Kalat na kalat sa ospital ang pagiging babaero ni Dr. Albert Jimenez. Wala namang pakialam ang lalaki, totoo naman kasi iyon. Ang misis niya nga ay walang magawa ang ibang tao pa kaya?
Tsaka bakit naman siya magpapaapekto, eh, nage-enjoy naman siya? Ang sarap kayang magbuhay binata. Bibigyan niya lang ng pera ang pamilya tapos ay mambababae na siya. Hindi niya kayang i-give up ang mga magagandang babae. Nakakatawa pa nga kasi kahit na alam nilang may asawa na siya ay sige pa rin sila sa paglapit sa kaniya. Sino nga ba naman ang makakatanggi sa gwapong doktor, ‘di ba?
Ngayon ay may bago siyang kursunada. Bagong pasok lang sa kanila, si Nurse Gail. Ang ganda nito, batang-bata. Lalo siyang nauulol kapag pinagmamasdan ang balingkinitan nitong katawan na bakat na bakat sa hapit nitong uniform. Siyempre sinimulan niya na ang magpa-charming.
“Bakit mo nai-consider na dito pumasok sa ospital na ito?” usisa ni Dr. Jimenez. Napatingin sa doktor ang mahinhin na nurse. “Marami na po akong naririnig na maganda raw po dito. Tsaka mas gusto ko po sa public hospital kasi mas mae-expose ako sa mga pasyente. Dagdag experience po,” nakangiting sabi ni Gail.
Tumangu-tango si Dr. Albert. “Buti na lang. Eh, ‘di nakilala kita, ‘di ba?” panimula ng doktor.
Hindi naman malaman ng nurse kung paano magre-react. Mayamaya pa ay nakarinig sila ng ilang pagkatok.
Pinapasok ng isa pang nurse ang isang lola na sa tingin ni Dr. Albert ay nasa 75 years old na. Pinaupo niya ito sa unahan at tinanong kung ano ang problema. Pero ang totoo ay ‘di naman siya nakikinig sa matanda. Busy siya sa pakikipagkindatan sa nurse. Humahagikgik lang ang dalaga sa isang gilid.
Pinatayo ng doktor ang lola at tinignan ang paningin nito, isang doktor sa mata si Doc Albert. “Kailangan kang operahan, nay.”
“Magkano ho kaya ang aabutin?” tanong ng lola. Nag-isip sandali si Dr. Albert. “Sige. Libre na.”
“Ho?” gulat na sabi ng matanda. Kita ng doktor na maging ang nurse ay nagulat kaya napangiti siya.
“Libre na. Pati ang mga gamot ninyong pangpatak na maintenance ay sagot ko na rin,” dagdag ng doktor.
Masayang nagpasalamat ang lola at nagpaalam na. Sinabayan pa itong maglakad ng apo nitong dalagita na kanina pa nakatanaw sa doktor. Naiwan sila Nurse Gail at Dr. Albert.
“Grabe, Dr. Albert. Ang powerful mo po talaga. Tsaka ang dami niyong pera para sagutin niyo ang operasyon ni lola,” puri ng nurse.
“Basta ba ikaw ang kasama kong mag-opera bukas, eh,” wika ni Dr. Albert habang unti-unting nilalapitan ang nurse.
“Talaga ho? Gusto niyo kong isama sa operasyon kahit hindi ako ang naka-assign?” paniniguro ng nurse. “Magagawan ko ng paraan ‘yan. Ipapakita ko pa sa’yo bukas kung ano ang mga kaya kong gawin. Basta ba makaka-score ako, eh,” diretsahan wika ni Doc Albert bago nito bigla hinalikan si Nurse Gail.
Naramdaman naman ng lalaki na tumugon ang dalaga kaya lalo itong na-excite. Pero bukas na niya ito gagalawin. Mahirap rito sa ospital. Baka may makakita at maudlot pa ang kaligayahan niya. Bukas na lang pagkatapos niyang operahan ang matanda para makapag-book siya ng hotel.
Ang totoo niyan ay iba ang plano ni Dr. Albert. Gusto niyang magpasikat sa dalaga kaya ang gagawin niya ay kukuha siya ng mata mula sa isang katawan sa morgue at ipapalit iyon sa mata ng matanda. Wala lang, trip lang. Ipapakita niya lang sa nurse na makapangyarihan siya sa ospital na iyon. Wala siyang pakialam kung mabulag ang matanda o ano.
Kinabukasan ay dumating ang lola. Nasa likod lang nito ang apo. Nakatanaw pa rin ang dalagita hanggang ipasok na ang matanda sa operating room.
“Okay na. Kaming dalawa na lang ni Nurse Gail,” sabi ni Dr. Albert sa iba pang nurse. Kinikilig namang napangiti si Nurse Gail.
