Inday TrendingInday Trending
Lihim ng Pamilya

Lihim ng Pamilya

Pitong buwan na ang nakalipas mula nang kuhaning kasambahay ng pamilya Soriano ang dalagitang si Alita. Labing pitong taong gulang lamang siya pero dahil sa kakapusan ay pinayagan na rin siya ng ina na magtrabaho.

Kung ang nanay lang rin kasi ang aasahan nila ay baka hindi na sila kumain. Napakahina ng kita sa pagba-basura. Iniwan pa sila ng haligi ng kanilang tahanan.

“Alita, ito ang ipapainom mo kay mom every seven p.m., ha?” bilin ni Cheska, ang pinakabatang amo ng dalaga. Iniabot nito ang isang botelya ng gamot.

Tinitigan naman itong mabuti ng dalagita. Medyo nagtataka si Alita kasi wala itong pangalan. Parang tinuklap.

“Huwag mo nang alalahanin iyan. Basta gawin mo ang trabaho mo. Kailangan ni mom ‘yan,” sabi pa ng babae. Napatango na lang si Alita.

Ilang sandali pa ay dahan-dahan nang pumasok si Alita sa kwarto ng matanda. Bago siya tumuloy ay ilang buntong-hininga muna ang kaniyang pinakawalan. Grabe kasi, ang sungit-sungit sa kaniya ng lola.

Samantala, naramdaman naman ni Madam Lupe na may tao sa kaniyang kwarto. Tiyak niyang ito na naman ang baguhang kasambahay. Nakakainis lang kasi ang tamad-tamad ng kaniyang mga anak na alagaan siya kaya kumuha pa ng katulong ang mga ito. Kung tutuusin ay hindi naman siya baldado!

Oo, 75 years old na siya pero malakas pa naman ang kaniyang katawan. Lagi siyang nakahiga pero malakas naman ang utak niya. Sa katunayan ay nagpapatakbo pa nga siya ng isang malaking negosyo at hindi niya pa naiisip kung kanino ipamamana iyon.

“Anong kailangan mo?” mataray na sabi ng matanda. “Iinom raw ho kayo ng gamot, lola,” sabi ni Alita tapos ay iniabot sa matanda ang isang basong tubig at isang capsule.

Sa halip na inumin iyon ay inihagis ni Madam Lupe ang baso sa dingding. Kita niyang napapitlag ang dalagita sa gulat dahil nabasag iyon.

“Hindi mo ako lola! Ang kapal naman ng mukha mo! Lumabas ka na nga! Sabihin mo kina Cheska kung gusto nilang painumin ako ng gamot ay sila ang pumunta rito!” galit na wika ng matanda.

Nakatungo namang lumabas ang katulong. “Pasensya na po,” sabi ni Alita.

Isang araw ay napalingon na lamang si Madam Lupe nang pumasok ang kasambahay sa kaniyang kwarto na umiiyak. Pagagalitan niya sana ito pero napipi siya dahil may kung ano sa mga titig nito sa kaniya. Lungkot at awa?

“Ano ang iniiyak-iyak mo diyan?” tanong ng matanda kay Alita. “Madam, sana ho kahit na anong mangyari ay huwag na huwag ninyong iinumin ho ang gamot…”

Hindi na natapos pa ng kasambahay ang sasabihin dahil biglang pumasok sa kwarto si Cheska at hinila sa buhok ang kasambahay. Habang kinakaladkad nito palabas ang dalagita ay nagbubunganga ito.

“Pakialamera ka! Nakakalimutan mo ang lugar mo!” gigil na gigil na sabi ng babae tapos ay humarap ito sa matanda. “May sinabi ba sa iyo ang gag*ng ito, ma?”

Tumaas ang kilay ni Madam Lupe. “Wala. Bakit ba? Ano ba ang nangyayari sa inyo?”

Bumuntong-hininga si Cheska, halatang pinipigil ang magalit. “Wala. Huwag mo kaming alalahanin. Basta… Basta inumin mo ang gamot mo para bumuti na ang pakiramdam mo.” sabi ng babae bago tuluyang lumabas ng kwarto.

Hindi man maunawaan masyado ni Madam Lupe kung ano ang nangyayari ewan niya kung bakit nakaramdam siya ng habag sa dalagita. Kung tutuusin ay wala naman itong ibang ipinakita sa kaniya kung ‘di kabutihan kahit araw-araw kung insultuhin niya ito.

Ilang sandali pa ay pumasok si Ariel, ang isa sa mga anak ng matanda.

“O, ano? Tapos na ang drama niyo?” usisa ni Madam Lupe. Ayaw mang aminin ay hinihiling niyang oo kasi naaawa na siya sa pobreng kasambahay.

