Inday TrendingInday Trending
Ipinagtabuyan ng mga Anak ang Inang Nagkasala sa Kanila; Isang Drayber ng Pedicab ang Kukupkop Dito

Ipinagtabuyan ng mga Anak ang Inang Nagkasala sa Kanila; Isang Drayber ng Pedicab ang Kukupkop Dito

“Susmarya! Kay tumal ng mga pasahero ngayon. Paano ako kikita nang maganda nito?” napapailing na sabi ni Icko sa sarili habang matiyagang nag-aabang sa paradahan ng pedicab.

Ganoon naman talaga ang buhay niya bilang drayber ng pedicab. Nakabilad sa araw habang naghihintay ng pasahero.

Hindi naman pinahirapan nang matagal si Icko dahil isang matandang ale ang lumapit sa kanya.

“Maaari mo ba akong ihatid sa Kalye Champaca, hijo?” tanong nito.

“Yes ma’am! Areglado po! Sakay na po kayo,” tuwang-tuwa niyang sagot sa unang pasahero. Inalalayan pa niya ito sa pag-upo sa loob ng pedicab niya.

Habang nasa biyahe ay ikinagulat naman ng ale kung magkano ang pamasahe nito sa pupuntahan.

“Aba, e, bakit presyong holdap naman ang singil mo ng pasahe?” gulat nitong tanong.

“Naku, ma’am! Talaga pong ganyan ang singil ko sa mga pasahero ko, lalo na kung special trip,” tugon ng lalaki.

“Eh ‘di kung dalawa ang sasakay, doble ang pasahe?”

“Opo ma’am! Nagtaas na po talaga ang pasahe ngayon dahil sa umiiral na pandemya. Mabuti nga po at iyan lang ang singil ko sa inyo, sa ibang pedicab ay doble ang hinihingi.”

“Paano ‘yan, kulang na ang dala kong pera? Kulang ako ng sampung piso,” wika ng matanda na ipinakita pa kay Icko ang laman ng pitaka.

Napakamot na lang sa ulo ang lalaki.

“Sus! Ginoo! Buwena manong pasahero pa naman kita, ma’am, pero sige po, kung magkano na lang ang dala niyo ay iyon na lang ang sisingilin ko sa inyo,” tugon niya.

“Talaga? Salamat hijo! Pasensya na ha?” tuwang-tuwang sabi ng ale.

“Ayos lang po. O, narito na po tayo sa Kalye Champaca. ‘Hayan na po ang address na sinabi niyo kanina,” sambit ni Icko na inihinto na ang pedicab.

“Salamat ulit, hijo. Napakabuti mo,” sagot sa kanya ng matanda.

“Walang anuman po ma’am! Sige po, papasada pa ako!” paalam ni Icko.

Nasa harap na ngayon ang matanda ng isang bahay. Nagulat siya ng makita ang karatula na nakapaskil sa labas.

“T-teka, b-bakit for sale ang bahay? Ang pagkakaalam ko’y dito pa rin sila nakatira,” nagtatakang sambit niya.

Sumigaw siya sa labas at tinawag ang pangalan ng nakatira roon.

“Roxanne! Roxanne! Buksan mo ang pinto, anak!” aniya.

Maya-maya ay isa sa mga kapitbahay ang dumungaw sa bintana at nakilala siya.

“N-Nanay Maria? Kayo po pala ‘yan! Kay tagal niyong hindi pumarito. Umuwi na po sa Pangasinan sina Roxanne! Wala na pong tao riyan!” sabi ng babae.

“Ganoon ba? Kay layo pa naman ng biniyahe ko para lang bisitahin siya at ang mga apo ko,” tugon ng matanda.

“Wala po ba kayong numero ng anak niyong si Roxanne? Para po malaman nila na dumating kayo. Isang linggo na po silang wala sa bahay na ‘yan. Isinama siya at mga apo niyo ng asawa niya sa probinsya ng mga biyenan niya,” wika pa ng babaeng kapitbahay.

“Meron akong numero ng aking anak na tinatawagan ko kanina pa, eh, pero hindi naman niya sinasagot. Hindi rin nagre-reply sa mga text ko. Sinabi kong dadalaw ako ngunit…” sambit ni Nanay Maria na hindi na itinuloy ang sasabihin. “At isa pa wala na akong pera, nagastos ko na sa pasahe papunta rito. Paano na ako ngayon? Nagkulang pa nga ang pera kong pambayad dun sa pedicab kanina,” dagdag pa niya na iniba ang usapan ngunit hindi na rin napigilang maiyak dahil hindi niya alam ang gagawin.

