
Nilait-Lait ng Babae ang Nobyo ng Kapatid Dahil Lumaki Ito sa Boystown; Kahihiyan ang Aabutin Niya
“Oh my gosh! Sa boystown lumaki ang boyfriend mong si Jackson, Venice?!” gulat na sabi ng nakatatandang kapatid na si Victoria.
“Oo, ate. Bakit? May problema ba?” tanong ng dalaga.
Halos lumuwa ang mga mata at bakas sa mukha ni Victoria ang pagkadismaya nang malaman ang nakaraan ng nobyo ng kapatid.
“’Di ba kulungan ang lugar na ‘yon?” usisa pa nito.
“Tama ka, Ate Victoria. Ang boystown ay piitan ng mga lalaking menor de edad. Doon dinadala ang mga kabataan na nahuhuling lumalabag sa batas na wala pa sa tamang edad para kasuhan,” sagot ni Venice.
Umismid ang ate niya sa sinabi niyang iyon.
“Ano bang klaseng buhay meron ang lalaking ‘yon!” papalatak na sambit ng kapatid.
“Aaminin ko, ate na si Jackson ay bunga ng isang broken family. May malubhang sakit noon ang kanyang ama nang iwan ng kanyang ina na sumama sa kalaguyong ‘Kano at pinabayaan sila. Walong taon pa lang siya noon nang mamulat sa kahirapan kaya napilitan siyang magnakaw para maipagamot ang ama niya. Ikinuwento niya sa akin na nahuli rin siya noon habang nagnanakaw sa palengke ng isang pulis ngunit imbes na ikulong siya sa presinto ay dinala siya nito sa boystown. Naawa raw kasi sa kanya ang pulis, sinabi niya rito na nagawa lang niya ang magnakaw dahil para may pambili siya ng gamot sa may sakit niyang ama ngunit ang higit na masakit ay binawian din ng buhay ang ama niya ng araw na iyon. Dahil ulilang lubos na ay ipinasya niya na sa boystown na manirahan. Wala na rin naman siyang ibang mapupuntahan. Naging maayos naman ang buhay niya roon. Pinag-aral siya roon at natutong maging mas mabuting tao,” hayag ni Venice sa kapatid.
Kahit ipinaliwanag na ng dalaga kung bakit ganoon ang nakaraan ng nobyo ay hindi pa rin maipinta ang mukha ng babae.
“Kahit pa! Galing pa rin sa kulungan ang lalaking ‘yon! At sa wedding anniversary pa talaga nina mama at papa ka nagkalakas ng loob na imbitahan ang krim*nal mong boyfriend?” inis na sagot ni Victoria.
“Matagal na niyang pinagsisihan ang mga ginawa niya noon, ate. Dahil sa ipinakita niyang pagbabago at kabutihan habang nasa boystown siya ay unti-unting nabura na sa isip ng mga tao ang madilim niyang nakaraan. Sa katunayan ay matalino siya at naging huwarang mag-aaral noon kaya nabigyan siya ng scholarship ng gobyerno,” pagtatanggol ni Venice sa lalaki.
“Kahit na anong sabihin mo ay hindi mabubura sa pagkatao niya ang pagiging magnanakaw! Ang mabuti pa ay humanap ka na lang ng ibang lalaki na puwedeng ipagmalaki,” tugon ni Victoria sa kanya.
“Ate, ipinagmamalaki ko si Jackson kahit ano pa ang kanyang nakaraan dahil nagawa niyang makaahon sa putik na pinagmulan niya. Sa ngayon ay nirerespeto na rin siya sa lipunan dahil sa narating niya. Ang importante naman ay ang kasalukuyan ‘di ba?” sagot niya.
Napabuntung-hininga na lang si Victoria sa sinabi niya na hindi pa rin tanggap ang nobyo ng kapatid.
Malapit nang mag-umpisa ang party sa bahay nila nang may dumating na bisita. Unang dumating ang nobyo ni Victoria na si Philip na inimbitahan din nito sa espesyal na araw ng kanilang mga magulang.
“Hi, everybody!” bati ng lalaki na may dalang pumpon ng magagandang bulaklak at mamahaling regalo .
Kinilig naman si Victoria nang makita ang nobyo. Dali-dali nitong ipinakilala ang lalaki sa pamilya nila.
“Mama, papa, my dear sister, siya ang boyfriend kong si Philip. Isa siyang negosyante. Napakabait ng boyfriend kong ito at ubod pa ng yaman!” buong pagmamalaki ni Victoria sa nobyo.
