
Hindi Maiwasang Makaramdam ng Inggit ang Babae sa Kaniyang Katrabaho Dahil Paborito Ito ng Kanilang Boss; Nakaisip Siya ng Paraan Upang Masira ang Pangalan Nito
“Gretchen, Gretchen, Gretchen. Si Gretchen na lang lagi ang magaling. Siya na lang lagi ang napupuri. Nakakainis!”
Iyan ang pahayag na nangingibabaw ngayon sa isipan ni Almira. Nagngingitngit ang kaniyang kalooban. Si Gretchen na naman ang napuri ng kanilang boss na si Mr. Camorra. Ginagawa naman niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang mapansin naman siya ng kanilang boss at purihin man lamang sa harapan ng kaniyang mga kasamahan, subalit si Gretchen na naman ang pinuri nito.
Si Gretchen na maganda at seksi.
Si Gretchen na matalino.
Si Gretchen na mahusay magsalita sa harapan ng mga kliyente.
Palaban si Almira at kahit hindi na siya maitaas ng katungkulan sa opisina, ayos lamang sa kaniya, basta’t mapuri at kilalanin naman ng kanilang boss ang sipag, tiyaga, at dedikasyon niya sa trabaho. Pakiramdam niya ay karapat-dapat din naman niyang mapansin.
“Huwag ka nang ma-insecure kay Gretchen. Ganoon talaga. May mga paborito talaga ang mga boss. Pasensya ka dahil hindi ikaw ang bet. Hindi ka kasingganda ni Gretchen, real talk lang,” saad sa kaniya ng kaibigan at kasamahan sa trabahong beki na si Win.
Pinandilatan ng mga mata at pinagtaasan ng kilay ni Almira si Win.
“Pero pagdating naman sa sipag at husay sa trabaho, ilalaban kita kay Gretchen, ‘no! Magaling ka rin, Almira. Walang dahilan para ihambing mo ang sarili mo kay Gretchen. Sabihin na natin na magkakaiba talaga tayo ng galing.”
“Hindi ko naman inihahambing ang sarili ko sa kaniya. Sa akin lang, sana naman maging pantay-pantay ang pagtingin sa atin ng mga boss. Sabi nga, iba ang tinitingnan kaysa tinititigan. Puring-puri siya kay Gretchen pero sa atin, ganoon din ba ang treatment? Kaya may diva attitude ‘yang babaeng ‘yan eh,” pahayag naman ni Almira.
“Teka, chismis ba ‘yan? Diva attitude? May nega attitude ba ang lola mo?”
“Oo. Narinig ko lang naman sa iba nating mga katrabaho. Hindi raw ‘yan namamansin kapag nakakasabay sa elevator. Nang-iirap. Dukutin ko pa mata niyan eh. Ang ayaw ko lang mangyari, baka mamaya niyan eh maungusan pa niya sa promotion yung iba nating mga kasama na magagaling din naman. Masyadong mabango ang pangalan niya kay Mr. Camorra.”
Kaya naman, minanmanan ni Almira si Gretchen. Gusto niyang malaman kung anong meron ito at gustong-gusto ito ng kanilang boss. Palagay naman niya, kaya rin niya ang mga ginagawa nito.
Natuklasan niya na laging overtime ito sa trabaho. Minsan daw, ito na raw ang pinakaunang umaalis ng kanilang opisina.
“Sige, makapag-OT na nga rin,” desisyon ni Almira.
Kaya naman, nag-oovertime na rin si Almira upang masubaybayan niya ang bawat kilos ni Gretchen. Ayaw man niyang aminin, naiingit na siya sa babaeng ito.
Subalit hindi niya inasahan ang kaniyang matutuklasan. 8:00 nang gabi. Antok na antok at pagod na si Almira kaya ipinasya niyang umuwi na. Matapos makapagligpit ng mga gamit, lumabas na siya ng kaniyang cubicle. Dumiretso sa elevator. Pipindot na sana siya nang mapansin niyang nagmamadali sa paglakad si Gretchen. Pauwi na rin.
“Nalintikan na, makakasabay ko pa yata,” naisaloob ni Almira. Inihanda niya ang sarili para sa pakikipagplastikan.
Subalit nagtaka siya dahil sa halip na dumiretso sa elevator, palihim na tinalunton nito ang fire exit. Bago pa ito tuluyang pumasok at dumaan don ay nagpalinga-linga pa. Parang tinitiyak na walang makakakita sa kaniya.
Dala ng kuryosidad, sa halip na pumasok na nagbukas na elevator ay sinundan ni Almira si Gretchen. Kabang-kaba siya. Pakiramdam niya ay may nangyayaring kakatwa.
Hindi siya nagkamali. Naitutop niya ang mga kamay sa kaniyang bibig.
Kitang-kita niya ang maiinit na eksena sa pagitan nina Gretchen at ng kanilang boss. Dahil abala sa kani-kanilang ginagawa sa isa’t isa, hindi nila napansin ang mga matang palihim na nakatingin sa kanilang dalawa.
Sinamantala naman iyon ni Almira. Kinuha niya ang kaniyang cellphone. Palihim na kinuhanan niya ng video ang maiinit na tagpo. Pagkatapos, agad sin siyang umalis at nagtuloy na sa elevator upang makauwi.
Pagdating sa bahay, pinanood niya ang kuhang video. Tiyak na masisira niya si Gretchen kapag ipinadala niya sa email ng kanilang mga katrabaho ang eskandalosong video na iyon. Hindi lamang si Gretchen kundi ang boss nila. Kapag nangyari iyon, tiyak na matatanggal sa trabaho ang dalawa.
Kapag nawala si Gretchen, wala nang paborito.
Kapag nawala ang kanilang boss, tiyak na wala nang may paborito.
Isang maitim na ideya ang pumasok sa isipan ni Almira…
Kinabukasan, isang tsismis ang bumungad sa kanilang opisina. Hindi na raw makakapasok si Gretchen at ang kanilang boss.
“Nahuli ng misis ni boss na may kabit siya, at walang iba kundi ang paborito niyang empleyado, si Gretchen! Kaya naman pala paborito. Hayun, pasa-pasa ang katawan ni boss sa ospital kasi kinuyog ng mga kapatid ng misis niya. Si Gretchen naman ay nagtatago na. Wala nang mukhang maihaharap dito,” kuwento ng isa sa mga katrabaho nila.
Nakahinga nang maluwag si Almira. At least, hindi na nanggaling sa kaniya ang ikinasira ng dalawa. Hindi na rin niya kailangan pang isiwalat ang namamagitan sa dalawa.
Kaya naman, napagtanto ni Almira na wala siyang dapat kainggitan kay Gretchen, dahil alam niya sa sarili niya na ginagawa naman niya ang trabaho niya nang buong puso at buong katapatan. Pagbubutihin pa niya ang kaniyang trabaho dahil alam niyang mapapansin at mapapansin din ito, kahit hindi siya maglangis, sumipsip, o magpalapad ng papel sa kanilang boss. Ang mahalaga, ginagawa niya ito nang marangal at may dignidad.