Inday TrendingInday Trending
Ngayong Nakuha Mo na Ako

Ngayong Nakuha Mo na Ako

Magtatatlong taon nang kasal sina Marvin at Jessa. Mas matanda ang lalaki ng sampung taon kaysa sa babae pero hindi naman nahahalata ito sa itsura.

“Jessa, sobrang suwerte mo talaga sa asawa mo, ano? Sobrang bait na at napakaresponsable pa. Siguro ang sarap maging misis niya!” saad ni Beth, isa sa mga kapitbahay ng mag-asawa.

“Oo naman ho. Talagang ipinagpapasalamat ko sa Diyos na siya ang lalaking binigay sa akin. Pero hindi naman ho perpekto ang asawa ko. May bisyo din naman siya katulad ng alak at sigarilyo!” pabirong sagot ni Jessa sa babae.

“Naku, kahit na malunod sa alak at sigarilyo ay hayaan mo na. Ang mahalaga’y hindi mambababae! Kaya kung ako sa’yo ay hindi ko aawayin palagi ang asawa ko,” dagdag pa ni Beth.

Hindi na lang sumagot si Jessa at sinuklian ng pilit na ngiti ang kausap niya. Mabilis siyang umalis at pumasok sa kwarto tsaka huminga.

“Hindi ganitong buhay ang pinangarap ko,” isip-isip ni Jessa tsaka pinunasan ang mga luhang kanina pa pinipigilan.

Kinuha ni Jessa ang telepono at muling tinignan ang mga litrato nila ng kaniyang asawa. Halos limang taon silang naging magkasintahan bago niya tuluyang ibinigay ang matamis niyang oo, sa altar at sa pangakong sila ang magsasama hanggang dulo.

Napakaraming manliligaw noon ni Jessa ngunit hindi lamang nobyo ang nakita at naramdaman niya sa asawa kung ‘di ang kalinga nito bilang isang tatay, kapatid at kaibigan. Lumaki kasing mag-isa ang babae sa Maynila. Bata pa lamang siya ay pumanaw na ang kaniyang ama dahil sa sakit sa atay. Ang kaniyang nanay naman ay naiwan sa probinsya at mas pinili niyang subukan ang kapalaran sa Maynila.

“Mama, bakit ka umiiyak?” tanong ni Kath, ang magta-tatlong taong gulang na anak nila Jessa.

“Wala, anak, napuwing lang si mama,” mabilis na sagot ni Jessa sa bata.

“Huwag ka nang mag-cry, mama. Hayaan mo. Aawayin ko si papa kasi nag-iinom na naman siya today. Kami ngang mga baby kapag nagbi-birthday ay milk lang ang iniinom. Dapat siya rin. Dapat hindi beer!” baling kay Jessa ng bata sabay mabilis itong tumakbo palabas ng kwarto.

Natatawa na naiiyak na lamang si Jessa sa sinabi ng kaniyang anak. Paano’y kinalakihan na nito ang palagi nilang pag-aaway ng asawa lalo na pagdating sa bisyo ng lalaki. Pinilit naman niyang intindihin ang mister ngunit napakalaki nang pinagbago nito lalo na nung nagka-anak sila.

“Ano na naman ba ‘yang iniiyak mo? Ang dami na namang sinabi sa akin ni Kath. Kung anu-ano na lang ang tinuturo mo sa anak natin. Ang dami ko pa namang bisita sa labas. Nakakahiya,” baling ni Marvin sa asawa.

“Alam mong hindi ko tinuturuan ‘yang anak mo. Alam mong matalino ‘yan kaya huwag mong isisi sa’kin kung pinagsasabihan ka niya,” sagot naman ni Jessa sa lalaki.

Aalis na sana ang mister niya nang bigla pa siyang nagbitaw ng salita. “Nakuha mo na ang lahat sa’kin, tapos wala na. Ganito na tayo. Wala na tayong respeto sa isa’t isa.”

“Ano na naman ba ‘yang mga linyahan mo. Mage-emote ka na naman!” inis na sagot ng lalaki.

“Hindi. This time hindi na ako iiyak. Alam mo kung bakit? Matigas na ako. Tumigas na ‘yung puso ko sa mga ginagawa mo,” nakangiti pa si Jessa nang sinabi ito.