“Ikaw pala ang nobyo ng aming panganay. Sige, tuloy ka, hijo! Naku, nag-abala ka pa!” masayang sabi ng mama nila nang makita nito ang mga dala ng lalaki.
Lumapit sa magkapatid ang kanilang ama at palihim na bumulong.
“Mukhang edukado at may sinasabi ang boyfriend mo, anak,” anito na kumindat pa sa kanila.
Nang magkasarilinan uli ang dalawa ay hiniritan na naman ni Victoria ang kapatid.
“Anong masasabi mo, Venice? Halatang gusto nina mama at papa si Philip. Kapag dumating ang Jackson mo, paano ang gagawin mong pagpapakilala sa kanya? Sasabihin mo bang heto ang boyfriend ko, mama, papa, isa siyang dating inmate sa boystown. Mahiya ka naman!” pang-aasar nito.
‘Di na pinatulan ni Venice ang pang-iinsulto ng kapatid hanggang sa dumating na rin ang kanina pa niya hinihintay – Si Jackson, ang nobyo niya.
“Magandang gabi po sa inyo!” masayang bati ng lalaki na may dala ring bulaklak at cake na nasa loob ng kahon.
“Tuloy ka, Jackson! Mabuti at nakarating ka!” wika ni Venice.
At ipinakilala na niya ito sa mga magulang at sa kapatid.
“Mama, papa, ate, si Jackson po. Isa po siyang pulis,” sabi niya.
“Kumusta po kayo! Happy anniversary po!” muling bati ng lalaki.
Malugod naman itong tinanggap ng mga magulang nila ngunit sa hindi malamang dahilan ay biglang kinabahan si Philip nang makita ang nobyo ni Venice. Hindi ito mapalagay at tila takot na takot. Sinubukan nitong tumalilis ngunit agad itong nahalata ni Jackson at mabilis na dinakma.
“H-hep, hep! S-sandali, pare! Saan ka pupunta? Parang kilala kita, ah!” sabi ng lalaki na hindi nagkamali nang pagmasdang mabuti ang mukha ng isa pang bisita.
Napalunok si Philip. Sa tingin niya ay wala na siyang lusot kaya sinubukan niyang pumalag at manlaban subalit sadyang matinik ang pulis na si Jackson at….
“Huwag ka nang lumaban pa, pare, bistado ka na, um!” sambit pa ng lalaki sabay suntok kay Philip. Sa sobrang lakas ng pulis ay bumulagta ito sa sahig.
Labis na ikinagulat ng pamilya ni Venice sa nangyari ngunit nagpaliwanag si Jackson.
“Pasensya na po, pero ang lalaking ito ay isang estapador at k*ller! Pinasl*ng niya ang kinakasama niyang matandang biyudang mayaman para sa kanya mapunta ang lahat ng pera nito, kaya nga yumaman ang lalaki ito dahil nagtagumpay siya sa plano niya ngunit nakunsensiya ‘yung taong kasabwat niya sa krim*n kaya ikinanta siya sa amin. Matagal na po namin siyang pinaghahanap. ‘Di ko akalain na dito ko siya matatagpuan. Mabuti at wala siyang ginawang masama sa inyo,” hayag ni Jackson na agad na pinosasan ang lalaki.
Ipinagbigay alam agad ni Jackson sa mga kasamang pulis ang nangyari at ‘di nagtagal ay nagsidatingan na ang mga ito para dalhin sa piitan si Philip.
‘Di makapaniwala ang pamilya ni Venice sa isiniwalat ng nobyong pulis. Wala silang kaalam-alam na nagpatuloy sila ng krim*nal sa kanilang bahay. Laking pasasalamat nila kay Jackson sa pagkakahuli sa lalaki.
“Thank you, Jackson,” tanging sambit ni Venice na mas lalong humanga sa nobyo sa ginawa nito.
Sa nangyari ay walang mukhang maiharap si Victoria sa kanyang pamilya. Ni hindi nito kayang tingnan ang magulang, nakababatang kapatid lalo na si Jackson na kanina lang ay nilait-lait niya ang pagkatao’t pinagmulan, ‘yun naman pala ay ito ang mas karapat-dapat na ipagmalaki at hangaan. Sa sandaling iyon ay gusto niyang matunaw sa sobrang kahihiyan.
Tandaan na huwag agad manghusga sa kapwa dahil kung minsan ay ang humahatol pa ang siyang nahahatulan.