Nahabag naman ang babae at nilabas siya.

“Huwag na kayong umiyak, nanay. Heto po ang pera, gamitin niyong pamasahe. Puntahan niyo na lang po ang iba pa niyong anak dito sa Maynila para may matuluyan kayo,” wika ng babae.

“Salamat ha? Huwag kang mag-aalala, ibabalik ko ito kapag nagkapera ako.” tugon ni Nanay Maria sa mabait na kapitbahay.

At nagpaalam na ang matanda. Habang naglalakad ay bumalik sa kanyang alaala ang mga panahon na nakagawa siya ng malaking pagkamamali sa mga anak niya. Nang pumanaw kasi ang kanyang asawa ay nagawa niya uli na umibig sa ibang lalaki at sumama siya rito at iniwan ang mga anak. Mas nagpaka-ina pa siya sa mga anak sa unang asawa ng lalaki kaysa sa sarili niyang mga anak. Ngunit laking pagsisisi niya dahil pinerahan lang pala siya at niloko ng lalaki. Sa huli ay iniwan din siya ng kinakasama at ng mga anak nito. Dahil sa pagkakamali niyang iyon ay malaki ang naging tampo sa kanya ng mga anak niya. Sa isip niya ay kaya siya pinagtataguan ng anak niyang si Roxanne ay hindi pa rin ito nakakalimot at galit pa rin sa kanya. Gusto niya sanang kausapin ang panganay niya at iba pa nitong kapatid para humingi ng tawad, pero tila bigo yata siyang mangyari iyon dahil nang makarating naman siya sa bahay ng anak niyang lalaki ay ipinagtabuyan naman siya nito.

“Nasaan na ang lalaki niyo at mga anak niya? Sila ang dapat niyong kasama tutal ay sila naman ang nakinabang sa inyo ‘di ba?” inis nitong tanong.

“W-wala na sila, Daniel, iniwan na nila ako. Niloko lang ako ni Manuel. Sumama siya sa mas batang babae. Dinala sila ng kanyang mga anak sa Canada,” sambit niya. “P-Patawarin mo ako, anak. Matagal ko nang pinagsisihan ang pang-iiwan ko sa inyo noon. Nagkamali ako! Umalis na ang kapatid mong si Roxanne sa bahay nila, pinuntahan ko sila para dalawin at para humingi rin ng tawad pero hindi ko na sila inabutan doon. Pinuntahan kita rito na nagbabakasakaling lumambot ang puso mo sa akin, anak. Wala akong ibang mapupuntahan, hindi na ako makakabalik sa probinsya dahil naubos na ang pera ko papunta rito,” wika ni Nanay Maria na napahagulgol na.

“Ano bang ine-expect niyo? Kung galit ako sa inyo, mas galit si Ate Roxanne dahil nang iwan niyo kami ay siya ang umako sa lahat ng responsibilidad niyo mula nang mawala si itay. Kaya kung ako sa inyo ay umalis na kayo! Iniwan niyo kami dati at mas inintindi niyo ang anak ng iba tapos ngayon ay babalik kayo at magpapaka-ina? Tigilan niyo ako! Wala akong pakialam kung wala kayong pera, walang mapupuntahan o anupaman. Mula ngayon ay wala na kayong anak na lalaki. Matagal ko nang kinalimutan na ikaw ang ina ko!” malamang sabi sa kanya ng anak.

Pagkatapos ay isinarado na nito ang bakal na gate. Halos mabingi ang matanda sa lakas ng pagsara niyon.

Halos madurog ang puso ni Nanay Maria sa harap-harapang pagtakwil sa kanya ng anak. Wala siyang ibang nagawa kundi ang mag-iiyak.

Hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang matanda. Gamit ang natitira niyang pamasahe ay pinuntahan naman niya ang bunsong anak na si Kimberly subalit gaya ng inasahan ay pinaalis din siya nito.