“Doc, tuturukan niyo ba ho ako ng pampatulog?” tanong ng matandang nakahiga. May bakal na naghahawak sa talukap nito kaya hindi nito nalalaman ang nangyayari sa paligid.
“Ha? Hindi, la. Wait lang ho, ah. May inaayos lang ako,” wika ni Dr. Albert kahit ang totoo ay halos maghubad na sila ni Nurse Gail sa gilid. Punung-puno ng lipstick ang damit ng doktor.
“Mamaya na, baby girl. May ipapakita muna ako sa’yo.” pigil ng doktor sa nurse. Walangh*yang babae ‘to. Sabik rin pala.
Dinampot ni Dr. Albert ang container kung saan nakalagay ang mata na kinuha niya kanina sa morgue.
“Pagtripan natin ‘tong lola,” tatawa-tawang sabi ni Dr. Albert.
Pero bago pa man makapagsimula ang doktor ay biglang bumukas ang pintuan ng operating room at nanlaki ang mata niya nang makita kung sino ang pumasok.
Ang director ng ospital!
“Director!” gulat na sabi ni Dr. Albert.
Matigas ang mukha nito, tanda na pinipigil ang galit. Sa likod nito ay isa pang doktor sa mata at ilang nurse.
“Dr. Mendez, ikaw na ang magtuloy sa pag-opera. Nabasa mo na naman ang diagnosis sa lola. Ikaw, Dr. Albert, mag-usap tayo sa opisina ko. Sumama ka na rin, Nurse Gail,” utos ng director ng ospital. Napailing pa ito nang makitang bukas ang ilang butones sa uniporme ng nurse at punung-puno ng lipstick ang pagmumukha ni Dr. Albert.
Umupo sina Dr. Albert at Nurse Gail sa opisina ng director at nanliit sila nang ipakita sa kanila ang CCTV.
Ayon sa director ay may tumawag sa opisina nito at isinumbong ang kanilang kalokohan. Napakarami nilang nilabag na patakaran ng ospital. Pinakamatindi na dito ang tangka paglalagay sa alanganin ng buhay ng isang pasyente.
Suspendido sila Dr. Albert at Nurse Gail. Inutusan rin sila na humingi ng tawad sa lola kapag nagkamalay na ito. Nangako naman si Dr. Albert na gagawin iyon pero hindi bukal sa loob niya. Malakas ang pakiramdam niya na ang l*ntik na apo ng matanda ang nagsumbong sa director.
Mabilis na lumipas ang araw at pinuntahan ni Dr. Albert ang lola sa kwarto nito.
“Gusto ko lang hong malaman. Apo niyo po ba iyong dalagitang maraming nunal? Iyon hong lagi ninyong kasama kapag nagpapa-checkup kayo?”
Sa ‘di malamang dahilan ay napaiyak ang matanda.
“Diyos ko po, tinupad niya ang pangako niya sa akin,” humihikbing sabi ng matanda.
Napakunot naman ang noo ni Dr. Albert.
“Maliit pa ang batang iyon nang mapunta sa akin. Ang nanay niya kasi na anak ko ay hindi kinaya ang kalungkutan at kinuha ang sarili niyang buhay. Ang kaniyang tatay naman na babaero ay sumama sa ibang babae. Kaya galit na galit ang apo ko sa mga babaero. Nangako rin siya na palagi akong babantayan dahil utang niya sa akin ang lahat,” kuwento ng matanda.
“Melissa, apo, kung nasaan ka man salamat sa pagbabantay mo sa lola,” bulong ng matanda sa kawalan.
Lalong naguluhan si Dr. Albert. “Ano ang ibig niyong sabihin?”
“Wala na si Melissa ko. Nabundol siya isang taon na ang nakakalipas,” saad ng matanda.
Binalot ng kilabot ang buong katawan ni Dr. Albert. Walang imik na lumabas siya ng ospital. Nasalubong siya ni Nurse Gail. Ikinuwento niya rito ang kaganapan at maging ang babae ay tinakasan ng kulay sa mukha.
Lalong nataranta si Dr. Albert nang makita ang multo ng dalagita na nakatayo sa hallway ng ospital.
“Sorry!” sigaw ng doktor bago nagtatakbo palayo. Wala na siyang pakialam kung pagtinginan siya ng mga nurse.
Mula noon ay nagbago na si Dr. Albert. Bumawi siya sa kaniyang pamilya. Ang pagkakasuspinde sa kaniya ang naging daan para mapalapit siya sa Diyos. Humingi siya ng tawad sa lahat ng kaniyang kagag*han at nangangako na mula ngayon ay hindi lang siya magiging mabuting doktor kung ‘di magiging huwarang ama at asawa.