Inday TrendingInday Trending
Unang Beses na Makikipagkita at Makikipagdate ang Babae sa Nakilala Niyang Lalaki Online; Hindi Niya Pala Ito Makalilimutan Habambuhay

Unang Beses na Makikipagkita at Makikipagdate ang Babae sa Nakilala Niyang Lalaki Online; Hindi Niya Pala Ito Makalilimutan Habambuhay

“No Boyfriend Since Birth.” Iyan si Charmaine. Maganda naman siya, mabait, at masipag. May mga nagtangka rin namang magparamdam at maningalang-pugad sa kaniya noong siya ay nasa hayskul at kolehiyo, subalit wala talaga sa bokabolaryo niya ang pakikitalamitam sa mga lalaki.

Kaya hindi niya maintindihan kung bakit kung kailan tumuntong siya ng 30 anyos, saka naman siya tila nakararamdam ng pagnanais na makakilala ng lalaking magpapakilig sa kaniya, lalaking magsasabing susungkitin nito ang buwan at mga bituin para ibigay sa kaniya, lalaking magiging Prince Charming niya.

“Late bloomer ka teh?” natatawang sabi sa kaniya ni Gracilda, kaibigan at kasamahan niya sa trabaho. Tanghalian. Nasa cafeteria sila. Kuwento-kuwento, pahinga-pahinga. Maya-maya kasi, sabak na naman sa tambak na trabaho.

“Ewan ko ba. Siguro ‘yan na lang kasi ang kulang sa akin. Naiahon ko na ang pamilya ko sa hirap. May pera na ‘ko sa bangko. Matatapos na rin bahay ko. Nag-iisip na ‘kong bumili ng kotse. Lalaki na lang kulang!” natatawang sabi ni Charmaine.

“Sus, madali lang ‘yan. Humanap ka ng lalaki! Gusto mo ireto kita sa mga kakilala ko?”

“Hindi. Huwag. Ayoko nang ganoon. Gusto ko unang kita ko pa lang may sparks na kaagad. Saka unang kita niya sa akin, ganoon din. Teka, may ipapakita ako sa iyo,” sabi ni Charmaine. Inilabas ang telepono. Ipinakita ang isang larawan ng guwapong lalaki. “Guwapo ba?”

“Ay oo guwapo ah! Sa’n mo nakilala ‘to?” bulalas naman ni Gracilda. Kinuha pa ang telepono at sinipat-sipat pang maigi ang larawan. Hindi lang pala basta larawan kundi naka-upload na larawan sa account nito. Dating app.

“At kailan ka pa natutong mag-dating app? Iba ka rin! Ngayon lang ako nakakita ng naive at konserbatibo na nangahas na mag-dating app!” natatawang sabi ni Gracilda.

“Huwag ka ngang maingay at baka may makarinig sa ‘yo, nakakahiya. Sinubukan ko lang naman kasi laging lumilitaw sa social media. Saka may mga naririnig na ako tungkol diyan. Iyong iba, diyan nakahanap ng jowa nila. Wala naman sigurong masama ‘di ba?”

“Oo wala namang masama pero syempre ingat ka rin teh. Hindi mo alam kung totoo bang larawan niya iyan o poser lang. Ingat ka rin. Enjoy mo lang. Teka, nagkita na ba kayo nito?”

“Hindi pa, pero baka ngayong Sabado, magkita na kami. Nag-aya eh,” tila kinikilig na kuwento ni Charmaine.

Parang si Gracilda naman ang kinilig para kay Charmaine.

“Grabe Meng, tao ka na talaga! Babae ka na talaga! Akala ko puro bahay-trabaho, trabaho-bahay ka lang eh. Pero tatandaan mo, huwag na huwag mong isusuko ang bandera ah…”

Pinandilatan ni Charmaine ang kaibigan. Namula ang mukha niya.

“Basta Meng ito lang ang maipapayo ko. Kapag hindi ka komportable sa kausap mo, balido ‘yun, huwag mong pilitin. Saka puwede mo akong i-text o chat kapag may hindi magandang nangyayari.”

Sabado. Araw ng pakikipagkita ni Charmaine sa kaniyang kachat, na ang pangalan ay JV. kabadong-kabado siya dahil unang beses niyang makikipagkita sa lalaki, na isang estranghero pa para sa kaniya. Para maiba lang. Hindi naman siguro masama.