“O, anong ginagawa niyo rito? A, t-teka, alam ko na, iniwan na kayo ng kinakasama niyong lalaki kaya dito niyo naisipang pumunta sa akin dahil sa aming tatlo ay ako ang mas nakakaangat sa buhay ano? Puwes hindi maaari ang gusto niyo! Mula nang iwan niyo kaming magkakapatid ay itinuring na namin kayong pat*y! Kung tutuusin ay wala na kaming kaugnayan sa inyo dahil matagal niyo nang pinutol ang pagiging ina sa amin! Hindi na namin kayo kailangan!” singhal nito sa kanya.

Muntik nang manikip ang dibdib ni Nanay Maria sa mga binitawang salita ni Kimberly. Wala na siyang nagawa kundi tanggapin ang galit ng tatlo niyang anak dahil siya naman talaga ang may kasalanan ng lahat kung bakit naging bato ang puso ng mga ito sa kanya.

Nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Ubos na ang perang ibinigay sa kanya ng babaeng kapitbahay ng anak niyang si Roxanne. Wala na siyang pamasahe pabalik sa probinsya kung saan siya nanggaling. Naisip na lamang niya na sumilong sa ilalim ng punong mangga. Kung makikita lang siya ng mga anak niya sa kalagayang iyon na basam-basa at ginaw na ginaw, baka magbago ang isip ng mga ito at maawa sa kalagayan niya.

Nang walang anu-ano ay napadaan ang isang pedicab at nakita ng nagmamaneho nito ang matanda na nangangatog na sa lamig.

“M-ma’am? Ma’am, ikaw nga! Anong ginagawa niyo riyan? Basam-basa na kayo sa ulan! Sumakay na po kayo sa pedicab ko!” wika ng lalaking drayber.

Namukhaan agad ni Nanay Maria ang drayber ng pedicab na naghatid sa kanya sa bahay ng anak – si Icko.

Inalalayan ng lalaki ang matanda sa pagsakay. Dumaan muna sila at pumasok sa isang simbahan upang kahit paano’y makapagpatuyo sila habang hinihintay na tumila ang ulan. Doon na ikinuwento ni Nanay Maria ang lahat kay Icko. ‘Di napigilan ng lalaki na maiyak sa ipinagtapat sa kanya ng matanda. ‘Di ito makapaniwala na gagawin ng mga anak na itakwil ang sariling ina sa kabila ng pagpapakumbaba at paghingi nito ng tawad sa nagawang kasalanan. Sa tindi ng awa ni Icko sa matanda ay napagdesisyunan niyang kupkupin na lamang ito at patirahin sa kanila. Sinabi ni Nanay Maria na wala na siyang mapupuntahan. Hindi na rin siya makakabalik sa pinaggalingang probinsya dahil wala na siyang kapera-pera.

Kaya si Icko, na isa lamang drayber ng pedicab ay inampon si Nanay Maria at itinuring na tunay na ina ang tinalikurang matanda.

“Pagpasensyahan niyo na po ma’am este Nanay Maria ang sangkaterba naming anak ng aking asawang si Fernanda!” wika ng lalaki na ipinakilala ang matanda sa sariling pamilya.

Malugod naman na tinangap ng mga ito si Nanay Maria.

“Maligayang pagdating, ‘nay sa aming munting tahanan! Ikinagagalak namin kayong makilala! Dito po ay kahit tig-isang subong kanin at isang kurot na tuyo ay magiging masaya tayo! Mahirap lang po kami pero sisiguraduhin namin na bubusugin namin kayo sa kaligayahan. Mula ngayon ay isang pamilya na tayo!” sambit naman ni Fernanda.

Nang makita siya ng labing-isang anak ng mag-asawa ay isa-isa itong bumati, nagmano at humalik pa sa pisngi niya.

“Maraming salamat sa inyo, maraming salamat!” tugon ni Nanay Maria na ‘di makapaniwalang may mga taong tumanggap sa kanya sa kabila ng mga pinagdaanan niya.

Sa pagtira niya sa pamilya ni Icko ay naging masaya siya. Hindi niya kailanman naramdaman na iba siya sa mga ito. Minahal siya at itinuring na kadugo ng mag-anak kahit pa nabubuhay sila sa hirap.

Dalangin ni Nanay Maria na balang araw ay matutunan din siyang mapatawad ng kanyang mga anak at muli silang magkasama-sama.

Samantala, sana ay dumami pa ang tulad ni Icko na sa kabila ng kahirapan ay hindi nagdalawang-isip na bigyan ng pamilya at masisilungan ang gaya ni Nanay Maria.

Advertisement