Donya Carmen kay Leslie habang ito ay lumalaki kahit na ito ang kaisa-isa nitong anak. Gayundin kay Coring. Mainit ang dugo nito sa kasambahay bagay na namana naman ni Leslie. Sa kanilang mga katulong ibinubunton ang pagkainis sa sariling ina.
Isang gabi ay nagulat ang lahat sa mansyon nang magkasagutan sina Donya Carmen at Leslie.
“Maliit na halaga lang naman ang hinihingi ko, mama. Dagdag na kapital lang sa aking negosyo. Bakit hindi mo ako mapagbigyan?” galit na tanong ni Leslie kay Donya Carmen.
“Akala ko ba’y kaya mo nang tumayo sa sarili mong mga paa? Bakit lumalapit ka sa akin ngayon?” matigas na tanong ni Donya Carmen sa anak.
“Hindi naman sa iyo ang buong kayamanan mo, mama, kaya huwag mong ipagkait sa akin. Pinaghirapan iyan ni papa. Kung hindi dahil sa kaniya hindi tayo yayaman ng ganito,” saad ng dalaga sa babae.
Nagulat si Leslie maging si Coring nang biglang lapitan ni Donya Carmen si Leslie at binigyan ng isang malakas na sampal sa pisngi nito.
“Ang kapal ng mukha mo! Wala kang utang na loob. Matapos kitang palakihin, bihisan at pakainin ganiyan ang sasabihin mo sa akin?” sumbat ni Donya Carmen.
Hinawakan ni Leslie ang nasaktang pisngi. Dumalo naman sa kaniya si Coring.
“Donya Carmen, maawa po kayo kay Leslie,” pakiusap ng kasambahay.
“Huwag kang makialam dito, Coring!” galit na sabi ni Donya Carmen.
“Hindi puwedeng hindi ako makialam dito, Donya Carmen. Anak ko ang sinasaktan ninyo!” nasambit ni Coring.
Napatda ang lahat nang nakarinig. Nanlaki ang mga mata ni Donya Carmen. Hindi naman nakahuma si Leslie sa kaniyang narinig.
“Oo, Leslie. Anak kita. Anak ka namin ni Don Paulo. Siguro’y panahon na upang malaman mo ang katotohanan,” lumuluhang sabi ni Coring sa anak. At ipinagtapat niya rito ang katotohanan.
Hindi magkaanak sina Don Paulo at Donya Carmen dahil baog ang donya. Nang malaman ito ni Don Paulo ay naglasing ito. Sa labis na kalasingan ay nagalaw nito si Coring na noo’y may lihim na pagtingin kay Don Paulo. Galit na galit si Donya Carmen sa ginawa ng asawa. Nagbunga ang kasalanan nina Don Paulo at Coring. Ipinasya ni Donya Carmen na ampunin ang anak ng kasambahay upang matakpan ang kahihiyan ng kaniyang pagiging baog. Pagkapanganak ni Coring ay dinala ito ni Donya Carmen sa ibang bansa at nanirahan doon ng halos dalawang taon upang kunwari’y nanganak ito at doon pinalaki ang anak. Nakiusap si Coring na huwag siyang palayasin sa mansyon upang patuloy na makita at masubaybayan ang anak.
Matapos ang pagsasalaysay ni Coring at ang pagkompirma rito ni Donya Carmen ay mahigpit na niyakap ni Leslie ang tunay na ina. Nakonsensya siya dahil sa hindi magandang pagtrato niya kay Coring na siyang tunay pala niyang ina.
Ipinasya nila Coring at Leslie na bumukod na lamang at magsama bilang tunay na mag-ina. Simula nung nalaman ni Leslie na ang tunay niya ina ay ang kanilang kasambahay ay trinato na niya ng mas maayos si Coring na labis na ikinatuwa ng babaeng sabik na sabik sa pagmamahal ng kaniyang anak. Si Donya Carmen naman ay malungkot na nanirahan sa malaki niyang bahay kasama ng kaniyang kusinerang si Menchie at ng kaniyang labanderang si Nelia.