“Huwag mo nang pansinin iyon. We can easily replace her. Nga pala, bukas aalis kami. Family out of town,” simpleng wika nito.

“Kailan ang balik niyo?” tanong ng matanda. Kahit sa loob-loob niya ay malaki ang tampo niya sa anak dahil hindi siya kasama sa ‘family’ na sinasabi nito kahit pa sa kaniya naman nagmumula ang lahat ng perang pang-lamyerda ng mga ito.

“Baka next week pa. Ma, kung ako sa’yo paki asikaso mo na ang last will and testament para wala ng problema,” udyok ni Ariel sa ina.

“What do you mean ‘problema’?” tanong ni Madam Lupe. “Wala. Basta ipaayos mo na sa abogado natin. By the way, don’t forget to take your meds.” Iyon lang ang sinabi ni Ariel at lumabas na ito ng kwarto.

Kinabukasan ay maagang umalis ang mga anak ng matanda. Ayaw mang aminin ni Madam Lupe ay tila nami-miss niya ang mabait na si Alita. Pinalayas na ba ito?

Kanina pa nakakaramdam ng pagkahilo si Madam Lupe kaya tinawagan niya ang kaibigang doktor. Nagulat pa ang matanda dahil paglabas niya ng kwarto ay wala kahit na isang katulong. Teka, lahat yata ay pinalayas na ng mga anak niya.

“Long time no see. Kumusta ka na? Sabi ng mga anak mo ay may bagong doktor na tumitingin sa’yo. Buti naalala mo pa ako,” wika ng kaibigang doktor ng matanda.

Nagulat naman si Madam Lupe “Ha? Ang sabi nila ay busy ka sa seminar. Actually, ikaw pa nga raw ang nagpapainom sa akin ng gamot na ito.” Iniabot ng matanda ang botelya ng gamot na palaging ibinibigay sa kaniya tuwing alas siyete ng gabi.

Kumunot ang noo ng doktor. “Hindi maganda ang naiisip ko rito. Bigyan mo ako ng oras tapos babalikan kita, ha?” sabi ng doktor bago ito nagmamadaling umalis.

Pagbalik ng doktor ay humahangos ito bitbit ang isa pang botelya na katulad ng iniinom ng matanda. Ang kaibahan lang ay may pangalan ito.

“Lupe, nilalason ka ng mga anak mo. Unti-unti nilang pinahihina ang immune system mo hanggang ang katawan mo na mismo ang sumuko,” saad ng doktor.

Nangangatog ang mga tuhod ni Madam Lupe sa nalaman nang bigla siyang makarinig ng mga kaluskos.

Napalingon ang matanda at ang doktor sa kaluskos mula sa isang kwarto. Nang puntahan nila ito ay tumambad sa kanila ang nakataling si Alita.

May takip ang bibig nito at halatang matagal nang naroroon.

“Anong nangyari sa’yo?” nag-aalalang wika ni Madam Lupe. “Lola… Madam, natuklasan ko ho kasing nilalason nila kayo dahil narinig ko iyong usapan nila noong isang araw. Pinagalitan nila ako at itinali rito para hindi makapagsalita. Binalak rin ho nilang pagbintangan ako kung sakaling may mangyari ho sa inyo,” umiiyak na wika ng kaawa-awang katulong.

Bago pa man makaisip ng tamang gagawin si Madam Lupe ay nakatanggap na siya ng tawag, sumabog ang sinasakyang eroplano ng kaniyang mga anak. Sobrang bilis ng mga pangyayari kaya wala na siyang ibang nagawa kung ‘di ang umiyak. Masakit ang mawalan ng mga anak pero mas masakit ang katotohanang tinangka siyang bawian ng buhay ng mga ito para sa lang pera.

Samantala, napalapit naman ang loob ni Madam Lupe sa dalagitang si Alita. Sa bahay nilang iyon ay ito lang pala ang totoong may malasakit sa kaniya.

Makalipas ang ilang taon ay pumanaw na rin si Madam Lupe at ganoon na lamang ang pagkagulat ni Alita nang iwan sa kaniya ng matanda ang lahat ng kayaman nito. Ang katwiran ni Madam Lupe ay wala na naman itong pamamanahan dahil wala na itong ibang pamilya at siya lamang ang nag-alaga rito.

Laking pasasalamat ng dalaga na kahit sa maiksing panahon ay naiparamdam niya sa matanda ang pagmamahal.

Ang Diyos talaga ay marunong. Nakikita Niya ang gumagawa ng tama at mali at ibinabalik Niya iyon ng triple pa.

Advertisement