
Pinagbigyan ng Babae ang Matalik na Kaibigan na Makigamit ng Kaniyang Credit Card; Makalipas ang Ilang Linggo ay Napasugod Sila ng Asawa Niya sa Bangko
“Sige na friend… pa-swipe lang ako, babayaran ko naman kaagad eh, gustong-gusto ko talagang makabili ng bagong labas na gadget na iyon. Hindi pa kasi dumarating yung inaasahan kong pera.”
Hindi malaman ni Joyce kung paano siya tatanggi sa kaniyang kaibigang si Annette na humihirit na maki-swipe o makigamit ito sa kaniyang credit card.
“Eh…” naiilang na sabi ni Joyce. “Hindi ko masyadong ginagamit ‘yan kasi takot ako na baka hindi ko mabayaran at magkautang ako dahil sa interes. Puwede tanungin ko muna si Ross?”
Si Ross ang mister ni Joyce.
Lumabi naman si Annette.
“Babayaran ko naman eh… may inaasahan naman akong pera.”
Madali lamang naman para kay Joyce na pahiramin si Annette, pero naiisip niya kasi, may mga hinihiram itong mga gamit sa kaniya na hindi pa nito ibinabalik, gaya ng bag at sapatos niya.
Sabi ng nanay niya, ang mga taong hindi mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay hindi mapagkakatiwalaan sa mas malalaking bagay.
“Oh sige… pero ipangako mo sa akin na babayaran mo rin kaagad ha… ayokong malubog sa utang.”
“Oo nga… saka alam mo naman kung nasaan ang bahay ko.”
At wala na ngang magawa si Joyce kung hindi ang payagang maki-swipe sa kaniyang credit card si Annette nang sa gayon ay makabili na ito ng gadget na gusto niya. Ipinagkatiwala niya sa kaibigan ang kaniyang credit card.
“Ibalik mo na lamang sa akin iyan bukas, idaan mo sa bahay,” bilin ni Joyce sa kaibigan.
Niyakap siya ni Annette. Tuwang-tuwa.
“Salamat friend! Maaasahan ka talaga!”
Subalit ang isang araw ay naging tatlong araw, limang araw, at isang linggo. Hindi na rin mapagtuunan nang pansin ni Joyce na ipaalala kay Annette na ibalik sa kaniya ang credit card niya. Gusto niya kasing ito ang magkusang-palo na magbalik sa kaniya.
Subalit parang hindi nga kasi ganoon ang ugali ni Annette.
“Annette, baka puwedeng idaan mo na rito ang credit card ko, hinahanap na kasi ng asawa ko,” hindi na makatiis na sabi ni Joyce nang tawagan niya ito.
“Ay oo nga pala! Pasensya ka na friend at naging abala lang ako sa trabaho. May tinatapos kasi kaming project. Puwede bang sa Sabado na lang?”
“Ah ganoon ba? Sige. Basta sa Sabado ha…”
Dumating ang Sabado. Walang Annette na dumating sa bahay.
Linggo…
Lunes…
Martes…
Miyerkules…
Huwebes…
Biyernes…
Nawala na rin sa isip ni Joyce na muling paalalahanan ang kaibigan dahil naging abala na rin siya sa trabaho.
“Grabe itong Annette na ito, ang kapal talaga…” naiinis nang sabi ni Joyce.
Tinawagan niya ito sa selpon. Unattended.
Baka low-batt o naka-off ang selpon. Sa chat na lang.
Subalit laking-gulat niya nang matuklasang naka-block na siya sa account nito. Kinabahan na si Joyce.
“Ross, kunin mo nga ang cellphone mo at hanapin ang social media account ni Annette.”
Tumalima naman si Ross, subalit hindi na nila makita ang account nito.
“Baka nag-deactivate? Bakit ba?”
At saka ipinagtapat ni Joyce ang ginawa ni Annette.
“Nalintikan ka na. Pinagamit mo’ng credit card sa kaniya, at ngayon nag-deactivate ng account? Mabuti pa puntahan natin sa apartment niya.”
Agad na lumarga ang mag-asawa.
Hindi sila makapaniwala sa kanilang natuklasan. Nakausap nila ang mismong kasera nito.
“Naku, pinalayas ko na dahil anim na buwan nang hindi nagbabayad sa renta! Makikita mo naman laging nagsha-shopping, tapos sasabihin walang pera!”
Parang nalaglag ang mga panga ng mag-asawa sa narinig.
“Mabuti pa, magpunta tayo sa bangko sa Lunes na Lunes,” mungkahi ni Ross. “Baka mamaya gamit lang nang gamit sa credit card ang babaeng iyan.”
Pagpatak ng Lunes, hindi na nagsayang pa ng oras ang dalawa. Agad silang nagtungo sa bangko upang malaman ang estado nito. Nanlaki ang mga mata ng dalawa nang malaman nilang 100,000 piso ang utang nila. Lahat ng iyon ay kagagawan ni Annette!
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang mag-asawa. Agad nilang ipina-cut ang credit card. Problemado sila ngayon sa utang na hindi naman sila ang gumamit.
“Kailangang makagawa tayo nang paraan para mabayaran ang utang na iyan, dahil kapag pinabayaan natin, lolobo ang interes niyan, at mas lalo tayong lulubugin,” mungkahi ni Ross.
Naiiyak si Joyce. Hiyang-hiya siya kay Ross. Sa halip na sisihin at pagalitan siya nito ay umisip pa ito ng paraan upang mahanapan ng solusyon ang problemang kagagawan ni Annette.
“Patawarin mo ako Ross, hindi ko naman alam na ganito ang gagawin ni Annette. Kung alam ko lang na hindi niya isasauli ang credit card, at sasamantalahin niya, hindi ko na sana ipinahiram sa kaniya.”
“Hindi mo naman kasalanan, naging matulungin ka lang sa kaibigan mo. Ang dapat nating habulin, si Annette.”
Inabonohan na lamang muna ni Ross ang utang na 100,000 piso at agad itong binayaran sa bangko upang hindi na magka-interes pa.
Pinuntahan din nila ang mga kaanak nito, at sa kanila mismo nanggaling na nasa malayong lalawigan si Annette, nagtatago sa mga pinagkakautangan nito.
Nalaman tuloy ng mag-asawa na nalulong pala sa casino si Annette, at nagkaroon ng iba’t ibang mga utang, na hindi rin naman mabayad-mabayaran.
“Babalik din sa atin ang 100,000 piso: siksik, liglig, at umaapaw,” nasabi na lamang ni Ross.
Nagdilang-anghel naman si Ross dahil nagkaroon ng malaking komisyon si Joyce sa proyektong kaniyang naisara para sa kompanyang pinagtatrabahuhan. Nagkaroon din ng malaking bonus si Ross sa kaniyang trabaho, at nakahanda na ring ma-promote sa posisyon.
Samantala, wala nang narinig na balita si Joyce hinggil kay Annette.
Ipinagpasa-Diyos na lamang ni Joyce ang kapalaran ng kaniyang kaibigang si Annette. Kahit na nagawan siya nito ng pagkakasala, hindi pa rin niya nanaising mapahamak ito. Dalangin niyang malagpasan nito ang problemang kinahaharap.