“Naalala mo ba nung nililigawan mo ako? Halos sungkitin mo ‘yung bitwin sa langit makuha lang ang matamis kong oo. Halos ipagpalit mo ang alak at sigarilyo makuha lamang ang puso ko. Mali ba ang nagtiwala ako sa’yo na magbabago ka hanggang dulo? O baka naman may mali sa pagsasama natin,” saad ni Jessa.

“Ni kahit minsan hindi ko pinaramdam sa’yo ‘yung age gap natin kaya halos lahat ng adjustment ginagawa ko para sa’yo. Eh, ikaw ba naisip mo man lang ba ‘yung mga gusto ko? Hindi ko kinakalimutan lahat ng sakripisyo at hirap mo mabuhay lamang kami ng anak mo. Masakit man sabihin ‘to pero talagang ang laki na nang pinagbago natin,” pagpapatuloy ng babae.

“Wala na ‘yung dating tayo,” saad ni Jessa sabay upo ng tuwid. Humarap siya sa salamin at ngumiti.

“Binigay ko lahat sa’yo. Kabataan ko, pangarap ko, oras ko, buhay ko kasi ganun kita kamahal. Pero ito pala ang kapalit nang pagiging isang misis. ‘Yung wala na akong boses sa pagsasama natin,” wika ni Jessa.

“Ni hindi na kita puwedeng awatin pa sa pagbibisyo mo. Hindi na kita puwedeng pagsabihan. Hindi mo na ako hinahalikan o niyayakap man lang. Hindi mo na rin ko tinitignan katulad ng dati.” At tuluyang pumatak ang luha ni Jessa.

“Kahit nga magsabi ng “I love you” hindi mo na magawa. Kaya minsan iniisip ko may mali ba sa akin? Maganda pa rin naman ako, maayos, mabango. Pero bakit ganun? Pakiramdam ko basura na ako sa pangingin mo. Hindi na ako ang babaeng hinihiling mo dati dahil nanay na lang ng anak mo ang tingin mo sa akin ngayon,” malungkot na saad ng babae.

“Higit sa lahat hindi na ikaw ang lalaking pinakasalan ko,” pahayag ni Jessa at tsaka niya sinimulan ang pag-aayos ng mukha.

Hindi nakapagsalita si Marvin. Napayuko na lamang siya.

Tinitigan niya ang misis sa ginagawa nito at napapikit ang lalaki.

“Sorry,” mahinang sabi ni Marvin.

“Akala ko dahil nabibigay ko ang magandang buhay sa inyo ay masaya ka na. Hindi ko na naalalang hindi pala tayo sa ganun nag-umpisa. Sorry kung kinalimutan kita,” sabi ni Marvin na tila mabilis na nawala ang alak sa kaniyang katauhan.

Tumayo siya at mabilis na niyakap ang asawa. “Patawarin mo ako, ma. Mahal na mahal kita!” bulong ni Marvin sa babae.

“Naging kampante ako sa buhay dahil palagi ko kayong nakikita ni Kath. Alam kong pamilya tayo kaya akala ko okay tayo. Akala ko nag-iinarte ka lang sa tuwing pinipigilan mo akong magbisyo pero mali ako kasi hindi ko nakikita ‘yung mas malaking dahilan mo. Hindi na kita nabibigyan ng oras bilang asawa ko,” dagdag pa ng lalaki.

“Huwag mo akong sukuan. Gabayan mo pa ako lalo bilang mister mo. Sabihin mo kung anong mali ko. Tatanggapin ko. I’m sorry. Sobrang manhid ko para maramdaman mo ang lahat ng sakit na ito. Patawarin mo ako, ma,” umiiyak na pahayag ng lalaki.

Mabilis namang nabuhusan ng pagpapatawad ang kaninang galit na puso ni Jessa. Mahal na mahal niya ang mister at ang mga salita nito ay sapat na para magtiwala siyang muli na hindi pa bumibigay ang kanilang pangakong magsasama habang buhay.

Ngayon ay mas napagtanto ni Marvin na hindi porke’t asawa na niya si Jessa ay kakalimutan na niya ang maliliit na bagay na nagpapasaya sa kaniyang misis. Dahil ang pag-aasawa ay isang walang tigil na proseso ng pagmamahalan sa bawat isa.

Si Jessa naman ay mas naging bukal sa kaniyang mister sa mga pangangailangan nito. Lalo na sa oras at lambing niya sa asawa at sa pamilya nila.

Sa huli’y walang away ang hindi naaayos ng isang malalim na usapan, pagtanggap sa kamalian, paghingi ng patawad at paggawad ng kapatawaran.

Advertisement