
Anim na Taong Nagtrabaho Bilang OFW ang Tatay Na Ito Kaya Naman Pagbalik Niya sa ‘Pinas, Ilag sa Kaniya ang Anak; Paano Niya Kukunin ang Loob Nito?
“Kinakabahan ako, Mommy. Hindi ko alam kung paano magiging tatay kay Jen-jen.”
Kausap ni Poldo ang kaniyang misis na si Juliet sa pamamagitan ng video call. Isang OFW sa Qatar si Poldo, at balak na niyang umuwi sa Pilipinas. May isang anak sina Poldo at Juliet, si Jen-jen, 6 na taong gulang.
Kahit kailan, hindi pa nagkakaharap nang personal sina Poldo at Jen-jen. Ang nangyari kasi noon, nang matanggap si Poldo bilang karpintero sa Qatar, inalok niya na kaagad ng kasal ang nobyang si Juliet para wala na itong kawala pa. Pumayag naman ito. Isang buwan pa lamang si Poldo sa Qatar, ibinalita na ni Juliet sa kaniya na buntis na ito. Nanganak si Juliet na wala sa tabi niya si Poldo, kundi ang mga kaanak nito.
Hindi ganap na nasubaybayan ni Poldo ang paglaki ng kaniyang anak na si Jen-jen. Nakita naman ni Poldo ang unti-unting paglaki ng sanggol, hindi naman nagkulang si Juliet sa pagtawag sa kaniya sa pamamagitan ng video call, salamat at naimbento ang mga ganoong kagamitan.
Subalit iba pa rin kapag personal. Pansin niyang naiilang sa kaniya si Jen-jen, dahil saglit lamang ito kung makipag-usap sa kaniya.
“Huwag mong isipin si Jen-jen, Daddy. Umuwi ka na rito kasi lagi naman kitang kinukuwento sa kaniya, saka alam naman niyang tatay ka niya dahil nagkakausap nga kayo sa video call. Mabait si Jen-jen.”
Ilang araw bago ang pagbabalik ni Poldo sa Pilipinas, iginugol niya ang pagbili ng iba’t ibang mga pasalubong para kay Juliet, sa mga kaanak, at syempre, para kay Jen-jen. Hindi niya nakalimutang bilhin ang doll house na hiniling mismo nito. Gusto niyang makuha ang loob ng kaisa-isang anak.
At dumating na nga ang araw na pinakahihintay ni Poldo. Pagkababa mula sa eroplano, halo-halong kaba ang naramdaman niya. Pagkasabik na may kaba.
“Daddy! Daddy!”
Abot-tenga ang ngiti sa mga labi ni Juliet nang masilayan niya ang mister. Agad niya itong sinalubong ng yakap at halik.
“Jen-jen, anak… ang daddy mo…”
Lumuhod si Poldo upang makapantay niya ang anak. Kitang-kita sa mukha ng bata ang pagkailang. Hindi nito alam kung yayakap ba ito sa kaniya o kung ano pa man. Si Poldo na ang kusang yumakap sa bata. Ngayon lamang niya nakita at nayakap ang anak dahil nga hindi pa ito isinisilang noong nangibang-bansa na siya.
“Ang ganda-ganda mo pala sa personal, anak! Kasi sa video call, maganda ka na talaga eh. Masayang-masaya ako na magkakasama na tayo rito sa Pilipinas ng mommy mo.”
Habang nasa biyahe, walang humpay sa kuwentuhan sina Poldo at Juliet. Tahimik lamang si Jen-jen. Tila sinasanay pa nito ang sarili na kasama na nila ang kaniyang Daddy.
Pagdating sa kanilang bahay, bago sila kumain ay binuksan muna ni Poldo ang laman ng kaniyang mga bagahe. Ipinakita niya kay Jen-jen ang binili niyang doll house para sa kaniya, gayundin ang iba pa niyang mga pasalubong.
“Anak, para sa iyo ang lahat ng iyan,” nakangiting sabi ni Poldo kay Jen-jen. Tumango-tango naman ang bata, at parang kiming-kiming inisa-isa ang mga pasalubong na ipinagmamalaki niyan.
“Mommy, bakit ganoon? Bakit parang kimi at ilag sa akin si Jen-jen? Hindi ba’t sanay naman siyang nakikita ako?”
“Daddy, hayaan mo at masasanay rin siya. Lalo na ngayon na hindi ka na babalik sa ibang bansa at lagi ka na niyang makakasama.”
Kaya naman ipinangako niya sa kaniyang sarili na kukunin niya ang loob ng anak at babawi siya rito sa lahat ng mga panahong hindi sila nagkasama.
Tuwing umaga, si Poldo ang nagluluto ng almusal, ang nagluluto ng tanghalian, hanggang sa hapunan.
Tuwing Sabado at Linggo, nagtutungo sila sa mall, sa isang beach resort, o sa iba pang mga pasyalan. Unti-unti, napapansin ni Poldo na nagiging komportable na si Jen-jen sa kaniyang presensya, bagama’t hindi pa rin ito kusang lumalapit o yumayakap sa kaniya.
Hanggang sa sumapit ang ika-7 kaarawan ni Jen-jen. Nais nilang maging bongga ang pagdiriwang. Gusto raw ni Jen-jen, tungkol sa mga sirena ang magiging tema. Hindi naman nagdalawang-isip si Poldo na ibigay ang nais ng kaniyang anak.
Kaya sa pictorial nila, laking-gulat ng mag-ina nang makitang nakasuot ng pansiyokoy si Poldo, habang ang mag-ina naman ay nakasuot ng costume na pangsirena. Tuwang-tuwa si Jen-jen nang makita ang kaniyang Daddy sa gayong ayos.
Pagkatapos ng kanilang pictorial, lumapit si Jen-jen kay Poldo.
“Daddy, thank you, kasi tinupad mo po ang wish ko,” sabay yakap kay Poldo. Gumanti naman ng yakap si Poldo habang nakangiting nakatingin kay Juliet. Kaysaya at kaysarap sa pakiramdam ng isang ama na mapahalagahan ng anak!
“Walang anuman, anak! Gagawin ni Daddy ang lahat para sa iyo. Hayaan mo akong bumawi sa iyo, sa inyo ng Mommy mo,” naiiyak na tugon naman ni Poldo.
Simula noon ay nawala na ang pagkailang ni Jen-jen kay Poldo. Ipinasya na lamang ni Poldo na magtayo ng negosyo upang hindi na siya bumalik pa sa ibang bansa. Nais niyang makasama ang kaniyang mag-iina at masubaybayan ang paglaki ng pinakamamahal na unica hija.

Hindi Maiwasang Makaramdam ng Inggit ang Babae sa Kaniyang Katrabaho Dahil Paborito Ito ng Kanilang Boss; Nakaisip Siya ng Paraan Upang Masira ang Pangalan Nito