Maya-maya, nasa harapan na niya ang lalaking kachat lamang niya. Natulala si Charmaine dahil mas guwapo pala ito sa personal. Titig na titig ito sa kaniya. Parang may kakaibang karisma sa mga mata nito, na parang wala siyang masasabing salita ng pagtanggi sa lahat ng mga bagay na sasabihin nito.

“Hi, Charmaine. I’m JV. You look so pretty.”

Unti-unting nawala ang kaba sa dibdib ni Charmaine habang kausap niya si JV. Sanay naman siyang makakita ng mga guwapong lalaki, subalit iba ang atraksyong nararamdaman niya para dito. Sapat upang ipahiram niya ang kaniyang bagong biling cellphone nang sabihin nitong kailangan nitong makausap ang ina. Nawalan daw ng load. Nasa kalagitnaan sila ng kanilang kuwentuhan.

“Pasensya ka na ha, kailangan ko lang kausapin ang Mama ko. Saglit lang naman, babayaran ko na lang yung load na makokonsumo,” saad ni JV.

“Ano ka ba, okay lang. Sige lang,” bukal sa pusong sabi ni Charmaine.

Nagpaalam si JV na lalabas lamang ng restawran upang tawagan ang kaniyang ina. Pumayag naman si Charmaine. Habang wala si JV, kinuha niya ang kaniyang make-up, nanalamin, at nag-retouch nang kaunti. Sunod, inilabas naman niya ang lipstick. Pinasadahan nang kaunti ang mapupula at maninipis na labi.

Wala pa rin si JV. Limang minuto na ang nakalilipas.

Baka mahaba ang sasabihin niya sa nanay niya. Nag-isip si Charmaine ng mga paksang maaari nilang pagkuwentuhan.

Wala pa rin si JV. Dalawampung minuto na.

“Nasaan na kaya ‘yun?”

Lumingon-lingon sa paligid si Charmaine. Napadako ang paningin niya sa upuan nito. Napansin niyang wala na roon ang pouch nito. Alam niya, may bitbit na pouch si JV nang magkita sila. Kinabahan si Charmaine.

Nagtungo siya sa bandang palikuran. Wala.

Lumabas siya ng restaurant. Nagtanong sa sekyu. Inilarawan si JV.

“Ah yung may kausap sa cellphone? Umalis na po Ma’am.”

Nanlumo si Charmaine. Malinaw na malinaw. Naloko siya. Tinangay ni JV ang kaniyang cellphone.

Mabuti na lamang at may isa pa siyang mumurahing cellphone. Agad niyang ikinonekta sa internet upang tingnan ang dating app. Subalit napansin niyang naka-block na siya sa account ni JV.

Hindi siya makapaniwalang sa unang pagkakataong ginawa niya ito, maloloko pa siya. Nagtungo na lamang siya sa pulisya upang i-report ang nangyari sa kaniya.

Magkahalong lungkot at inis ang naramdaman ni Gracilda nang ikuwento ni Charmaine ang nangyari sa kaniya.

“Naku hayaan mo na, buti nga cellphone lang ang nakuha sa iyo. Hindi kaya matagal na niyang ginagawa iyan? Sabi mo kasi parang hindi ka na makatanggi sa kaniya noong tinitigan ka na niya? Baka ginamitan ka ng hipnotismo. Ganyan ang ginagawa ng mga budol-budol,” saad ni Gracilda.

“Mabuti na rin na nangyari ito. Hinding-hindi ko ito makalilimutan habambuhay.”

Simula noon ay hindi na nakipagkilala pa sa dating app si Charmaine.

Sa personal na lang. Ipinakilala ni Gracilda ang kaniyang kaibigang lalaki na si Jeff. Mabait, responsable, at malambing.

Matapos ang ilang buwang paglabas-labas, niligawan siya at sinagot naman niya. Tumagal ng dalawang taon ang kanilang relasyon bilang magkasintahan, hanggang sa inaya na siyanng pakasal at lumagay sa tahimik. At syempre, ang kinuha niyang maid of honor, walang iba kundi si Gracilda.

Advertisement