Inday TrendingInday Trending
Donyang Misis

Donyang Misis

Isang taon na ang nakalipas nang ikasal si Marian sa asawa niyang si Ramil, isang doktor. Mula noon ay taas noo na lagi ang babae. Pakiramdam niya ay nanalo siya sa lotto at nakakaangat na siya sa lahat.

Paborito niya ring inggitin ang kanyang mga pinsan, lalong-lalo na si Carmi. Paano kasi, palagi nalang itong mas magaling sa kanya dati pa. O nasaan na ito ngayon, hindi ba at naghihirap sa buhay? Saan ito pinulot ng katalinuhan nito?

Samantalang siya, donya! De kotse, malaki ang bahay at may mga katulong pa.

“Kung gusto ninyo, sa amin nalang tayo mag-reunion.” prisinta niya sa group chat ng kanilang pamilya sa Facebook.

“Okay lang ba talaga? Hindi ba nakakahiya kay Doc?” tanong ng tita niya.

“Of course not tita. My husband is a good man, tsaka malaki naman ang garden namin. Enough space para mag-barbecue ganyan. Bonding-bonding,”

Natuwa ang mga ito kaya pumayag lahat. Doon niya naisip na itanong, “Pupunta ba si Carmi?”

“Oo, isasama iyong mapapangasawa niyang si Herald. Mabait ang lalaking iyon.” sabi ng tito niya.

Hindi na siya nag-reply pa. Excited na siya sa darating na Sabado. Tinawagan niya na ang isang kilalang caterer para ipagluto sila. Aba, dapat bongga ano! Sisilawin niyang mabuti si Carmi. Ipapamukha niya ritong mas angat na siya ngayon.

Mabilis lumipas ang mga araw at sumapit na ang reunion. Busog na busog ang pride ni Marian dahil todo puri ang mga tiyahin sa kanilang dalawa ng kanyang asawa. Maganda ang ayos ng bahay. Nag-picture pa nga ang ilang mga kamag anak nila dahil sosyal raw.

Nang matanaw niya si Carmi sa gate na may ka-hawak kamay na isang binata ay napangisi siya.

“It’s showtime,” bulong niya sa sarili.

“Cousin!” plastik na sigaw niya. Napangiti naman ito nang masulyapan siya. Nagbeso-beso sila at iginiya niya na ang dalawa sa upuan.

“Pinsan, siya si Herald. Ang mapapangasawa ko,” proud na sabi ni Carmi.

“Hi Herald! Ano ang job mo?” diretsang tanong niya.

“Hello, isa akong office staff sa Makati,” wika ng lalaki.

“Ah. Sorry kung naitanong ko ha? Kasi, my husband is a doctor. Malay mo, doctor ka rin pala tapos magkakilala kayo.” sabi niya na may halong pagyayabang.

Nagkatinginan lang naman ang dalawa.

“So saan kayo magpapakasal? Maganda ang church sa Tagaytay. Sa may Lourdes, tapos malamig pa. Ang dami na ring resto doon for reception.”

“Ang totoo kasi niyan, civil wedding muna kami. Naiintindihan naman ni Carmi, diba mahal? Mas uunahin kasi sana naming mag ipon para sa bahay. Ang mahalaga naman ay maging asawa ko siya,” masuyong wika nito tapos hinalikan ang babae sa noo.

Napangisi si Marian. Alam niya na naman iyon, gusto niya lang hiyain ang dalawa.

Wala siyang ibang ginawa noong araw na iyon kundi tabihan ang magnobyo at hasapin sa yaman niya. Pakiramdam ni Marian, waging wagi siya.

Makalipas ang limang taon

Abala muli si Marian dahil dito sa bahay nila gaganapin ang reunion ng pamilya. Hindi naman na siya nakatanggi dahil ayaw niyang isipin ng mga kamag anak niya na may problema sila kahit na ang totoo ay meron talaga.

Hindi kasi sila magkaanak ng kanyang mister. Lahat na yata ng paraan ay ginawa nila pero wala talaga. Nagsisimula na nga siyang mawalan ng pag asa.

Isa-isang nagdatingan ang mga bisita. Nag init ang mga mata niya nang makita si Carmi at ang ngayo’y asawa na nitong si Herald. Bitbit ng mga ito ang dalawang taong gulang na anak.

Lumapit siya sa dalawa para gawin ang ginawa niya dati. Baka sakaling bumuti ang pakiramdam niya.

“Alam mo, hindi ko sure kung paano ninyo nagagawang ngumiti. Ang balita ko kina tita ay nagpunta kayo ng probinsya di ba? Bakit? Dahil hindi kinaya ng bulsa ninyo ang way of living dito sa Manila?”

Nagulat man ay sumagot si Carmi, habang abala itong nagpapadede ng anak.

“Alam mo pinsan, noong una aaminin ko nainggit ako sayo. Kasi ang ganda-ganda ng buhay mo. Kasi ang bongga ng kasal mo, tapos mansyon pa itong bahay ninyo. Pero alam mo? Mula nang dumating sa amin si JR, nawala lahat iyon. Na-realize ko na masaya ako dahil ang pinakamahal na yaman sa mundo ay nasa akin- ang aking anak. Ang mag ama ko,” madamdaming wika nito.

Napangiti naman si Herald.

Parang sinampal si Marian. Sukat sa narinig ay bigla na lamang siyang natauhan sa pinaggagawa niya. Ang totoo kasi ay siya ang naiinggit, sa kabila ng yaman niya.. hindi pa rin siya masaya.

Napaluha siya at humingi ng tawad sa pinsan.

“Sorry… sorry..” paulit ulit na sabi niya at nagtatakbo sa loob.

Sinundan naman siya ni Carmi at niyakap, “Wala na iyon…”

Habang magkayakap sila ay nagulat si Marian nang bigla na lamang siyang mapaduwal.

Halos mapatalon ang mister niya sa tuwa dahil nang magpacheck up sila ay tatlong Linggo na pala siyang buntis.

Hinintay lang ng Diyos na magsisi siya bago ipaalam ang magandang balita.

Laging tandaan na hindi pa naman huli ang lahat para itama ang mga pagkakamali natin basta matuto lang tayong magsisi at humingi ng tawad.

Advertisement